Asdod
Isa sa limang pangunahing lunsod ng mga Filisteo sa ilalim ng kanilang “mga panginoon ng alyansa” at maliwanag na ang sentro ng relihiyon ng Filistia lakip ang pagsamba nito sa huwad na diyos na si Dagon. Ang iba pang mga lunsod ay ang Gat, Gaza, Askelon, at Ekron. (Jos 13:3) Ipinapalagay na ang Asdod ay ang Esdud (Tel Ashdod) na mga 6 na km (3.5 mi) papaloob mula sa TTS ng makabagong Asdod na nasa baybayin.
Una itong binanggit sa Josue 11:22 bilang ang lugar na tinitirahan ng nalabi sa malahiganteng mga Anakim, kasama ng Gaza at Gat. Dahil sa mataas na lugar na pinagtayuan nito at sa posisyon nito sa daang militar na nasa kahabaan ng baybayin mula Ehipto hanggang Palestina, ang Asdod ay nasa estratehikong lokasyon kung tungkol sa mga operasyong militar. Noong panahon ng pananakop ng Israel, ito, kasama ang mga karatig na nayon, ay iniatas sa Juda (Jos 15:46, 47); ngunit maliwanag na ang mga tumatahan dito ay kabilang sa “mga tumatahan sa mababang kapatagan” na hindi maitaboy “sapagkat mayroon silang mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal.”—Huk 1:19.
1Sa 5:1–6:18; tingnan ang FILISTIA, MGA FILISTEO.
Ang mga Filisteong lunsod ay waring nasa tugatog ng kanilang kapangyarihan noong panahon ni Haring Saul. Bago ang paghahari ni Saul, dumanas ng matinding pagkatalo ang mga Israelita sa Ebenezer sa kamay ng mga Filisteo. Binihag ng mga ito ang kaban ng tipan, pagkatapos ay dinala nila iyon sa Asdod at inilagay sa templo ni Dagon, sa tabi ng imahen ng kanilang diyos. Pagkatapos ng dalawang kahihiyan na makahimalang nangyari sa imahen ni Dagon, ang mga Asdodita ay nagsimulang dumanas ng napakalubhang salot ng mga almoranas anupat nagkagulo sila. Matapos magsanggunian ang mga panginoon ng alyansa ng mga Filisteo, inilipat nila ang Kaban sa lunsod ng Gat, na naging dahilan upang umabot doon ang salot. Pagkaraan lamang ng pitong buwan, ibinalik na nila ang Kaban sa Israel, kalakip ang isang handog na ginto.—Bagaman natalo ni Haring David nang ilang beses ang mga Filisteo, maliwanag na ang kanilang mga pangunahing lunsod ay nanatiling independiyente hanggang noong panahon ni Haring Uzias (829-778 B.C.E.). Inilalarawan si Uzias bilang ang gumawa ng “mga makinang pandigma” (2Cr 26:15), at sinasabi sa atin sa 2 Cronica 26:6 na “lumabas [si Uzias] at nakipaglaban sa mga Filisteo at sinira ang pader ng Gat at ang pader ng Jabne at ang pader ng Asdod, pagkatapos ay nagtayo siya ng mga lunsod sa teritoryo ng Asdod at sa gitna ng mga Filisteo.”
Maliwanag na ang teritoryo ng Asdod ay hindi nanatili sa ilalim ng kontrol ng Juda, sapagkat ipinakikita ng mga inskripsiyon na noong bandang huli ay inalis ng Asiryanong si Haring Sargon II sa puwesto ang nakaluklok na hari na si Azuri at inilagay si Ahimiti bilang kahalili nito. Dahil sa isang paghihimagsik, naglunsad si Sargon ng kampanya laban sa Filistia, anupat nilupig niya ang Gat, “Asdudu” (Asdod), at “Asdudimmu” (Asdod-sa-tabi-ng-Dagat, maliwanag na isang hiwalay na lugar na nasa baybaying dagat). Maaaring ito ang kampanyang tinutukoy sa Isaias 20:1 at ang maliit na katuparan ng hula sa Amos 1:8. Nang sumunod na siglo, iniulat ni Herodotus (II, 157) na ang Asdod (Azotus) ay sumailalim sa isang pagkubkob na isinagawa ni Paraon Psamtik (Psammetichus) laban sa lunsod at tumagal nang 29 na taon.
Sinasabi sa isang batong prisma ni Senakerib ng Asirya na si “Mitinti mula sa Asdod” ay nagdala sa kaniya ng mamahaling mga kaloob at humalik sa kaniyang mga paa, at isinusog nito may kinalaman kay Haring Hezekias ng Juda (745-717 B.C.E.): “Ang kaniyang mga bayan na sinamsaman ko, kinuha ko mula sa kaniyang bansa at ibinigay kay Mitinti, hari ng Asdod.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 287, 288) Waring mahina na ang Asdod noong panahon ni Jeremias (pagkatapos ng 647 B.C.E.) anupat may binanggit siya na “nalabi ng Asdod.” (Jer 25:20) Sinabi ni Nabucodonosor, na nagsimulang mamahala noong 624 B.C.E., na ang hari ng Asdod ay isa sa mga bilanggo sa korte ng Babilonya.—Ihambing ang Zef 2:4.
Noong yugto pagkaraan ng pagkatapon, ang Asdod ay isa pa rin sa mga sumasalansang sa mga Israelita (Ne 4:7), at may-katindihang sinaway ni Nehemias ang mga Judiong nag-asawa ng mga babaing Asdodita, anupat nagkaroon sila ng mga anak na “nagsasalita ng Asdodita, at walang sinuman sa kanila ang marunong magsalita ng Judio.” (Ne 13:23, 24) Noon namang yugtong Macabeo, ang idolatrosong Asdod (tinatawag na Azotus) ay sinalakay ni Judas Maccabaeus noong mga 163 B.C.E. at ng kapatid ni Judas na si Jonathan noong mga 148 B.C.E., anupat sinunog ang templo ni Dagon noong ikalawang pagsalakay.—1 Macabeo 5:68; 10:84.
Kapansin-pansin na ipinahiwatig sa hula ni Zacarias na ang Asdod ay sasakupin ng mga banyaga. Maliwanag na dahil mawawala na ang katutubong populasyong Filisteo at ang kanilang pamamahala, ang makahulang salita ay nagsabi: “Isang anak sa ligaw ang uupo sa Asdod.”—Zac 9:6.
Ang lunsod na ito ay muling itinayo ng mga Romano humigit-kumulang noong taóng 55 B.C.E. at mas nakilala sa Griegong pangalan nito na Azotus. Nakaulat sa Gawa 8:40 na si Felipe na ebanghelista ay dumaan sa Asdod noong naglalakbay siya upang mangaral.