Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Asenapar

Asenapar

Ang pangalang ito ay lumilitaw sa isang bahagi ng aklat ng Ezra (4:10) na isinulat sa Aramaiko at maliwanag na pinaikling salin ng pangalan ng Asiryanong hari na si Ashurbanipal at, tulad sa wikang Persiano na walang titik l, ang dulong l ng pangalang iyon ay hinalinhan ng r. Inilipat ni Asenapar sa Samaria ang mga tumatahan sa Susa [kabisera ng Elam]. (Ihambing ang 2Ha 17:24-28.) Ipinakikita ng kasaysayan na si Ashurbanipal ang tanging Asiryanong hari na maaaring gumawa ng gayong pagkilos may kinalaman sa mga tumatahan sa Elam.

Si Ashurbanipal ay anak ni Esar-hadon (Ezr 4:2) at apo ni Senakerib. Siya ay kapanahon ni Haring Manases ng Juda (716-662 B.C.E.), na ang pangalan ay masusumpungan sa isang prisma ni Ashurbanipal kung saan nakatala ang mga 20 hari na mga sakop ng Asirya. (Ihambing ang 2Cr 33:10-13.) Sa kaniyang pamamahala, narating ng Asirya ang tugatog ng kapangyarihan nito. Lumilitaw na dahil hinirang siya bilang tagapagmanang prinsipe tatlo o apat na taon bago nito, kinuha ni Ashurbanipal ang trono ng Asirya nang mamatay ang kaniyang ama, samantalang ang kaniyang kapatid naman, na si Shamash-shum-u-kin, ay naging hari ng Babilonya.

Sinugpo ni Ashurbanipal ang isang paghihimagsik sa Ehipto, anupat nilupig niya at sinalanta ang lunsod ng Thebes (No-amon; ihambing ang Na 3:8-10). Nang maglaon ay nasangkot siya sa isang matagal na pakikipaglaban sa kaniyang kapatid, ang hari ng Babilonya, at matapos niyang supilin ang Babilonya, winasak niya ang Susa na kabisera ng Elam. Ang panlulupig na ito ang saligan sa kasaysayan upang matukoy na siya ang Asenapar sa Ezra 4:9, 10.

Gayunman, mas kilala si Ashurbanipal sa kaniyang interes sa panitikan, isang katangiang di-pangkaraniwan sa mababagsik na Asiryanong monarka. Pasimula noong 1845 C.E., isiniwalat ng mga paghuhukay ang isang napakalaking aklatan na binuo ni Ashurbanipal sa Nineve at naglalaman ng mga 22,000 tapyas na luwad at teksto. Bukod sa mga bulong, mga dasal, at mga himno, kabilang sa libu-libong akdang cuneiform ang mga artikulo tungkol sa kasaysayan, heograpiya, astronomiya, mga talahanayan para sa matematika, medisina, balarila, at mga dokumento sa negosyo na may kinalaman sa mga kontrata, bilihan, at pautang. Ang mga ito ay itinuturing na mahalagang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa Asirya.