Aser
[Maligaya; Kaligayahan].
1. Ang ikawalong anak na lalaki ni Jacob at ang ikalawa sa kaniyang dalawang anak kay Zilpa, na alilang babae ni Lea. (Gen 35:26) Sa gayon, ang tanging tunay na kapatid ni Aser ay si Gad. Ang apat na anak na lalaki at isang anak na babae ni Aser ay nakatala sa 1 Cronica 7:30, ngunit hindi binanggit ang pangalan ng kaniyang asawa. Hindi siya prominente sa 12 anak na lalaki ni Jacob. Gayunman, sa hula ng kaniyang ama nang ito’y mamamatay na, pinangakuan si Aser ng buhay na sagana sa masusustansiyang pagkain (Gen 49:20), at pinatutunayan ng kasaysayan ng kaniyang mga inapo na natupad ang hulang iyon.
2. Ang pangalang ito ay tumutukoy rin sa tribo na nagmula kay Aser. Isang taon pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto, ang mga adultong inapong lalaki ng tribo ay may bilang na 41,500 (Bil 1:41) at, pagkalipas ng mga 39 na taon, ito’y umabot sa 53,400, anupat ang Aser ay naging ikalima sa mga tribo na may pinakamalaking populasyon. (Bil 26:47) Sa kampo ng Israel, ang Aser ay nasa dakong H ng tabernakulo, kasama ng mga tribo nina Dan at Neptali.—Bil 2:25-30.
Bago pumasok ang Israel sa Canaan, ang makahulang pagpapala ni Moises ay muling humula ng isang masaganang takdang bahagi para sa Aser. Sa makasagisag na paraan, ang tribo ay ‘maglulubog ng paa nito sa langis.’ (Deu 33:24, 25; ihambing ang Job 29:6.) Ang teritoryong itinakda sa kanila ay sumasaklaw sa mga baybaying kapatagan ng Mediteraneo mula sa ibaba ng bayan ng Dor, sa T ng Bundok Carmel, paitaas sa H hangganan ng Palestina sa Sidon. (Jos 17:7-11; 19:24-31) Kasama rito ang ilan sa pinakamatatabang lupain sa buong Israel, kung saan ang mga punong olibo ay naglalaan ng saganang langis, samantalang ang ibang mga prutas naman ay naglalaan ng masasarap na pagkain na angkop ihain sa mesa ng hari. (Gen 49:20; Deu 33:24) Ang mga teritoryo ng Zebulon at Neptali ay nasa S ng Aser, samantalang ang Manases at Isacar naman ay nasa dakong T at TS.
Binabanggit sa Josue 17:7 na ang Aser ay nasa hangganan ng tribo ni Manases. Binabanggit din ang Aser sa talata 10 ng mismong ulat na ito, kung saan ang teritoryo ng tribo ni Aser ang malinaw na tinutukoy.