Asupre
Kulay dilaw na elementong di-metaliko na lumilitaw nang puro o kahalo ng ibang mga elemento sa mga compound na sulfide at sulfate. Napakababa ng temperaturang kailangan upang matunaw ito, 113° C. (235° F.). Napakabilis nitong magliyab anupat ang apoy ay kulay mapusyaw na asul, at kasabay nito’y lumilikha ito ng sulfur dioxide, na matapang ang amoy.
Nang unang banggitin ang asupre sa kasaysayan, inilalahad kung paanong inulan ng pagkapuksa ang balakyot na mga lunsod ng Sodoma at Gomorra sa pamamagitan ng apoy at asupre. (Gen 19:24; Luc 17:29) Salig sa katibayan ng heolohiya, iminumungkahi ng ilan na ang kapahamakang ito na mula kay Jehova ay posibleng sumapit sa pamamagitan ng isang pagputok ng bulkan sa timugang rehiyon ng Dagat na Patay, na nagpapaliwanag kung bakit laganap ang asupre sa lugar na iyon sa ngayon.
Pinaniniwalaang isang napakainit na sunugan ng basura o krematoryo para sa sinaunang lunsod ng Jerusalem ang nalikha sa pamamagitan ng pagdaragdag ng asupre sa patuluyang nagniningas na apoy sa Libis ng Hinom (Gehenna) na nasa labas lamang ng mga pader.
Mula nang ilapat ang maapoy na kahatulan sa Sodoma at Gomorra noong 1919 B.C.E., tinukoy na sa Kasulatan ang katangian ng asupre na napakadaling magliyab. (Isa 30:33; 34:9; Apo 9:17, 18) Ito ay isang sagisag ng lubusang pagkatiwangwang. (Deu 29:22, 23; Job 18:15) Pinagsasama ang “apoy at asupre” kapag inilalarawan ang lubos na pagkapuksa. (Aw 11:6; Eze 38:22; Apo 14:9-11) Sinasabi sa atin na ang Diyablo ay ‘ihahagis sa lawa ng apoy at asupre,’ isang angkop na paglalarawan ng ganap na pagkalipol, ang “ikalawang kamatayan.”—Apo 19:20; 20:10; 21:8.