Asur
1. Isang anak ni Sem, ikalawang binanggit sa Genesis 10:22 at 1 Cronica 1:17. Siya ang ninuno ng mga Asiryano; iisang salitang Hebreo ang isinasalin bilang “Asur” at “Asirya(no).” Maaaring ang kanilang bansa o ang isa sa mga pangunahing lunsod nito, ang Asur (makabagong Qalʽat Sherqat), ang tinutukoy sa Ezekiel 27:23.
2. Ang pangunahing diyos ng mga Asiryano, ang kanilang diyos ng kasanayan sa pakikipagdigma, na siyang dinadalanginan ng paladigmang mga taong ito ukol sa tulong. Si Asur ay waring isang “patriyarka na ginawang diyos,” at sa pagsamba ng mga Asiryano sa kaniya, maaaring ang aktuwal nilang sinasamba ay ang kanilang ninuno, si Asur na anak ni Sem. Ang pangalang Asur ay nakalakip sa maraming pangalang Asiryano, gaya ng Esar-hadon at Ashurbanipal.
Ipinapalagay na ang huwad na diyos na si Asur ang pangunahing tagapagsanggalang ng mga Asiryano, na sa kanilang sining ay isinasagisag ng isang may-pakpak na araw. Ang mga hukbong Asiryano ay humahayo sa pakikipagbaka sa ngalan ng kanilang diyos na si Asur at taglay ang kaniyang pagsang-ayon (ipinahihiwatig ng kaayaayang mga tanda), anupat dala-dala nila sa labanan ang kaniyang sagradong sagisag. Kinikilala ng kanilang mga hari na ang mga tagumpay nila ay “dahil sa tulong ni Asur.”—Tingnan ang LARAWAN, Tomo 2, p. 529; ASIRYA.