Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Atay

Atay

Isang malaking sangkap na glandula, sa mga hayop na may gulugod at sa tao, na may ginagampanang papel sa pagtunaw at sa kemistri ng dugo; ito ang pinakamalaking glandula ng tao. Ang terminong Hebreo para sa atay (ka·vedhʹ) ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “maging mabigat.” Malimit gamitin ng Hebreong Kasulatan ang salitang “atay” may kaugnayan sa mga atay ng mga hayop na inihahanda ng mga Israelita bilang hain. (Exo 29:22; Lev 3:4, 10, 15; 4:9) Ang “lamad sa ibabaw ng atay” ang pinauusok sa ibabaw ng altar. (Exo 29:13) Inilalarawan ng Commentary on the Old Testament, nina C. F. Keil at F. Delitzsch, ang bahaging ito ng atay bilang “ang lambat ng atay, o lambat ng tiyan . . . , na nagsisimula sa pagitan ng kanan at kaliwang mga lobulo ng atay, at sa isang panig ay nakabanat ito sa tiyan, at sa kabilang panig ay umaabot ito hanggang sa dako ng mga bato. . . . Ang mas maliit na lambat na ito ay manipis, ngunit hindi kasintaba ng mas malaking lambat; bagaman kabilang pa rin ito sa mga taba.” (1973, Tomo I, The Third Book of Moses, p. 300) Sa komento ni Rashi sa Levitico 3:4, binibigyang-katuturan ito bilang “ang pananggalang na sapin (lamad) sa ibabaw ng atay.”​—Pentateuch With Targum Onkelos, Haphtaroth and Rashi’s Commentary, isinalin nina M. Rosenbaum at A. Silbermann.

Ang ulat ni Haring Solomon tungkol sa walang-karanasang kabataan na nagpadaig sa pang-aakit ng imoral na babae ay nagwawakas nang ganito: “Kaagad niya itong sinundan, . . . hanggang sa biyakin ng palaso ang kaniyang atay, . . . at hindi niya nalalamang nasasangkot dito ang kaniya mismong kaluluwa.” (Kaw 7:21-23) Angkop na angkop ang paglalarawang ito, sapagkat nasumpungan ng mga doktor sa medisina na kapag malala na ang sipilis (gaya rin ng maraming iba pang sakit), ang atay ay nadaraig ng mga organismong baktirya. Sa ilang kaso, ang organismo (gonococcus) na nagdudulot ng gonorea, isa pang sakit na naililipat sa pagtatalik, ay nagiging sanhi rin ng matinding pamamaga ng atay. Sabihin pa, maaaring mauwi sa kamatayan ang malubhang pagkapinsala ng atay. Kinikilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng atay sa buhay yamang ginagamit ito sa makasagisag na paraan upang lumarawan sa labis na kalumbayan.​—Pan 2:11.

Noong naghahanap si Haring Nabucodonosor ng patnubay para sa kaniyang mga pagmamaniobrang militar, “tumingin siya sa atay” bilang isang anyo ng panghuhula.​—Eze 21:21; tingnan ang PANGHUHULA.