Athalia
1. Reyna ng Juda, anak ni Haring Ahab ng Israel at ng asawa nito na si Jezebel; apo ni Omri. (2Ha 8:18, 26) Siya ay kapatid ni Haring Jehoram ng Israel, at kapatid o kapatid sa ama ng 70 anak na lalaki ni Ahab, na lahat ay ipinapatay ni Jehu. (2Ha 3:1, 2; 10:1-9) Para sa pulitikal na pakinabang, ipinakasal si Athalia kay Jehoram, ang panganay na anak na lalaki ni Jehosapat ng Juda. (2Ha 8:25-27; 2Cr 18:1) Siya ang ina ni Ahazias, na nang maglaon ay naging hari ng Juda.
Gaya ng kaniyang inang si Jezebel, ibinuyo ni Athalia ang kaniyang asawang si Jehoram na gawin ang masama sa paningin ni Jehova noong panahon ng walong-taóng paghahari nito. (1Ha 21:25; 2Cr 21:4-6) At gaya ng kaniyang ina, walang-patumanggang nagbubo ng dugo ng mga inosente si Athalia. Nang mamatay ang kaniyang balakyot na anak na si Ahazias pagkaraan ng isang-taóng paghahari nito, pinatay niya ang lahat ng iba pang nasa maharlikang linya, maliban sa sanggol na si Jehoas, na itinago ng mataas na saserdote at ng asawa nito, na tiya ni Jehoas. Pagkatapos ay ginawang reyna ni Athalia ang kaniyang sarili sa loob ng anim na taon, mga 905 hanggang 899 B.C.E. (2Cr 22:11, 12) Ninakaw ng kaniyang mga anak ang mga banal na bagay sa templo ni Jehova at inihandog ang mga iyon kay Baal.—2Cr 24:7.
Nang sumapit si Jehoas sa edad na pitong taóng gulang, inilabas siya ng may-takot sa Diyos na mataas na saserdoteng si Jehoiada at kinoronahan siya bilang ang lehitimong tagapagmana ng trono. Nang marinig ni Athalia ang kaguluhan, sumugod siya sa templo at nang makita niya ang nangyayari ay nagsisigaw siya, “Sabuwatan! Sabuwatan!” Iniutos ng mataas na saserdoteng si Jehoiada na ilabas si Athalia mula sa bakuran ng templo upang patayin ito sa may pintuang-daan ng kabayo ng palasyo; maaaring siya ang kahuli-hulihang miyembro ng kasuklam-suklam na sambahayan ni Ahab. (2Ha 11:1-20; 2Cr 22:1–23:21) Nagkatotoo nga ang pananalitang ito: “Walang isa man sa salita ni Jehova ang mahuhulog sa lupa nang di-natutupad na sinalita ni Jehova laban sa sambahayan ni Ahab”!—2Ha 10:10, 11; 1Ha 21:20-24.
2. Isang Benjamita na mula sa sambahayan ni Jeroham na nanahanan sa Jerusalem.—1Cr 8:26-28.
3. Ama ng isang lalaki na bumalik sa Jerusalem kasama ni Ezra noong 468 B.C.E.; mula sa pamilya ni Elam.—Ezr 8:1, 7.