Avestruz
[sa Heb., bath hai·ya·ʽanahʹ; rena·nimʹ (pangmaramihan); sa Ingles, ostrich].
Ang bath hai·ya·ʽanahʹ ay ipinapalagay na nangangahulugang “anak na babae ng isa na sakim” o kaya naman ay “anak na babae ng tigang na lupain,” mga termino na maaaring kumapit sa avestruz. Ang rena·nimʹ, na itinuturing na tumutukoy sa isang “ibon na malakas ang huni,” ay nababagay rin sa avestruz, na inilalarawang may “paos at mapanglaw na huning inihalintulad sa pag-ungal ng leon.”—The Smithsonian Series, 1944, Tomo 9, p. 105; ihambing ang Mik 1:8.
Ang avestruz (Struthio camelus) ang kilalang pinakamalaking nabubuhay na ibon, anupat kung minsa’y may taas na mahigit sa 2 m (7 piye) hanggang sa tuktok ng ulo nito at tumitimbang nang hanggang 140 kg (300 lb). Ang ulo nito ay maliit at sapad at may napakalaking mga mata. Ang malambot na leeg nito ay mga 1 m (3 piye) ang haba, at kapuwa ang ulo at leeg, tulad ng malalakas na binti nito, ay walang balahibo. Gayunman, malago ang balahibo nito sa katawan, at ang mahahaba at malalambot na balahibo nito sa pakpak at buntot ay lubhang pinahahalagahan noon at ngayon. Ang makintab na balahibong itim at puti ng lalaking avestruz ay kabaligtaran ng maputla at kayumangging-abuhing kulay ng babaing avestruz. Natatangi ang avestruz sa lahat ng ibon dahil dalawa lamang ang daliri nito sa bawat paa, anupat ang isa ay may kuko na magagamit niyang sandata kapag kailangan niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Gayunman, dahil sa taas nito at sa talas ng kaniyang paningin, kadalasa’y nakikita na ng malaking ibon na ito ang kaniyang mga kaaway kahit sa malayo, at pagkatapos ay maingat itong lumalayo.
Bagaman mga halaman ang pangunahing kinakain ng avestruz, hindi ito pihikan at kumakain din ng ibang hayop, kasama na ang mga ahas, butiki, at pati maliliit na ibon. Kasama ito sa talaan ng ‘maruruming’ ibon na ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko. (Lev 11:13, 16; Deu 14:12, 15) Noong sinauna, ang avestruz ay kilala bilang ibong kamelyo, palibhasa’y nakatatagal ito nang walang tubig sa loob ng mahahabang panahon at sa gayo’y hiyang sa mga liblib na ilang. Sa Bibliya, ginamit ito kasama ng mga chakal at ng katulad na mga hayop bilang halimbawa ng buhay sa disyerto (Isa 43:20) at upang ilarawan ang kapaha-pahamak na pagkatiwangwang na sinapit ng Edom at ng Babilonya. (Isa 13:21; 34:13; Jer 50:39) Nang si Job ay itakwil at kasuklaman, anupat nakaupo sa abo at humihiyaw nang may pagdadalamhati, itinuring niya ang kaniyang sarili bilang “kapatid ng mga chakal” at “kasamahan ng mga anak na babae ng avestruz.”—Job 30:29.
Inihambing sa Siguana. Nang maglaon, inakay ng Diyos na Jehova ang pansin ni Job sa avestruz, at ang mga bagay na itinawag-pansin niya ay nagpapakita ng ilang di-pangkaraniwang katangian ng ibong iyon. (Job 39:13-18) Kabaligtaran ng mga siguana na mataas lumipad at maringal na pumapaimbulog sa pamamagitan ng kanilang malalapad at malalakas na pakpak, ang mga avestruz ay hindi nakalilipad. Hindi kayang iangat ng mga pakpak ng avestruz ang kaniyang bigat, at ang sapad na buto nito sa pitso ay walang pansuporta sa mga kalamnang panlipad na taglay ng mga ibong lumilipad. Bagaman maganda ang mga balahibo ng avestruz, wala itong maliliit at tulad-kalawit na mga pilamentong magkakadikit, na nakatutulong upang ang mga pakpak ng mga ibon ay makalaban sa hangin at makalipad.—Job 39:13.
Kung ang siguana ay gumagawa ng matibay at malaking pugad sa mga tuktok ng mga punungkahoy (Aw 104:17), mga gusali, o matataas na bato, ang avestruz naman ay kumakahig lamang sa lupa at gumagawa ng isang mababaw na hukay na napalilibutan ng mababang bunton. Dito iniluluwal ng babaing avestruz ang kaniyang mga itlog, na tumitimbang nang mga 1.5 kg (3 lb) bawat isa. Yamang ang avestruz ay kadalasang kumukuha ng maraming kapareha (di-tulad ng siguana, na bantog sa katapatan nito sa iisang asawa), posibleng maraming itlog sa pugad mula sa dalawa o tatlong inahin. Nililimliman ng lalaking avestruz ang mga itlog sa pugad kapag gabi at ang inahin naman kapag araw, ngunit iniiwan ng inahin ang pugad sa loob ng ilang oras sa maghapon kapag mainit na ang sikat ng araw. Sa panahong iyon, ang mga itlog, bagaman napakakapal ng balat, ay nahahantad sa pamiminsala o pananalanta ng mga tao’t hayop.—Job 39:14, 15.
‘Nakikitungo Nang Walang Pakundangan sa mga Anak.’ May mga tumututol sa pananalita na ang avestruz ay ‘nakikitungo nang walang pakundangan sa kaniyang mga anak, na para bang hindi sa kaniya’ (Job 39:16) at sa pagtukoy sa mga avestruz bilang ‘malupit’ sa kanilang supling. (Pan 4:3) Sinasabi nila na ang mga magulang na avestruz ay mapagkalinga sa kanilang mga inakáy. Kung balarila ang pagbabatayan, totoo na maaaring ikapit ang terminong Hebreo (rena·nimʹ) na ginamit sa Job 39:13 alinman sa lalaki o sa babaing mga avestruz. Gayunman, ipinapalagay ng ilang leksikograpo na tumutukoy ito sa mga babaing avestruz. Waring ganito nga ang kaso yamang iniuugnay ito sa mga itlog, na maliwanag na iniluwal ng inahing ibon. Kung uunawaing sa babae ito kumakapit, tunay na may basehan ang matulaing pananalitang ito tungkol sa ‘kalupitan’ ng avestruz dahil, kapag napisa na ang mga sisiw, ang lalaki ang siyang “bumabalikat sa lahat ng pangangalaga sa mga ito samantalang ang mga inahin ay karaniwan nang umaalis na magkakasama.” (All the Birds of the Bible, ni Alice Parmelee, 1959, p. 207) Totoo rin na kaagad iniiwan ng malalakas na ibong ito, lalaki man o babae, ang pugad at ang kanilang mga inakáy kapag nakaramdam sila ng panganib. At bagaman maaari silang gumamit ng mga taktika upang mailayo sa pugad ang pansin ng mga kaaway, ito pa rin ay pakikitungo nang “walang pakundangan” sa mga inakáy na walang kalaban-laban. Tanging ang pananggalang na kulay na ibinigay ng Maylalang ang maaaring magligtas sa mga sisiw na walang kalaban-laban at inabandona, yamang dahil sa kanilang kulay ay hindi sila mapapansin ng kaaway na mga hayop at sa halip ay hahabulin ng mga iyon ang tumatakas na mga magulang. Kaya naman ang avestruz ay maituturing na ‘malupit’ kung ihahambing sa maraming iba pang ibon at lalo na sa siguana, na kilalang-kilala dahil sa magiliw na pag-aasikaso at patuloy na pagmamalasakit nito sa kaniyang mga inakáy.
‘Nakalimot sa Karunungan.’ Sinasabing ang avestruz ay ‘nakalimot sa karunungan’ at ‘hindi binahaginan ng pagkaunawa.’ (Job 39:17) Kinikilala ito ng makabagong-panahong mga tagapagmasid. Ang mga Arabe ay may kasabihang “mas mangmang kaysa sa isang avestruz.” (Soncino Books of the Bible, inedit ni A. Cohen, London, 1946, Job, p. 205) Nakagawian ng avestruz na tumakbo nang papakurba, anupat maaari itong palibutan ng mga tumutugis sa kaniya kung marami ang mga ito. Ngunit sa tuwid na landas, dahil sa malalakas na binti ng avestruz ay maaari nitong ‘pagtawanan ang kabayo at ang nakasakay rito.’ (Job 39:18) Kapag tumatakbo, ang bawat hakbang nito ay maaaring umabot nang hanggang 3.5 m (11 piye), at maaari itong umabot sa bilis na hanggang 70 km/oras (44 na mi/oras). Bagaman ang mga pakpak nito ay hindi magagamit sa paglipad, nakatutulong naman ang mga ito upang mabalanse ang mabigat na katawan ng ibong ito habang tumatakbo.
Ang avestruz ay may mga katangiang nakalilito sa mga siyentipiko, na nagsasabing ang avestruz ay kasama sa ‘mas mabababang o mas sinaunang’ uri ng nabubuhay na mga ibon. Mayroon itong pantog kung saan naiipon ang uric acid. Ang bahaging ito ng katawan ay karaniwan sa mga mamalya ngunit wala sa iba pang pamilya ng mga ibon. Mayroon din itong mga pilikmata na nagsisilbing proteksiyon ng mga mata nito sa lumilipad na buhangin. Kaya naman, bagaman di-gaanong matalino, ang malakas at mabilis na avestruz ay nagbibigay-kapurihan sa karunungan ng Maylalang nito.
Ang Arabian ostrich (Struthio camelus syriacus), na dating naglipana sa Palestina at Arabia, ay naglaho na. Mula noong 1973, isang uri ng Aprikanong avestruz na kamag-anak nito ang ipinasok sa Israel.