Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Awit, Aklat ng mga

Awit, Aklat ng mga

Isang aklat na waring binubuo ng limang koleksiyon ng sagradong mga awit​—(1) Aw 1-41; (2) 42-72; (3) 73-89; (4) 90-106; (5) 107-150​—anupat ang bawat koleksiyon ay nagtatapos sa isang pagpapala kay Jehova. Mula pa noong sinaunang mga panahon, maliwanag na ang indibiduwal na mga awit ay mayroon nang partikular na bilang ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito sa aklat. Halimbawa, ang tinatawag ngayon na “ikalawang awit” ay tinutukoy rin nang gayon noong unang siglo C.E.​—Gaw 13:33.

Istilo. Ang panulaan ng aklat ng Mga Awit ay binubuo ng paralelismo ng mga kaisipan o mga pananalita. (Tingnan ang HEBREO, II [Tulang Hebreo].) Katangi-tangi ang mga awit na akrostik, o alpabetiko. (Aw 9, 10, 25, 34, 37, 111, 112, 119, 145) Sa mga awit na ito, ang panimulang talata o mga talata ng unang taludtod ay nagsisimula sa titik Hebreo na alep, ang sumunod na (mga) talata naman ay sa bet, at patuloy hanggang sa magamit ang lahat o halos lahat ng mga titik ng alpabetong Hebreo. Maaaring ang pagkakaayos na ito ay nagsilbing pantulong sa pagsasaulo. Para sa terminolohiya ng aklat ng Mga Awit, tingnan ang ALAMOT; GITIT; HIGAYON; MAHALAT, II; MASKIL; MIKTAM; MUT-LABEN; NEHILOT; PAGSAMPA; SELAH; SEMINIT.

Mga Superskripsiyon. Ang mga uluhan, o mga superskripsiyon, na masusumpungan sa pasimula ng maraming awit ay nagpapakilala kung sino ang manunulat, naglalaan ng impormasyon tungkol sa tagpo, nagbibigay ng mga tagubiling pangmusika, o bumabanggit sa paggagamitan o layunin ng awit. (Tingnan ang mga superskripsiyon ng Aw 3, 4, 5, 6, 7, 30, 38, 60, 92, 102.) Kung minsan, ang mga superskripsiyon ay naglalaan ng impormasyong kailangan upang makita ang iba pang mga kasulatan na nagbibigay-linaw sa isang partikular na awit. (Ihambing ang Aw 51 sa 2Sa 11:2-15; 12:1-14.) Yamang ang iba pang patulang bahagi ng Bibliya ay kadalasang ipinakikilala sa gayunding paraan (Exo 15:1; Deu 31:30; 33:1; Huk 5:1; ihambing ang 2Sa 22:1 sa superskripsiyon ng Aw 18), ipinahihiwatig nito na ang mga superskripsiyon ay nagmula sa mga manunulat o sa mga nagtipon ng mga awit. Bilang katunayan nito, noon pa mang isulat ang Dead Sea Psalms Scroll (ipinapalagay na sa pagitan ng 30 at 50 C.E.), ang mga superskripsiyon ay bahagi na ng mismong teksto.

Mga Manunulat. Sa 150 awit, ipinakikita ng mga superskripsiyon na ang 73 ay kay David, ang 11 ay sa mga anak ni Kora (binabanggit din ng isa sa mga ito [Aw 88] si Heman), ang 12 ay kay Asap (maliwanag na tumutukoy sa sambahayan ni Asap; tingnan ang ASAP Blg. 1), ang isa ay kay Moises, ang isa ay kay Solomon, at ang isa ay kay Etan na Ezrahita. Karagdagan pa, ang Awit 72 ay “tungkol kay Solomon” at lumilitaw na isinulat ni David. (Tingnan ang Aw 72:20.) Batay sa Gawa 4:25 at Hebreo 4:7, maliwanag na si David ang sumulat ng Awit 2 at 95. Ang Awit 10, 43, 71, at 91 ay waring mga karugtong ng Awit 9, 42, 70, at 90. Kaya naman ang Awit 10 at 71 ay maituturing na kay David, ang Awit 43 ay sa mga anak ni Kora, at ang Awit 91 ay kay Moises. May mga pahiwatig na ang Awit 119 ay maaaring isinulat ng kabataang prinsipe na si Hezekias. (Pansinin ang Aw 119:9, 10, 23, 46, 99, 100.) Samakatuwid, mahigit sa 40 awit ang walang espesipikong mangangatha na tinukoy sa pangalan o kaya’y ipinahiwatig.

Ang indibiduwal na mga awit ay isinulat sa loob ng isang yugto na mga 1,000 taon, mula sa panahon ni Moises hanggang sa pagkaraang makabalik ang mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya.​—Aw 90:Sup; 126:1, 2; 137:1, 8.

Kung Paano Tinipon. Yamang si David ang kumatha ng marami sa mga awit at nag-organisa sa mga Levitang manunugtog sa 24 na pangkat na naglilingkod, makatuwirang ipalagay na sinimulan niya ang pagtitipon ng isang koleksiyon ng mga awit na ito upang magamit sa santuwaryo. (2Sa 23:1; 1Cr 25:1-31; 2Cr 29:25-30) Nang maglaon, tiyak na may iba pang mga koleksiyon na tinipon, gaya ng mahihinuha sa pag-uulit ng ilang awit sa aklat. (Ihambing ang Aw 14 sa 53; 40:13-17 sa 70; 57:7-11 sa 108:1-5.) Maraming iskolar ang naniniwala na si Ezra ang nagtipon ng aklat ng Mga Awit sa kasalukuyang ayos nito.

Batay sa ebidensiya, maagang panahon pa lamang ay nakumpleto na ang nilalaman ng aklat ng Mga Awit. Ang pagkakasunud-sunod at nilalaman ng aklat na ito sa Griegong Septuagint ay halos walang ipinagkaiba sa tekstong Hebreo. Dahil dito, makatuwirang isipin na ang aklat ng Mga Awit ay tapos na noong ikatlong siglo B.C.E., nang simulan ang Griegong saling iyon. Ang isang piraso ng tekstong Hebreo na ginagamit noong huling bahagi ng unang siglo C.E. at naglalaman ng Awit 150:1-6 ay kaagad na sinusundan ng isang blangkong tudling. Waring ipinahihiwatig nito na doon tinatapos ng sinaunang manuskritong Hebreong iyon ang aklat ng Mga Awit at sa gayo’y katugma rin ng tekstong Masoretiko.

Naingatan ang Katumpakan ng Teksto. Ang Dead Sea Psalms Scroll ay naglalaan ng katibayan na naingatan ang katumpakan ng tekstong Hebreo ng aklat. Bagaman mas matanda ito nang mga 900 taon kaysa sa karaniwang tinatanggap na tekstong Masoretiko, ang nilalaman ng balumbong ito (41 kanonikal na awit, buo man o ilang bahagi lamang) ay halos walang ipinagkaiba sa teksto na pinagbatayan ng karamihan sa mga salin. Ganito ang puna ni Propesor J. A. Sanders: “Ang karamihan sa [mga pagkakaiba] ay sa pagbaybay at mahalaga lamang sa mga iskolar na interesado sa mga pahiwatig kung paano binibigkas ang Hebreo noong sinaunang panahon, at sa mga bagay na katulad nito. . . . Ang ilang pagkakaiba ay madaling makilala bilang mga pagpapahusay sa teksto, lalo na yaong mga naghaharap ng mas malinaw na tekstong Hebreo ngunit kakaunti ang kaibahan o walang kaibahan kapag isinalin o binigyan ng pakahulugan.”​—The Dead Sea Psalms Scroll, 1967, p. 15.

Kinasihan ng Diyos. Walang alinlangan na ang aklat ng Mga Awit ay bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. Lubusan itong kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Naglalaman ito ng maraming kaisipan na kahalintulad niyaong sa ibang bahagi ng Bibliya. (Ihambing ang Aw 1 sa Jer 17:5-8; Aw 49:12 sa Ec 3:19 at 2Pe 2:12; Aw 49:17 sa Luc 12:20, 21.) Marami ring pagsipi mula sa Mga Awit ang masusumpungan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.​—Aw 5:9 (Ro 3:13); 8:6 (1Co 15:27; Efe 1:22); 10:7 (Ro 3:14); 14:1-3; 53:1-3 (Ro 3:10-12); 19:4 (Ro 10:18); 24:1 (1Co 10:26); 32:1, 2 (Ro 4:7, 8); 36:1 (Ro 3:18); 44:22 (Ro 8:36); 50:14 (Mat 5:33); 51:4 (Ro 3:4); 56:4, 11; 118:6 (Heb 13:6); 62:12 (Ro 2:6); 69:22, 23 (Ro 11:9, 10); 78:24 (Ju 6:31); 94:11 (1Co 3:20); 95:7-11 (Heb 3:7-11, 15; 4:3-7); 102:25-27 (Heb 1:10-12); 104:4 (Heb 1:7); 112:9 (2Co 9:9); 116:10 (2Co 4:13); 144:3 (Heb 2:6), at iba pa.

Isinulat ni David tungkol sa kaniyang sarili: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay nasa aking dila.” (2Sa 23:2) Ang gayong pagkasi ay pinatutunayan ng apostol na si Pedro (Gaw 1:15, 16), ng manunulat ng liham sa mga Hebreo (Heb 3:7, 8; 4:7), at ng iba pang unang-siglong mga Kristiyano (Gaw 4:23-25). Ang pinakanamumukod-tanging patotoo ay nagmula sa Anak ng Diyos. (Luc 20:41-44) Matapos siyang buhaying-muli, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ito ang aking mga salita na sinalita ko sa inyo noong ako ay kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit [ang unang aklat ng Hagiographa, o Banal na mga Akda, at sa gayo’y tumutukoy sa buong seksiyong iyon] tungkol sa akin.”​—Luc 24:44.

Inihula ang mga karanasan at mga gawain ng Mesiyas. Isinisiwalat ng pagsusuri sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na maraming bagay tungkol sa mga gawain at mga karanasan ng Mesiyas ang inihula sa Mga Awit, gaya ng makikita sa sumusunod na mga halimbawa.

Nang iharap ni Jesus ang kaniyang sarili para sa bautismo, sinabi niya na dumating siya upang gawin ang “kalooban” ng kaniyang Ama may kaugnayan sa paghahain ng kaniyang sariling ‘inihandang’ katawan at may kinalaman sa pag-aalis ng mga haing hayop na inihahandog alinsunod sa Kautusan, gaya ng nasusulat sa Awit 40:6-8. (Heb 10:5-10) Tinanggap ni Jehova ang paghaharap ni Jesus ng kaniyang sarili, anupat ibinuhos dito ang Kaniyang espiritu at kinilala ito bilang Kaniyang Anak, gaya ng inihula sa Awit 2:7. (Mar 1:9-11; Heb 1:5; 5:5) Gayundin, gaya ng inihula sa Awit 8:4-6, ang taong si Jesus ay naging “mas mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel.”​—Heb 2:6-8.

Noong panahon ng kaniyang ministeryo, siya ay nagtipon at nagsanay ng mga alagad. Ang mga ito ay hindi niya ikinahiyang tawagin na kaniyang “mga kapatid,” gaya ng nakasulat sa Awit 22:22. (Heb 2:11, 12; ihambing ang Mat 12:46-50; Ju 20:17.) Kasuwato ng inihula sa Mga Awit, nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga ilustrasyon (Aw 78:2; Mat 13:35), nagpakita siya ng sigasig para sa bahay ni Jehova nang linisin niya ito mula sa komersiyalismo, at hindi siya nagpalugod sa kaniyang sarili. (Aw 69:9; Ju 2:13-17; Ro 15:3) Gayunma’y kinapootan siya nang walang dahilan. (Aw 35:19; 69:4; Ju 15:25) Ang ministeryo ni Kristo Jesus para sa tuling mga Judio ay nagsilbing katiyakan ng mga pangakong binitiwan sa kanilang mga ninuno at nang maglaon ay nagpakilos sa mga tao ng mga bansa upang luwalhatiin at purihin si Jehova. Ito man ay inihula rin.​—Aw 18:49; 117:1; Ro 15:9, 11.

Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng bisiro ng isang asno, ibinunyi siya ng mga pulutong sa pamamagitan ng mga salita ng Awit 118:26. (Mat 21:9) Nang tumutol ang mga punong saserdote at mga eskriba sa sinasabi ng mga batang lalaki sa templo na kumilala kay Jesus bilang “Anak ni David,” pinatahimik ni Jesus ang mga relihiyosong mananalansang na iyon sa pamamagitan ng pagsipi sa Awit 8:2.​—Mat 21:15, 16.

Tinukoy ng aklat ng Mga Awit ang pagkakanulo kay Jesus ng isang matalik na kasamahan (Aw 41:9; Ju 13:18), na inihula rin na hahalinhan. (Aw 69:25; 109:8; Gaw 1:20) Inihula maging ang sama-samang pagkilos ng mga tagapamahala (sina Herodes at Poncio Pilato), mga tao ng mga bansa (tulad ng mga kawal na Romano) at mga taong-bayan ng Israel laban kay Jesus (Aw 2:1, 2; Gaw 4:24-28), gayundin ang pagtatakwil sa kaniya ng relihiyosong mga tagapagtayong Judio. (Aw 118:22, 23; Mat 21:42; Mar 12:10, 11; Gaw 4:11) At may mga bulaang saksi na nagpatotoo laban sa kaniya, gaya ng inihula ng Awit 27:12.​—Mat 26:59-61.

Pagdating sa dako ng pagbabayubay, inalok si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo. (Aw 69:21; Mat 27:34) Sa makahulang paraan, tinukoy ng salmista ang mismong pagbabayubay nang isulat nito: “Pinalibutan ako ng mga aso; pinaligiran ako ng kapulungan ng mga manggagawa ng kasamaan. Tulad ng leon sila ay nasa aking mga kamay at aking mga paa.” (Aw 22:16) Binaha-bahagi ng mga kawal na Romano ang mga kasuutan ni Jesus sa pamamagitan ng palabunutan. (Aw 22:18; Mat 27:35; Luc 23:34; Ju 19:24) Nilibak siya ng kaniyang mga relihiyosong kaaway gamit ang mga salitang itinala ng salmista. (Aw 22:8; Mat 27:41-43) Dahil sa matinding uhaw, humingi si Jesus ng maiinom. (Aw 22:15; Ju 19:28) Muli, inalok siya ng maasim na alak. (Aw 69:21; Mat 27:48; Ju 19:29, 30) Mismong bago siya mamatay, bilang pagsipi sa Awit 22:1 ay sumigaw si Jesus: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat 27:46; Mar 15:34) Nang malalagutan na siya ng hininga, humalaw siya mula sa Awit 31:5 nang sabihin niya: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” (Luc 23:46) Gaya rin ng inihula ng salmista, walang isa man sa kaniyang mga buto ang nabali.​—Aw 34:20; Ju 19:33, 36.

Bagaman inihimlay si Jesus sa isang libingan, hindi siya pinabayaan sa Hades ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman, kundi ibinangon siya mula sa mga patay. (Aw 16:8-10; Gaw 2:25-31; 13:35-37) Pagkaakyat niya sa langit, umupo siya sa kanan ng Diyos, anupat naghintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan ng kaniyang mga paa. (Aw 110:1; Gaw 2:34, 35) Gayundin, siya ay naging isang saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec (Aw 110:4; Heb 5:6, 10; 6:20; 7:17, 21) at nagbigay ng mga kaloob sa anyong mga tao. (Aw 68:18; Efe 4:8-11) Inihula sa Mga Awit ang lahat ng mga detalyeng ito. Sa hinaharap ay darating si Jesus bilang tagapuksa ng Diyos upang durugin ang mga bansa. (Aw 2:9; Apo 2:27; 19:14, 15) Pagkatapos nito, si Kristo bilang Hari ay magdudulot ng namamalaging mga pagpapala sa kaniyang matapat na mga sakop. Bagaman orihinal na isinulat tungkol kay Solomon, ang paglalarawan sa Awit 72 hinggil sa kaniyang pamamahala ay higit na kumakapit sa Mesiyas. Pinatutunayan ito ng hula ni Zacarias (9:9, 10), na kahawig ng Awit 72:8 at ikinakapit kay Kristo Jesus.​—Mat 21:5.

Para sa iba pang mga katuparan ng aklat ng Mga Awit, ihambing ang Awit 45 sa Hebreo 1:8, 9; Apocalipsis 19:7-9, 11-15; 21:2, 9-11.

Hindi Lamang Basta Magagandang Tula. Bukod sa pagtukoy sa mga pangyayari sa hinaharap, ang Mga Awit ay kababasahan ng maraming bagay na makapagpapatibay-loob sa isang indibiduwal at maaaring magsilbing patnubay sa kaniya. Ang Mga Awit ay hindi lamang basta magagandang tula. Inilalarawan ng mga ito ang tunay na mga kalagayan sa buhay​—ang mga kagalakan, mga kalungkutan, mga pangamba, at mga kabiguan. Maaaninag sa buong aklat ang matalik na kaugnayan ng mga salmista sa Diyos na Jehova. At buong-linaw na itinatampok dito ang mga gawain at mga katangian ng Diyos, na nagsisilbing pangganyak upang purihin at pasalamatan siya.

Ipinakikita ng aklat na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pag-iwas sa pakikisama sa mga balakyot, sa pagkakaroon ng kaluguran sa kautusan ni Jehova (Aw 1:1, 2), sa panganganlong sa kaniyang pinahiran (2:11, 12), sa pagtitiwala kay Jehova (40:4), sa paggawi nang may pakundangan sa mga maralita (41:1, 2), sa pagtanggap ng pagtutuwid mula kay Jehova (94:12, 13), sa pagsunod sa kaniyang mga utos (112:1; 119:1, 2), at sa pagkilala sa kaniya bilang Diyos at Katulong (146:5, 6).

Ipinaaalaala ng aklat na ang isa’y dapat manalig kay Jehova. “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Aw 55:22; 37:5) Pinapawi ng gayong pananalig ang takot sa mga tao.​—56:4, 11.

Ipinapayo ang paghihintay sa Diyos (Aw 42:5, 11; 43:5) gayundin ang tamang pananalita at pagkilos upang matamo ng isa ang Kaniyang pagsang-ayon. (1:1-6; 15:1-5; 24:3-5; 34:13, 14; 37:3, 4, 8, 27; 39:1; 100:2) Idiniriin ang kahalagahan ng mabubuting kasama. (18:25, 26; 26:4, 5) At ipinapayo na huwag kainggitan ang kasaganaan o tagumpay ng mga taong balakyot, sapagkat sila’y maglalaho.​—37:1, 2, 7-11.

Ipinakikita ng Mga Awit na angkop na hingin ng mga lingkod ng Diyos sa panalangin ang mga bagay na gaya ng kaligtasan (Aw 3:7, 8; 6:4; 35:1-8; 71:1-6), lingap (4:1; 9:13), patnubay (5:8; 19:12-14; 25:4, 5; 27:11; 43:3), proteksiyon (17:8), kapatawaran ng mga kasalanan (25:7, 11, 18; 32:5, 6; 41:4; 51:1-9), isang dalisay na puso, isang bago at matatag na espiritu (51:10), at ang pagluwalhati sa pangalan ng Diyos (115:1). Maaari rin nilang ipanalangin na sila’y suriin, dalisayin (26:2), hatulan (35:24; 43:1), at turuan ng kabutihan, katinuan at kaalaman, gayundin ng mga tuntunin ng Diyos.​—119:66, 68, 73, 124, 125, 135.

Itinatampok ang mga gawain at mga katangian ng Diyos. Pinasisidhi ng Mga Awit ang pagpapahalaga sa Diyos na Jehova, na ang pag-iral ay itinatatwa tangi lamang ng hangal. (Aw 14:1; 19:7-11; 53:1) Ipinakikilala si Jehova bilang “maibigin sa katuwiran at katarungan” (33:5), isang “kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.” (46:1) Siya ay matuwid na Hukom (7:11; 9:4, 8), Maylalang (8:3; 19:1; 33:6), Hari (10:16; 24:8-10), Pastol (23:1-6), Guro (25:9, 12), Tagapaglaan kapuwa sa tao at mga hayop (34:10; 147:9), Tagapagligtas (35:10; 37:39, 40; 40:17; 54:7), at Bukal ng buhay (36:9) at ng kaaliwan (86:17), pagpapala, at lakas.​—29:11.

‘Hindi nililimot ni Jehova ang daing ng mga napipighati’ (Aw 9:12; 10:14), kundi sinasagot niya ang mga panalangin ng kaniyang mga lingkod (3:4; 30:1, 2; 34:4, 6, 17, 18), anupat ginagantimpalaan at ipinagsasanggalang sila. (3:3, 5, 6; 4:3, 8; 9:9, 10; 10:17, 18; 18:2, 20-24; 33:18-20; 34:22; tingnan ang 34:7 may kinalaman sa pagsasanggalang ng mga anghel.) Kinapopootan niya ang kabalakyutan at kumikilos siya laban sa mga manggagawa ng kamalian.​—5:4-6, 9, 10; 9:5, 6, 17, 18; 21:8-12; 99:8.

Inilalarawan si Jehova bilang kakila-kilabot (Aw 76:7) at dakila (77:13), gayunma’y mapagpakumbaba (18:35); siya ay banal (99:5) at sagana sa kabutihan (31:19) at kapangyarihan. (147:5) Siya ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katapatan.” (86:15) Ang kaniyang unawa ay higit pa sa maisasalaysay (147:5), at ipinababanaag ng kaniyang mga gawang paglalang ang karunungan niya. (104:24) Tinutuos niya ang bilang ng mga bituin at tinatawag niya ang lahat ng mga iyon ayon sa pangalan. (147:4) Nakikita niya maging ang pagkabinhi ng tao. (139:16) Napagagaling niya ang lahat ng karamdaman. (103:3) Napatitigil niya ang mga digmaan sa pamamagitan ng pagwasak sa mga kasangkapang pandigma ng kaaway. (46:9) Aktibo siyang nakisangkot sa maraming pangyayari sa kasaysayan sa ikasusulong ng kaniyang matuwid na layunin. (44:1-3; 78:1-72; 81:5-7; 105:8-45; 106:7-46; 114:1-8; 135:8-12; 136:4-26) Ang gayong Diyos ay talagang nararapat papurihan at pasalamatan. (92:1; 96:1-4; 146–150) Isang kamangmangan ang pagtitiwala sa mga tao (60:11; 62:9), sa kayamanan (49:6-12, 17), o sa mga idolo.​—115:4-8; 135:15-18.

Tinatalakay ang kahalagahan ng salita ng Diyos. Itinuturo rin ng Mga Awit ang pagpapahalaga sa salita ng Diyos. Ipinakikita nito na dalisay ang mga pananalita ni Jehova. (Aw 12:6; 18:30) Ang kaniyang kautusan ay napakahalaga (119:72) at iyon ay katotohanan. (119:142) Ang pagtupad sa kaniyang sakdal na kautusan, mapagkakatiwalaang mga paalaala, matuwid na mga pag-uutos, malilinis na utos, at matuwid na mga hudisyal na pasiya ay nagdudulot ng namamalaging mga kapakinabangan. (19:7-11) Ang salita ng Diyos ay nagsisilbing tanglaw sa landas ng isang indibiduwal (119:105), at ang kaniyang mga utos ay nakapagpaparunong at nagbibigay ng kaunawaan.​—119:98-100, 104.

Nililinaw at pinupunan ng detalye ang ibang mga kasulatan. Kung minsan, nililinaw ng aklat ng Mga Awit ang iba pang mga bahagi ng Bibliya o pinupunan nito ng detalye ang mga iyon. Ipinakikita nito na ang ‘pagpighati sa kaluluwa ng isa,’ gaya ng ginagawa ng mga Israelita sa Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 16:29; 23:27; Bil 29:7), ay tumutukoy sa pag-aayuno. (Aw 35:13) Tanging ang salmista ang naglalahad sa pagpapahirap na dinanas ni Jose sa pasimula noong nakabilanggo ito sa Ehipto: “Sinaktan nila ng mga pangaw ang kaniyang mga paa, sa mga bakal ay nalagay ang kaniyang kaluluwa.” (105:18) Natututuhan natin sa Mga Awit na may “mga inatasang anghel” na ginamit sa pagpapasapit ng mga salot sa Ehipto (78:44-51) at na ang tubig na makahimalang inilaan sa ilang ay ‘umagos sa mga pook na walang tubig na parang ilog’ (105:41), sa gayo’y naglaan ng sapat at madaling makuhang suplay ng tubig para sa bansang Israel at sa kanilang maraming alagang hayop. Nagbibigay ng patotoo ang Mga Awit na si Paraon mismo ay namatay sa Dagat na Pula.​—136:15.

Binabanggit ng Mga Awit na dumanas ang mga Israelita ng mga pagkatalo at matinding kahirapan bago nila nalupig ang mga Edomita sa Libis ng Asin. (Aw 60:Sup, 1, 3, 9) Ipinahihiwatig nito na sinalakay ng mga Edomita ang Juda samantalang ang bansa ay nakikipagdigma sa H laban sa mga hukbo ng Aram-naharaim at Aram-Zoba.

Isinisiwalat ng Awit 101 ang paraan ng pangangasiwa ni David sa mga gawain ng estado. Tanging mga taong tapat ang pinili ni David upang maging kaniyang mga lingkod. Hindi niya kayang pagtiisan ang mga indibiduwal na mapagmataas at hindi niya kinunsinti ang paninirang-puri. Sa araw-araw ay ikinabahala niya ang paglalapat ng katarungan laban sa mga balakyot.

[Kahon sa pahina 256]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MGA AWIT

Isang koleksiyon ng 150 sagradong awit, na ang marami ay batay sa personal na mga karanasan ni David at ng iba pang mga lingkod ni Jehova

Kinatha sa loob ng isang yugto na mga 1,000 taon, pasimula noong panahon ni Moises hanggang sa pagkaraang makabalik ang mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya

Mga kapahayagan ng pasasalamat at papuri kay Jehova

Dahil sa kadakilaan ng kaniyang pangalan (99:3; 113; 148:13, 14)

Dahilan sa kaniyang mariringal na gawang paglalang (33:1-9; 148:1-12)

Dahil siya ang Dakilang Pastol (23)

Sapagkat sinasagot niya ang mga panalangin (21:1-7; 28; 116; 118:21)

Dahil sa kaniyang katayuan (50; 95:1-7; 96:4-13; 97; 150)

Dahilan sa pagliligtas mula sa mga kaaway at mga nakapipighating kalagayan (18; 30; 107; 140; 149

Dahil sa kaniyang matuwid na mga kahatulan (67:3, 4; 98)

Dahil sa kaniyang personal na mga katangian (57:9-11; 92; 100; 108:1-4; 117; 138:1, 2)

Dahilan sa kaniyang saganang mga paglalaan (37:25; 67:5-7; 145:15, 16)

Udyok ng kaniyang nakalipas na mga pakikitungo sa kaniyang bayan (66; 81; 105; 106; 126; 136:10-24; 147)

Mga pakiusap ukol sa awa at tulong ng Diyos

Para iligtas mula sa mga kaaway (3-5; 7; 12; 13; 17; 31; 59)

Upang patawarin sa mga kasalanan (19:12, 13; 25:7, 11; 32; 51:1, 2, 7-15; 130)

Para patnubayan sa paggawi (119:124, 125; 143:8, 10)

Upang alalayan sa pagkakasakit at kabagabagan (41:1-4)

Para lingapin kapag dumaranas ng kapighatian (6:2, 9; 9:13, 14; 123)

Mga hulang natupad sa Mesiyas

Nagmula siya sa maharlikang linya ni David (89:3, 4, 29, 36, 37; 132:11)

Inubos siya ng sigasig para sa bahay ni Jehova (69:9)

Nagsalita siya sa pamamagitan ng mga ilustrasyon (78:2)

Ipinagkanulo siya ng isang matalik na kasama (41:9; 55:12-14)

Tinukoy ang paraan ng pagpatay sa kaniya (22:16, tlb sa Rbi8)

Siya ay dinusta at nilait (22:6-8; 69:9)

Pinagpalabunutan ang kaniyang damit (22:18)

Binigyan siya ng sukà na maiinom (69:21)

Walang isa man sa kaniyang mga buto ang nabali (34:20)

Ibinangon siya mula sa Sheol (16:10)

Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging ulo ng panulukan (118:22)

Umakyat siya sa kaitaasan, naglaan ng mga kaloob sa anyong mga tao (68:18)

Niluwalhati siya at pinagpuno sa lahat ng bagay (8:5-8)

Ginawa siyang hari (2:6; 110)

Pupuksain niya ang mga bansang sumasalansang sa kaniya (2:8, 9; 45:3-5)

Magkakaroon siya ng maharlikang kasal; mag-aatas siya ng mga prinsipe sa lupa (45:2, 6-17)

Ang kaniyang pamamahala sa lupa ay magiging makatarungan at mahabagin (72)

Saligang mga doktrina sa Bibliya na lumilitaw sa aklat ng Mga Awit

Pagkakakilanlan at mga katangian ng tunay na Diyos (78:38, 39; 83:18; 86:15; 90:1-4; 102:24-27; 103; 139)

Soberanya ni Jehova (11:4-7; 24:1; 29; 44; 47; 48; 76; 93)

Pagpapabanal sa pangalan ng Diyos (79; 83)

Lahat ng tao ay makasalanan (14:1-3; 51:5; 53:1-3)

Kahibangan ng idolatriya (115:4-8; 135:15-18)

Kalagayan ng mga patay (6:5; 88:10-12; 115:17; 146:4)

Ang lupa ay magiging permanenteng tahanan ng mga matuwid (37:9-11, 29; 104:5; 115:16)

Kinasihang payo na tutulong sa atin na matamo ang pagsang-ayon ni Jehova

Matakot kay Jehova at sundin ang kaniyang mga utos (112:1-4; 128)

Linangin ang matinding paggalang sa pananalita at kautusan ng Diyos (1:2; 19:7-11; 119)

Magtiwala kay Jehova (9:10; 115:9-11; 125; 146:5-7)

Buong-pagtitiis na maghintay sa kaniyang pagkilos (42; 43)

Itaguyod ang kapayapaan at katuwiran (34:14, 15)

Lubhang pahalagahan ang pakikipagsamahan sa bayan ng Diyos, ang pagkanaroroon sa Kaniyang bahay (84; 122; 133)

Iwasan ang masasamang kasama (1:1; 26:4, 5; 101:3-8)

Turuan ang mga anak tungkol sa mga pakikitungo ni Jehova (78:3-8)

Salitain ang katotohanan; iwasan ang paninirang-puri at panunumpa nang may kabulaanan (15:2, 3; 24:3-5; 34:13)

Tuparin ang iyong salita, kahit na ito ay maging sa iyong ikasasama (15:4)

Iwasan ang maling paggamit ng salapi (15:5)

Ang pagkabukas-palad ay nagdudulot ng mga pagpapala sa nagbibigay (112:5-10)

Purihin si Jehova nang hayagan (26:7, 12; 40:9)