Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Azazel

Azazel

[Kambing na Naglalaho].

Ang salitang “Azazel” ay lumilitaw nang apat na beses sa Bibliya sa mga tuntunin may kinalaman sa Araw ng Pagbabayad-Sala.​—Lev 16:8, 10, 26.

Ang pinagmulan ng salitang ito ay pinagtatalunan. Kung pagbabatayan natin ang baybay nito sa Hebreong tekstong Masoretiko, waring ang ʽazaʼ·zelʹ ay kombinasyon ng dalawang salitang-ugat na nangangahulugang “kambing” at “maglaho,” sa gayo’y nangangahulugang “Kambing na Naglalaho.” Kung ibabatay naman sa isa pang pinagmulan, salig sa palagay na dalawang katinig ng salita ang nagkapalit, ito ay nangangahulugang “Lakas ng Diyos.” Isinalin ng Latin na Vulgate ang salitang Hebreong ito bilang caper emissarius, samakatuwid nga, “ang kambing na sugo,” o “ang kambing na pinagbuntunan ng sisi.” At ang pananalitang Griego na ginamit sa Septuagint ay nangangahulugang “ang isa na nagdadala (naglalayo) ng kasamaan.”

Dalawang kambing (mga batang kambing na lalaki) ang kinukuha noon ng mataas na saserdote mula sa kapulungan ng mga anak ni Israel upang gamitin sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa pamamagitan ng palabunutan, isang kambing ang itinatalaga “para kay Jehova,” at ang isa naman ay “para kay Azazel.” Pagkatapos na ihain ang isang toro para sa mataas na saserdote at sa kaniyang sambahayan (tiyak na kasama ang lahat ng Levita), ihahain naman ang kambing na para kay Jehova bilang handog ukol sa kasalanan. Gayunman, ang kambing na para kay Azazel ay pinananatiling buháy nang sandaling panahon “sa harap ni Jehova upang magbayad-sala para roon, anupat pakakawalan iyon sa ilang para kay Azazel.” (Lev 16:5, 7-10) Ang pambayad-sala para sa buháy na kambing na ito ay nagmula sa dugo ng kambing na para kay Jehova, na kapapatay lamang bilang handog ukol sa kasalanan, yamang ang buhay ng laman ay nasa dugo. (Lev 17:11) Sa gayon, ang halaga ng dugo, o halaga ng buhay, ng pinatay na kambing ay inilipat sa buháy na kambing, o sa kambing na para kay Azazel. Kaya bagaman hindi pinatay ng saserdote ang buháy na kambing, taglay nito ang nagbabayad-salang halaga o ang halaga ng buhay. Yamang iniharap ito kay Jehova, maliwanag na kinikilala niya ang paglilipat na iyon ng nagbabayad-salang halaga. May pagkakatulad ito sa itinakdang paraan ng paglilinis sa isang Israelita na gumaling na sa ketong, o ng paglilinis sa isang bahay na gumaling na sa salot na iyon. Sa gayong paglilinis, isang buháy na ibon ang isinasawsaw sa dugo ng isang ibon na pinatay. Pagkatapos ay pinalilipad ang buháy na ibon, sa gayo’y dinadala nito ang kasalanan.​—Lev 14:1-8, 49-53.

Ang dalawang kambing ay dapat na walang kapintasan, malusog, at magkatulad na magkatulad hangga’t maaari. Bago pagpalabunutan ang mga iyon, ang alinman sa dalawang kambing ay maaaring mapili bilang ang kambing na para kay Jehova. Matapos ihain ang kambing na para kay Jehova, ipapatong ng mataas na saserdote ang kaniyang mga kamay sa ulo ng buháy na kambing at ipagtatapat sa ibabaw nito ang mga kasalanan ng bayan. Pagkatapos ay pakakawalan ang kambing na ito sa ilang sa pamamagitan ng “isang taong nakahanda.” (Lev 16:20-22) Sa gayon, sa makasagisag na paraan, dinadala ng kambing na para kay Azazel ang mga kasalanang nagawa ng bayan sa nakaraang taon, anupat naglalaho ito sa ilang kasama ng mga iyon.

Ang dalawang kambing ay tinutukoy bilang isang handog ukol sa kasalanan. (Lev 16:5) Lumilitaw na dalawa ang ginagamit upang higit na maidiin ang naisasakatuparan ng paglalaang ito para maipagbayad-sala ang mga kasalanan ng bayan. Ang unang kambing ay inihahain. Ang ikalawa naman, yamang ipinagtapat sa ibabaw nito ang mga kasalanan ng bayan at pinakawalan ito sa isang malayong dako sa ilang, ay nagtatampok sa kapatawarang ipinagkakaloob ni Jehova sa mga nagsisisi. Tinitiyak ng Awit 103:12: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang.”

Gaya ng ipinaliwanag ng apostol na si Pablo, nang ihandog ni Jesus ang kaniyang sariling sakdal na buhay-tao bilang hain para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, mas malaki ang naisakatuparan niya kaysa sa nagawa ng “dugo ng mga toro at ng mga kambing.” (Heb 10:4, 11, 12) Sa gayon, naglingkod siya bilang “ang kambing na pinagbuntunan ng sisi,” yamang siya ang naging ‘tagapagdala ng ating mga sakit,’ ang isa na ‘inulos dahil sa ating pagsalansang.’ (Isa 53:4, 5; Mat 8:17; 1Pe 2:24) ‘Dinala’ niya ang mga kasalanan ng lahat ng nananampalataya sa halaga ng kaniyang hain. Ipinakita niya ang paglalaan ng Diyos na lubusang pawiin ang kasalanan. Sa ganitong mga paraan, ang kambing na “para kay Azazel” ay lumalarawan sa hain ni Jesu-Kristo.