Baal
[May-ari; Panginoon].
1. Ang ikaapat na nakatalang anak ni Jeiel, isang Benjamita.—1Cr 8:29, 30; 9:35, 36.
2. Isang Rubenita na ang anak na si Beera ay kabilang sa mga dinalang bihag ng Asiryanong hari na si Tiglat-pileser III.—1Cr 5:5, 6, 26.
3. Isang nakapaloob na Simeonitang lunsod sa teritoryo ng Juda; lumilitaw na ito rin ang Baalat-beer at ang Rama ng timog (o Negeb).—Ihambing ang 1Cr 4:32, 33 at Jos 19:7-9.
4. Sa Kasulatan, ang salitang Hebreo na baʹʽal ay ginagamit upang tumukoy (1) sa isang asawang lalaki bilang may-ari ng kaniyang asawa (Gen 20:3); (2) sa mga may-ari ng lupain (Jos 24:11, tlb sa Rbi8); (3) sa “mga may-ari ng mga bansa” (Isa 16:8, tlb sa Rbi8); (4) sa “mga kakampi” (sa literal, “mga may-ari [mga panginoon] ng isang tipan”) (Gen 14:13, tlb sa Rbi8); (5) sa mga may-ari ng mga bagay na materyal (Exo 21:28, 34; 22:8; 2Ha 1:8, tlb sa Rbi8); (6) sa mga tao o mga bagay na may pagkakakilanlang nauugnay sa kanilang kalikasan, pagkilos, hanapbuhay, at iba pang katulad nito, halimbawa, isang mamamana (sa literal, “may-ari ng mga palaso”) (Gen 49:23), isang “may pautang” (sa literal, “may-ari ng utang mula sa kaniyang kamay”) (Deu 15:2), “sinumang madaling magalit” (sa literal, “may-ari ng galit”) (Kaw 22:24), “katunggali sa paghatol” (sa literal, “may-ari ng kahatulan”) (Isa 50:8, tlb sa Rbi8); (7) kay Jehova (Os 2:16); (8) sa huwad na mga diyos (Huk 2:11, 13).
Ang terminong hab·Baʹʽal (ang Baal) ang katawagang ikinakapit sa huwad na diyos na si Baal. Ang pananalitang hab·Beʽa·limʹ (ang mga Baal) ay tumutukoy naman sa iba’t ibang lokal na mga bathala na inaakalang nagmamay-ari at may impluwensiya sa partikular na mga dako.
Ang terminong “Baal” ay minsan lamang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa Roma 11:4, anupat sa tekstong Griego ay mayroon itong pambabaing pantukoy na he sa unahan. Bilang komento sa paggamit ng pambabaing pantukoy sa unahan ng “Baal” sa Griegong Septuagint at sa Roma 11:4, ganito ang isinulat ni John Newton sa isang sanaysay tungkol sa pagsamba kay Baal: “Bagaman siya ay nasa kasariang panlalaki sa Hebreo, [hab·Baʹʽal], ang panginoon, si Baal ay tinatawag ding [he Baʹal], = ang ginang, sa Septuagint; Os. ii. 8; Zef. i. 4; at sa Bagong Tipan, Roma xi. 4. Sa mahalay na pagsamba sa diyos na ito na androgyne, o may dalawang kasarian, sa ilang okasyon ay nagsusuot ang mga lalaki ng mga kasuutang pambabae, samantalang ang mga babae naman ay nagdadamit ng panlalaki, at nagwawasiwas ng mga sandata.”—Ancient Pagan and Modern Christian Symbolism, ni T. Inman, 1875, p. 119.
May mga panahon sa kasaysayan ng Israel na si Jehova ay tinukoy bilang “Baal,” sa diwa na siya ang May-ari o Asawa ng bansang iyon. (Isa 54:5) Gayundin, maaaring may-kamaliang iniugnay ng mga Israelita si Jehova kay Baal noong sila’y mag-apostata. Waring pinatutunayan iyan ng hula ni Oseas kung saan sinabi niya na darating ang panahon na pagkatapos ng pagkatapon ng Israel at ng kanilang pagsasauli, magsisisi sila at tatawagin nila si Jehova bilang “Aking asawa,” at hindi na bilang “Aking may-ari” (“Aking Baal,” MB). Ipinahihiwatig ng konteksto na ang katawagang “Baal” at ang kaugnayan nito sa huwad na diyos ay hindi na muling sasambitin ng mga Israelita. (Os 2:9-17) Lumilitaw na ang salitang Hebreo na baʹʽal ay nagkaroon ng negatibong kahulugan dahil iniuugnay ito sa imbing pagsamba kay Baal, anupat ipinapalagay ng ilan na iyan ang dahilan kung bakit ginamit ng manunulat ng Ikalawang Samuel ang mga pangalang “Is-boset” at “Mepiboset” (ang boʹsheth ay nangangahulugang kahihiyan) sa halip na “Esbaal” at “Merib-baal.”—2Sa 2:8; 9:6; 1Cr 8:33, 34; tingnan ang IS-BOSET.
Pagsamba kay Baal. Maliban sa maraming pagtukoy ng Kasulatan, kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa pagsamba kay Baal hanggang noong may mahukay sa Ugarit (ang makabagong Ras Shamra sa baybayin ng Sirya na katapat ng HS dulo ng pulo ng Ciprus) na maraming sinaunang relihiyosong kasangkapan at daan-daang tapyas na luwad. Ang marami sa sinaunang mga dokumentong ito, na kilala ngayon bilang ang mga teksto ng Ras Shamra, ay ipinapalagay na mga liturhiya o mga salitang binibigkas niyaong mga nakikibahagi sa mga ritwal sa panahon ng relihiyosong mga kapistahan.
Sa mga teksto ng Ras Shamra, si Baal (na tinatawag ding Aliyan [ang isa na nananaig] Baal) ay tinutukoy bilang “Zabul [Prinsipe], Panginoon ng Lupa” at “ang Nakasakay sa mga Ulap.” Kasuwato ito ng isang representasyon ni Baal, kung saan siya ay may hawak na isang pamalo o pambambo sa kaniyang kanang kamay at isang disenyo ng kidlat na may ulo ng sibat at may tumutubong halaman sa ibabaw nito sa kaniyang kaliwa. Inilalarawan din siya na nakasuot ng helmet na may mga sungay, anupat nagpapahiwatig ng malapit na kaugnayan sa toro, isang sagisag ng pagkapalaanakin.—LARAWAN, Tomo 1, p. 270.
Karaniwan na, bihirang umulan sa Palestina mula sa huling bahagi ng Abril hanggang Setyembre. Ang ulan ay nagsisimula sa Oktubre at nagpapatuloy sa buong taglamig hanggang Abril, na nagdudulot ng saganang pananim. Ipinapalagay na ang mga pagbabago ng kapanahunan at ang mga epektong dulot ng mga ito ay paulit-ulit na nagaganap dahil sa walang-katapusang paglalabanan ng mga diyos. Inaakalang ang paghinto ng tag-ulan at ang pagkamatay ng mga pananim ay resulta ng pananaig ng diyos na si Mot (kamatayan at pagkatigang) laban kay Baal (ulan at pagkamabunga), anupat si Baal ay napipilitang umatras patungo sa kalaliman ng lupa. Pinaniniwalaan na ang pagsisimula ng tag-ulan ay nagpapahiwatig na nabuhay nang muli si Baal. Ipinapalagay na nagiging posible ito dahil sa pananaig ng kapatid na babae ni Baal na si Anath laban kay Mot, anupat dahil dito ay maaari nang makabalik ang kapatid niyang si Baal sa trono nito. Pinaniniwalaan na ang pakikipagtalik ni Baal sa kaniyang asawa, ipinapalagay na si Astoret, ang tumitiyak na magiging mabunga ang darating na taon.
Malamang na iniisip ng mga Canaanitang magsasaka at nag-aalaga ng baka na ang pagsasagawa nila ng isang itinakdang ritwal ay nakatutulong upang maudyukan ang kanilang mga diyos na tularan ang ginagawa nila sa gayong ritwal sa panahon ng kanilang relihiyosong mga kapistahan at na kailangan ito upang matiyak na magkakaroon sila ng masaganang ani at palaanaking mga kawan sa darating na taon at upang maiwasan ang tagtuyot, salot ng balang, at iba pa. Kaya naman maliwanag na ang muling pagkabuhay ni Baal upang lumuklok sa trono at makipagtalik sa kaniyang asawa ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng mahahalay na ritwal sa pagkapalaanakin, na may kalakip na walang-taros na pagpapakasasa sa sekso.
Walang alinlangan na sa bawat Canaanitang lunsod ay may santuwaryo ni Baal na itinayo bilang parangal sa lokal na patron na Baal. May mga saserdoteng inatasan upang mangasiwa sa pagsamba sa mga santuwaryong iyon at sa maraming dambana na nasa kalapit na mga taluktok ng burol na kilala bilang matataas na dako. (Ihambing ang 2Ha 17:32.) Sa loob ng mga dambana ay maaaring may mga imahen o mga larawan ni Baal, samantalang sa labas naman malapit sa mga altar ay may makikitang mga batong haligi (malamang na mga sagisag ng ari ng lalaki na kumakatawan kay Baal), mga sagradong poste na sumasagisag sa diyosang si Asera, at mga patungan ng insenso. (Ihambing ang 2Cr 34:4-7; tingnan ang SAGRADONG POSTE.) May mga patutot na lalaki at babae na naglilingkod sa matataas na dako, at bukod pa sa seremonyal na pagpapatutot, nagsasagawa rin doon ng paghahain ng mga bata. (Ihambing ang 1Ha 14:23, 24; Os 4:13, 14; Isa 57:5; Jer 7:31; 19:5.) Ang pagsamba kay Baal ay isinasagawa rin sa mismong mga bubungan ng bahay ng mga tao, kung saan malimit na makikitang pumapailanlang ang haing usok para sa kanilang diyos.—Jer 32:29.
May mga impormasyon na nagpapahiwatig na si Baal at ang iba pang mga diyos at mga diyosa ng mga Canaanita ay iniugnay ng kanilang mga mananamba sa partikular na mga bagay sa kalangitan. Halimbawa, ang isa sa mga teksto ng Ras Shamra ay may binabanggit na paghahandog kay “Reyna Shapash (ang Araw) at sa mga bituin,” at ang isa namang teksto ay may tinutukoy na “hukbo ng araw [sun] at pulutong ng araw [day].”
Dahil dito, kapansin-pansin na ang mga bagay sa kalangitan ay ilang ulit na tinukoy ng Bibliya kaugnay ng pagsamba kay Baal. Bilang paglalarawan sa likong landasin ng kaharian ng Israel, ganito ang sinasabi ng rekord ng Kasulatan: “Patuloy nilang iniwan ang lahat ng utos ni Jehova . . . , at nagsimula silang yumukod sa buong hukbo ng langit at naglingkod kay Baal.” (2Ha 17:16) Tungkol naman sa kaharian ng Juda, iniulat na sa loob mismo ng templo ni Jehova ay nagkaroon ng “mga kagamitan na ginawa para kay Baal at para sa sagradong poste at para sa buong hukbo ng langit.” Gayundin, ang mga tao sa buong Juda ay gumagawa ng “haing usok para kay Baal, sa araw at sa buwan at sa mga konstelasyon ng sodyako at sa buong hukbo ng langit.”—2Ha 23:4, 5; 2Cr 33:3; tingnan din ang Zef 1:4, 5.
Ang bawat lokalidad ay may sariling Baal, at ang lokal na Baal ay kadalasang binibigyan ng pangalang nagpapahiwatig ng kaugnayan nito sa isang espesipikong lokalidad. Halimbawa, ang pangalang Baal ng Peor (Baal-peor), na sinamba ng mga Moabita at mga Midianita, ay hinalaw sa Bundok Peor. (Bil 25:1-3, 6) Nang maglaon, ang mga pangalan ng lokal na mga Baal na ito ay ipinangalan sa mismong mga lokalidad sa pamamagitan ng tayutay (metonimya), gaya halimbawa ng Baal-hermon, Baal-hazor, Baal-zepon, at Bamot-baal. Gayunman, bagaman maraming lokal na Baal, opisyal na pinaniniwalaan ng mga Canaanita na iisa lamang ang diyos na Baal.
Ano ang naging epekto sa Israel ng pagsamba kay Baal?
Sa unang mga bahagi pa lamang ng Bibliya, may pahiwatig na ng pag-iral ng Baalismo, bagaman lumilitaw na noong mga araw ng mga patriyarka ay hindi pa ito kasinsama ng Baalismong umiiral noong panahong pumasok ang mga Israelita sa lupain ng Canaan. (Ihambing ang Gen 15:16; 1Ha 21:26.) Ang unang pahiwatig nito ay ang pagbanggit sa lunsod ng Asterot-karnaim, na posibleng isinunod sa pangalan ng asawa ni Baal na si Astoret. (Gen 14:5) Bago tumawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula, natatanaw nila noon sa ilang ang lugar na Baal-zepon. (Exo 14:2, 9) Sa Bundok Sinai, espesipikong binabalaan si Moises may kaugnayan sa mga tumatahan sa Canaan, at tinagubilinan din siya na ibagsak ang kanilang mga altar, gibain ang kanilang mga sagradong haligi, at putulin ang kanilang mga sagradong poste. (Exo 34:12-14) Sa gayon, ang lahat ng kagamitan sa pagsamba kay Baal ay papawiin mula sa Lupang Pangako.
Habang nagkakampo ang mga Israelita sa Kapatagan ng Moab, dinala ni Haring Balak si Balaam sa Bamot-baal (nangangahulugang “Matataas na Dako ni Baal”) upang makita nito ang napakalaking pulutong. (Bil 22:41) Nang mabigo si Balaam na sumpain ang mga Israelita, pinayuhan niya si Balak na akitin sila sa idolatriya sa pamamagitan ng pagtukso sa kanila na magsagawa ng seksuwal na imoralidad sa mga babaing mananamba sa idolo ng Baal ng Peor. Libu-libong Israelita ang nagpadala sa tuksong ito at namatay.—Bil 22:1–25:18; Apo 2:14.
Sa kabila ng masaklap na karanasang ito at ng maliwanag na mga babala ni Moises at ni Josue (Deu 7:25, 26; Jos 24:15, 19, 20), nang manirahan na ang mga Israelita sa lupain, tinularan nila ang mga Canaanitang naiwan doon, maliwanag na upang tiyakin na magiging palaanakin ang kanilang bakahan at magiging masagana ang kanilang ani. Kasabay nito, patuloy silang nagkunwaring sumasamba kay Jehova. Pagkamatay ni Josue, pumasok ang malawakang apostasya. (Huk 2:11-13; 3:5-8) Ang bayan ay nagtayo ng mga altar, mga poste, at iba pang mga kagamitan sa pagsamba kay Baal sa kanilang mga bukid, at lumilitaw na nagpaimpluwensiya sila sa kalapit nilang mga Canaanita hinggil sa kung paano nila mapalulugdan ang “may-ari,” o Baal, ng bawat piraso ng lupain. Nasilo rin ang mga Israelita sa imoral na mga gawaing kaugnay ng pagsamba kay Baal. Dahil dito, pinabayaan sila ni Jehova sa kanilang mga kaaway.
Gayunman, nang manumbalik ang bayan kay Jehova, buong-kaawaan niya silang iniligtas sa pamamagitan ng pagbabangon ng mga hukom gaya ni Gideon, na ang pangalan ay ginawang Jerubaal (nangangahulugang “Hayaang Gumawa si Baal ng Legal na Pagtatanggol (Makipaglaban)”). (Huk 6:25-32; 1Sa 12:9-11) Ngunit walang naganap na permanenteng reporma noong panahong iyon. (Huk 8:33; 10:6) Patuloy na isinagawa ang Baalismo maging pagkaraan ng mga araw ni Samuel bagaman iniulat na nahimok niya ang bayan na alisin ang mga Baal at ang mga imahen ni Astoret at maglingkod tangi lamang kay Jehova.—1Sa 7:3, 4.
Bagaman hindi na muling binanggit ang Baalismo hanggang noong pagtatapos ng paghahari ni Solomon, maaaring nanatili ito sa ilang bahagi ng kaharian. Maraming iba’t ibang anyo ng Baalismo ang pumasok sa bansa nang mag-asawa si Solomon ng maraming paganong babae, at hinikayat nila siya at ang kanilang mga anak na maglingkod sa ibang mga diyos at mga diyosa, gaya nina Astoret at Molec, na iniuugnay sa pagsamba kay Baal.—1Ha 11:4, 5, 33; Jer 32:35.
Nang mahati ang kaharian noong 997 B.C.E., itinatag ni Jeroboam ang pagsamba sa guya sa hilagang kaharian ng Israel sa Dan at Bethel. Patuloy na isinagawa ang dati nang umiiral na Baalismo kasabay ng pagsamba sa guya, kung paanong sa Juda ay isang anyo ng tunay na pagsamba ang isinasagawa sa Jerusalem habang ang Baalismo ay isinasagawa rin sa buong lupain.—1Ha 14:22-24.
Isang naiibang kulto ni Baal ang pinasimulan sa Israel noong mga araw ni Haring Ahab (mga 940-920 B.C.E.), ang kulto ni Melkart na Baal ng Tiro. 1Ha 16:31-33) Nang dakong huli, isang bantog na pagtutuos ang naganap sa Bundok Carmel sa pagitan ni Jehova at ni Baal.
(LARAWAN, Tomo 2, p. 532) Si Ahab ay nakipag-alyansa sa hari ng Tiro na nagngangalang Etbaal (nangangahulugang “Kasama ni Baal”) sa pamamagitan ng pag-aasawa sa anak nitong babae. Bilang resulta, naipasok ng anak na babae ni Etbaal na si Jezebel ang mas agresibong kultong ito sa Israel, pati na ang maraming saserdote at tagapaglingkod. (Malamang na dahil naniniwala ang mga mananamba ni Baal na siya ang may-ari ng kalangitan at na siya ang nagbibigay ng ulan at pagkamabunga, sa pangalan ni Jehova ay ipinatalastas ni Elias na magkakaroon ng tagtuyot. (1Ha 17:1) Pagkaraan ng tatlong taon at anim na buwang tagtuyot, yamang napatunayang hindi kaya ni Baal na wakasan ang tagtuyot bilang sagot sa maraming pagsusumamo na walang alinlangang ginawa ng kaniyang mga saserdote at mga mananamba, ipinatawag ni Elias ang buong bayan sa Bundok Carmel upang saksihan ang malaking pagsubok hinggil sa kung sino ang tunay na Diyos. Ang pagsubok ay humantong sa pagkapahiya ng mga mananamba ni Baal at sa pagpatay sa 450 propeta ni Baal. Pagkatapos nito, si Jehova, at hindi si Baal, ang nagpaulan upang wakasan ang tagtuyot.—1Ha 18:18-46; San 5:17.
Ang anak at kahalili ni Ahab na si Ahazias ay naglingkod din kay Baal. (1Ha 22:51-53) Ang kapatid ni Ahazias na si Jehoram ang humalili sa kaniya, at iniulat na inalis ni Jehoram ang sagradong haligi ni Baal na ginawa ng kaniyang ama, bagaman nagpatuloy siya sa pagsamba sa guya.—2Ha 3:1-3.
Nang maglaon (mga 905 B.C.E.), pinahiran si Jehu bilang hari. Ipinaghiganti niya ang pagpaslang sa mga propeta ni Jehova sa pamamagitan ng pagpatay kay Jezebel at sa sambahayan ng asawa nitong si Ahab. Pagkatapos nito, ang lahat ng mananamba ni Baal ay ipinatawag sa Samaria upang idaos ang kunwari’y “isang kapita-pitagang kapulungan para kay Baal.” Sa utos ni Jehu, pinatay ang lahat ng mananamba ni Baal. Ang mga sagradong poste ay sinunog, at ang sagradong haligi ay ibinagsak, pati na ang bahay ni Baal, na ginawang pampublikong palikuran. Sa gayon ay sinasabing “nilipol ni Jehu si Baal mula sa Israel.” (2Ha 10:18-28) Kaya sa loob ng ilang panahon, nasupil ang pagsamba kay Baal. Gayunman, dahil sa gayong Baalistikong relihiyon kung kaya nang dakong huli ay hinayaan ni Jehova na yumaon sa pagkatapon ang sampung-tribong kaharian ng Israel.—2Ha 17:16-18.
Sa Juda, maliwanag na nanatili pa rin ang Baalismo sa kabila ng mga pagsisikap ni Haring Asa na alisin ang mga kagamitan nito. (2Cr 14:2-5) Nang si Atalia, na anak ni Ahab kay Jezebel, ay ipakasal ni Ahab kay Jehoram, na ikapitong Judeanong hari, nakapasok ang Baalismo ng Tiro sa gitna ng maharlikang pamilya sa Juda dahil sa kaniyang balakyot na impluwensiya. Sa kabila ng mga reporma noong pasimula ng paghahari ng apo ni Atalia na si Haring Jehoas at ng mga reporma ni Haring Hezekias nang maglaon, ang pagsamba kay Baal ay hindi permanenteng naalis. (2Ha 11:18; 18:4) Muling itinayo ng anak ni Hezekias na si Manases ang mismong matataas na dako na winasak ng kaniyang ama. (2Ha 21:3) Bagaman lumilitaw na ang karamihan sa mga Judeanong hari ay nahawahan ng pagsamba kay Baal, si Manases naman ay nagpakatalamak sa pagtataguyod ng ubod-samang kultong ito. (2Ha 21:9-11) Ang reporma ni Haring Manases nang bandang huli at maging ang malawakang paglilinis na ginawa ng kaniyang apong si Haring Josias ay hindi nagdulot ng permanenteng panunumbalik sa tunay na pagsamba. Ang lubusang pagkahawang ito sa huwad na pagsamba ay nagbunga ng pagkatapon at pagkatiwangwang ng lupain bilang kaparusahan.—2Cr 33:10-17; 2Ha 23:4-27; Jer 32:29.
Samantalang isinasagawa ni Jeremias ang kaniyang gawaing panghuhula mula noong mga araw ni Josias hanggang noong pagkatapon sa Babilonya, tinuligsa niya ang Israel dahil pinasamâ ng bansa ang sarili nito sa pamamagitan ng pagsamba kay Baal. Inihalintulad niya ang Israel sa isang mapangalunyang asawang babae na nagpapatutot sa ilalim ng bawat mayabong na punungkahoy at sa bawat mataas na dako, na nangangalunya sa mga bato at mga punungkahoy at kinalilimutan si Jehova, ang “asawang nagmamay-ari” sa bayan. (Jer 2:20-27; 3:9, 14) Pagkatapos ng pagkatapon ng mga Judio sa Babilonya at nang makabalik na sila sa Palestina, hindi na binanggit sa Bibliya na isinasagawa pa ng mga Israelita ang Baalismo.
[Mga larawan sa pahina 270]
Mga representasyon ni Baal, ang diyos ng ulan at pagkamabunga, na natagpuan sa Ras Shamral