Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Baal-meon

Baal-meon

[pinaikling anyo ng Bet-baal-meon].

Isang prominenteng bayan sa talampas ng H Moab na iniatas sa tribo ni Ruben kasama ng Nebo, Kiriataim, at ng iba pang mga bayan sa rehiyong iyon. (Bil 32:37, 38; 1Cr 5:8) Nagustuhan ng mga Rubenita ang rehiyong iyon dahil sa maiinam na pastulan nito, at maliwanag na muli nilang itinayo at pinangalanan ang mga bayan doon. Sa mas naunang talaan sa Bilang 32:3, 4, ang Baal-meon ay maaaring kinakatawanan ng pangalang “Beon.” Nang maglaon, tinukoy iyon ni Josue bilang Bet-baal-meon, malamang na siyang buong pangalan ng lugar na iyon.​—Jos 13:17.

Waring nabawi ng mga Moabita ang Baal-meon noong panahon ng paghahari ni Haring Mesa ng Moab, maliwanag na noong huling bahagi ng ikasampung siglo B.C.E. Sinasabi sa inskripsiyon ng Batong Moabita (taludtod 9) na ‘itinayo [marahil, pinatibay] ni Mesa ang Baal-meon, anupat gumawa [siya] roon ng isang imbakan ng tubig,’ at sa taludtod 30 ay tinutukoy niya iyon sa mas kumpletong pangalan na Bet-baal-meon. Bukod diyan, sa isang piraso ng may-ukit na kagamitang luwad na natagpuan sa Samaria (Ostraca 27 ng Samaria) ay binabanggit ang isang “Baala na Baal-meonita.”

Noong ikapitong siglo B.C.E., sa isang babala mula Diyos na inihayag laban sa Moab, inihula ng propetang si Jeremias na ang lupain ay sasamsaman ng Babilonya, anupat espesipikong binabanggit ang ilang bayan, kabilang na ang Bet-meon (malamang na ang Baal-meon). (Jer 48:20-23) Binanggit ni Ezekiel ang Baal-meon bilang isa sa mga lunsod ng Moab na aariin ng “mga taga-Silangan” (o, “mga anak ng Silangan”). (Eze 25:9, 10) Pinatototohanan ng sekular na kasaysayan at ng arkeolohikal na pagsusuri ang katuparan ng mga hulang ito.​—Tingnan ang MOAB, MGA MOABITA Blg. 2.

Ang Baal-meon ay iniuugnay sa mga guho ng Maʽin, isang malaking gulod na mga 6 na km (3.5 mi) sa KTK ng Medeba at 12 km (7 mi) sa S ng Dagat na Patay. Ang talampas na kinaroroonan ng Maʽin ay mga 800 m (2,600 piye) ang taas.