Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Baal ng Peor

Baal ng Peor

Ang partikular na Baal na sinamba sa Bundok Peor kapuwa ng mga Moabita at mga Midianita. (Bil 25:1, 3, 6) Sinasabi ng iba na ang Baal ng Peor ay maaaring si Kemos, yamang ang bathalang ito ang pangunahing diyos ng mga Moabita. (Bil 21:29) Gaya ng Baalismo sa pangkalahatan, malamang na nagsasangkot ng napakahalay na mga ritwal ang pagsamba sa Baal ng Peor. Habang ang mga Israelita ay nagkakampo sa Sitim sa mataas na kapatagan ng Moab, naakit sila ng mga babaing mananamba ng Baal ng Peor na magsagawa ng imoralidad at idolatriya.​—Bil 25:1-18; Deu 4:3; Aw 106:28; Os 9:10; Apo 2:14.

Dahil sa pagkakasala ng Israel may kaugnayan sa Baal ng Peor, nagpasapit si Jehova ng isang nakamamatay na salot na pumatay ng libu-libong Israelita. May bumabangong tanong tungkol sa kung ilan ang aktuwal na namatay sa salot yamang waring di-magkatugma ang ulat ng Bilang 25:9 at ng 1 Corinto 10:8. Lumilitaw na 23,000 ang tuwirang namatay sa salot, samantalang 1,000 “pangulo” o pasimuno ng paghihimagsik ang pinatay ng mga hukom ng Israel at pagkatapos ay ibinitin, anupat inilantad sa paningin ng madla.​—Bil 25:4, 5; tingnan ang BAAL Blg. 4.