Baal-zebub
[May-ari ng mga Langaw].
Ang Baal na sinamba ng mga Filisteo sa Ekron. May mga pahiwatig na isang karaniwang kaugalian noon ng mga Hebreo na baguhin ang mga pangalan ng huwad na mga diyos anupat binibigyan nila ang mga ito ng kahawig ngunit mapanghamak na pangalan. Kaya naman ang hulaping “zebub” ay maaaring isang pagbago sa isa sa mga titulo ni Baal na makikita sa mga tekstong Ras Shamra bilang “Zabul” (“Prinsipe”), o Zebul. Gayunman, sinasabi ng ilang iskolar na ang mga mananamba ng diyos na ito ang nagbigay ng pangalang iyon dahil itinuturing nila siya bilang ang gumagawa ng mga langaw at sa gayon ay may kakayahang kontrolin ang pangkaraniwang mga pesteng ito sa Gitnang Silangan. Yamang iniuugnay si Baal-zebub sa pagbibigay ng mga orakulo, ipinapalagay ng iba na siya ay isang diyos na pinaniniwalaang nakapagbibigay ng mga orakulo sa pamamagitan ng paglipad o paghiging ng langaw.—2Ha 1:2.
Si Ahazias na hari ng Israel ay nagsugo ng mga mensahero kay Baal-zebub upang alamin kung gagaling ba siya mula sa tinamo niyang malubhang pinsala o hindi. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Elias, sinaway ni Jehova si Ahazias, na sinasabi: “Dahil ba sa wala talagang Diyos sa Israel kung kaya ka nagsusugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron? Kaya nga, kung tungkol sa higaan na iyong sinampahan, hindi ka bababa mula roon, dahil ikaw ay tiyak na mamamatay.”—2Ha 1:2-8; tingnan ang BEELZEBUB.