Baasa
Ikatlong hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel; anak ni Ahias na mula sa tribo ni Isacar at may di-prominenteng pinagmulan. Inagaw niya ang trono sa pamamagitan ng pagpatay sa kaniyang hinalinhan na si Nadab, at pagkatapos ay sinaktan niya ang buong sambahayan ni Jeroboam, gaya ng inihula. (1Ha 15:27-30; 14:10) Gayunman, ipinagpatuloy ni Baasa ang pagsamba sa guya na pinasimulan ni Jeroboam, at dahil dito ay inihula rin ang pagkalipol ng kaniyang sariling sambahayan. (1Ha 16:1-4) Nang makipagdigma siya laban sa Juda, inudyukan ni Asa ang hari ng Sirya na ligaligin si Baasa mula sa H. Pagkatapos, ang nakukutaang lunsod ng Rama, na itinatayo noon ni Baasa, ay winasak ni Asa. (1Ha 15:16-22; 2Cr 16:1-6; tingnan ang ASA Blg. 1 [Intriga at Pakikipagdigma Laban kay Baasa].) Pagkatapos na mamahala mula noong mga 975 hanggang 953 B.C.E., si Baasa ay namatay at inilibing sa kaniyang kabisera, ang Tirza. Ang kaniyang anak na si Elah ay naging hari noong ika-26 na taon ni Asa na hari ng Juda (1Ha 16:8), ngunit noong ika-27 taon ni Asa (1Ha 16:15), naghimagsik si Zimri at nilipol ang sambahayan ni Baasa, sa gayo’y natupad ang itinalaga ni Jehova.