Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Babae

Babae

[sa Ingles, woman].

Isang adultong tao na ang kasarian ay pambabae, isa na lampas na sa edad ng pagdadalaga. Ang terminong Hebreo para sa babae ay ʼish·shahʹ (sa literal, isang babaing tao), na isinasalin ding “asawang babae.” Ang terminong Griego na gy·neʹ ay isinasalin din bilang “babae” o “asawang babae.”

Paglalang sa Babae. Bago pa man humingi ang lalaking si Adan ng taong makakasama niya, inilaan na ito ng Diyos na kaniyang Maylalang. Matapos ilagay si Adan sa hardin ng Eden at ibigay sa kaniya ang kautusan tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, sinabi ni Jehova: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” (Gen 2:18) Hindi niya inubliga ang lalaki na maghanap ng makakasama nito mula sa mga hayop, kundi dinala niya kay Adan ang mga hayop upang pangalanan niya ang mga iyon. Si Adan ay walang pagnanais na makipagtalik sa hayop at naobserbahan niya na wala sa mga ito ang angkop na maging kasama niya. (Gen 2:19, 20) “Dahil dito ang Diyos na Jehova ay nagpasapit ng isang mahimbing na tulog sa lalaki at, habang ito ay natutulog, kinuha niya ang isa sa mga tadyang nito at pagkatapos ay pinaghilom ang laman sa ibabaw nito. At ang tadyang na kinuha ng Diyos na Jehova mula sa lalaki ay ginawa niyang isang babae at dinala niya ito sa lalaki. Nang magkagayon ay sinabi ng lalaki: ‘Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Ito ay tatawaging Babae, sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.’⁠”​—Gen 2:21-23.

Posisyon at mga Pananagutan. Palibhasa’y nilalang mula sa lalaki, ang pag-iral ng babae ay nakadepende sa lalaki. Yamang bahagi siya ng lalaki, anupat sila ay “isang laman,” at isa siyang kapupunan at katulong ng lalaki, siya ay sakop nito bilang kaniyang ulo. Nasa ilalim din siya ng kautusan na ibinigay ng Diyos kay Adan tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Pananagutan niyang gumawa para sa kapakanan ng lalaki. Magkasama silang magkakaroon ng mga anak at magpupuno sa mga hayop.​—Gen 1:28; 2:24.

Yamang karaniwan nang nag-aasawa ang mga babae noong panahon ng Bibliya, ang mga kasulatang tumatalakay sa mga pananagutan ng babae ay kadalasang may kinalaman sa kaniyang posisyon bilang asawang babae. Ang pangunahing tungkulin ng lahat ng babae sa Israel ay maglingkod sa Diyos na Jehova sa tunay na pagsamba. Isang halimbawa nito si Abigail, na naging asawa ni David pagkamatay ng kaniyang walang-kabuluhang asawang si Nabal. Bagaman masama ang landasing tinahak ni Nabal, anupat tumanggi itong gamitin ang kaniyang materyal na mga pag-aari upang tulungan si David, ang pinahiran ni Jehova, natanto ni Abigail na siya, bagaman asawa ni Nabal, ay hindi obligadong sumunod sa kaniyang asawa sa gayong pagkilos na salungat sa kalooban ni Jehova. Pinagpala siya ni Jehova nang ipakita niya ang kaniyang katatagan ukol sa tamang pagsamba sa pamamagitan ng pagtulong sa Kaniyang pinahiran.​—1Sa 25:23-31, 39-42.

Pangalawa, dapat sumunod ang babae sa kaniyang asawa. Pananagutan niyang magpagal para sa kapakanan ng sambahayan at magdulot ng karangalan sa kaniyang ulong asawang lalaki. Ito ang magdudulot sa kaniya ng pinakamalaking kaluwalhatian. Sinasabi ng Kawikaan 14:1: “Ang babaing tunay na marunong ay nagpapatibay ng kaniyang bahay, ngunit ginigiba iyon ng mangmang ng sarili niyang mga kamay.” Dapat siyang laging magsalita ng mabuti tungkol sa kaniyang asawa upang higit itong igalang ng iba, at dapat siyang maging karapat-dapat na ipagmalaki ng kaniyang asawang lalaki. “Ang asawang babaing may kakayahan ay korona sa nagmamay-ari sa kaniya, ngunit ang babaing gumagawi nang kahiya-hiya ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.” (Kaw 12:4) Ang kaniyang marangal na posisyon at mga pribilehiyo bilang asawang babae, kasama ang mga pagpapala sa kaniya dahil sa kaniyang katapatan, kasipagan, at karunungan, ay inilalarawan sa Kawikaan kabanata 31.​—Tingnan ang ASAWANG BABAE.

Malaking bahagi ang ginampanan ng babaing Hebreo sa pagsasanay sa kaniyang mga anak upang sila ay maging matuwid, magalang, at masipag, at kadalasa’y malaki rin ang bahagi niya sa pagpapayo at pagpatnubay sa kaniyang malalaki nang mga anak na lalaki upang mapabuti sila. (Gen 27:5-10; Exo 2:7-10; Kaw 1:8; 31:1; 2Ti 1:5; 3:14, 15) Ang mga batang babae lalo na ang sinasanay ng kanilang mga ina upang maging mabubuting asawa sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga kasanayan sa pagluluto, paghahabi, at pamamahala sa sambahayan, samantalang ang anak na lalaki naman ay tinuturuan ng ama ng isang hanapbuhay. Ang mga babae ay malaya ring magpahayag ng kanilang niloloob sa kanilang mga asawa (Gen 16:5, 6) at kung minsan ay tinutulungan nila ang kanilang mga asawa na makabuo ng tamang mga pasiya.​—Gen 21:9-13; 27:46–28:4.

Kadalasan, ang mga magulang ang pumipili ng babaing mapapangasawa ng kanilang anak na lalaki. Ngunit sa ilalim ng Kautusan, gaya rin sa kaso ni Rebeka bago nito, ang babae ay binibigyan ng pagkakataong magpahayag ng kaniyang damdamin at kalooban tungkol sa bagay na ito. (Gen 24:57, 58) Bagaman naging kaugalian ang poligamya dahil hindi isinauli ng Diyos ang orihinal na monogamya hanggang noong maitatag ang kongregasyong Kristiyano (Gen 2:23, 24; Mat 19:4-6; 1Ti 3:2), ang mga kaugnayang poligamo ay kinontrol.

Maging ang mga kautusang militar ay nangalaga sa kapakanan kapuwa ng babae at lalaki sa pagpapahintulot nito na maging malaya sa paglilingkod ang bagong-kasal na lalaki sa loob ng isang taon. Binigyan nito ang mag-asawa ng pagkakataong magkaroon ng anak, na isang malaking kaaliwan sa ina habang nasa malayo ang kaniyang asawa, at lalo na sakaling mamatay ito sa pagbabaka.​—Deu 20:7; 24:5.

Pantay-pantay ang pagkakapit ng mga kautusan sa mga lalaki at mga babae na nagkasala ng pangangalunya, insesto, bestiyalidad, at iba pang mga krimen. (Lev 18:6, 23; 20:10-12; Deu 22:22) Ang mga babae ay hindi dapat magsuot ng damit ng lalaki at ang lalaki ay hindi rin dapat magsuot ng damit ng babae, yamang maaari itong umakay sa imoralidad, kasama na ang homoseksuwalidad. (Deu 22:5) Maaaring makibahagi ang mga babae sa mga kapakinabangang dulot ng mga Sabbath, mga kautusan hinggil sa mga Nazareo, mga kapistahan, at, sa pangkalahatan, sa lahat ng probisyon ng Kautusan. (Exo 20:10; Bil 6:2; Deu 12:18; 16:11, 14) Ang ina, gayundin ang ama, ay dapat parangalan at sundin.​—Lev 19:3; 20:9; Deu 5:16; 27:16.

Mga Pribilehiyo sa Kongregasyong Kristiyano. Para roon sa mga tinawag ng Diyos sa makalangit na pagtawag (Heb 3:1) upang maging mga kasamang tagapagmana ni Jesu-Kristo, walang pagkakaiba ang mga lalaki at mga babae sa espirituwal na diwa. Sumulat ang apostol: “Kayong lahat, sa katunayan, ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pananampalataya kay Kristo . . . walang lalaki ni babae man; sapagkat kayong lahat ay iisang tao na kaisa ni Kristo Jesus.” (Gal 3:26-28) Pawang magbabago ang kalikasan ng mga ito sa kanilang pagkabuhay-muli, palibhasa’y magiging mga kabahagi sila sa “tulad-Diyos na kalikasan,” anupat sa kalagayang iyon ay walang mga babae, sapagkat walang kasariang pambabae sa mga espiritung nilalang, yamang ang sekso ay paraan ng Diyos upang makapagparami ang mga makalupang nilalang.​—2Pe 1:4.

Mga tagapaghayag ng mabuting balita. Ang mga babae, na tinukoy bilang “mga anak na babae” at “mga aliping babae” sa hula ni Joel, ay kabilang sa mga tumanggap ng mga kaloob ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Mula noong araw na iyon, ang mga babaing Kristiyano na binigyan ng mga kaloob na ito ay nagsalita ng mga wikang banyaga na hindi nila dating nauunawaan, at sila ay ‘nanghula,’ bagaman hindi ito nangangahulugan na humula sila ng mahahalagang pangyayari sa hinaharap, kundi nagsalita sila ng mga katotohanan sa Bibliya.​—Joe 2:28, 29; Gaw 1:13-15; 2:1-4, 13-18; tingnan ang PROPETISA.

Ang pakikipag-usap nila sa iba tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya ay hindi lamang sa kanilang mga kapananampalataya. Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gaw 1:8) Pagkatapos nito, noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nang ibuhos sa kanila ang banal na espiritu, ang buong grupo ng mga 120 alagad (kabilang ang ilang babae) ay binigyang-kapangyarihan upang maging kaniyang mga saksi (Gaw 1:14, 15; 2:3, 4); at kalakip sa hula ni Joel (2:28, 29) na sinipi ni Pedro nang pagkakataong iyon ang pagtukoy sa mga babaing iyon. Kaya napabilang sila sa mga may pananagutan na maging mga saksi ni Jesus “sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Kasuwato nito, nang maglaon ay iniulat ng apostol na si Pablo na sina Euodias at Sintique sa Filipos ay “nagpunyaging kaagapay [niya] sa mabuting balita”; at binanggit ni Lucas na si Priscila ay kasama ng asawa nito na si Aquila sa ‘pagpapaliwanag ng daan ng Diyos’ sa Efeso.​—Fil 4:2, 3; Gaw 18:26.

Mga pulong ng kongregasyon. May mga pulong noon kung saan makapananalangin o makapanghuhula ang mga babaing ito basta’t may suot silang talukbong sa ulo. (1Co 11:3-16; tingnan ang TALUKBONG SA ULO.) Gayunman, sa panahon ng mga pulong na maliwanag na pangmadla, kung kailan ang “buong kongregasyon” gayundin ang “mga di-sumasampalataya” ay nagkakatipon sa isang dako (1Co 14:23-25), ang mga babae ay dapat “manatiling tahimik.” Kung ‘may anumang bagay na nais nilang matutuhan, maaari nilang tanungin ang kani-kanilang asawa sa bahay, sapagkat kahiya-hiya na ang isang babae ay magsalita sa isang kongregasyon.’​—1Co 14:31-35.

Bagaman hindi pinahihintulutang magturo sa kapulungan ng kongregasyon, ang isang babae ay maaaring magturo sa mga taong nasa labas ng kongregasyon na nais matuto ng katotohanan sa Bibliya at ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo (ihambing ang Aw 68:11), at maaari rin siyang maging “guro ng kabutihan” sa nakababatang mga babae (at mga bata) sa loob ng kongregasyon. (Tit 2:3-5) Ngunit hindi siya magkakaroon ng awtoridad sa isang lalaki o makikipagtalo sa mga lalaki, gaya halimbawa sa mga pulong ng kongregasyon. Dapat niyang tandaan ang nangyari kay Eva at ang sinabi ng Diyos na magiging posisyon ng babae pagkatapos na magkasala sina Adan at Eva.​—1Ti 2:11-14; Gen 3:16.

Mga lalaki ang naglilingkod bilang tagapangasiwa o ministeryal na lingkod. Nang talakayin ang “mga kaloob na mga tao” na ibinigay ni Kristo sa kongregasyon, walang binanggit na mga babae. Ang mga salitang “mga apostol,” “mga propeta,” “mga ebanghelisador,” “mga pastol,” at “mga guro” ay pawang nasa kasariang panlalaki. (Efe 4:8, 11) Ganito ang salin ng American Translation sa Efeso 4:11: “At ibinigay niya sa atin ang ilang lalaki bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga misyonero, ang ilan bilang mga pastor at mga guro.”​—Ihambing ang Mo, NW; gayundin ang Aw 68:18.

Lubusang kasuwato nito, nang sumulat ang apostol na si Pablo kay Timoteo tungkol sa mga kuwalipikasyon para sa mga posisyon ng paglilingkod ng “mga tagapangasiwa” (e·piʹsko·poi), na “matatandang lalaki” rin (pre·sbyʹte·roi), at ng “mga ministeryal na lingkod” (di·aʹko·noi) sa kongregasyon, espesipiko niyang sinabi na ang mga ito ay dapat na mga lalaki at, kung may asawa, siya’y dapat na “asawa ng isang babae.” Walang tinalakay ang sinuman sa mga apostol tungkol sa katungkulan ng “diyakonisa” (di·a·koʹnis·sa).​—1Ti 3:1-13; Tit 1:5-9; ihambing ang Gaw 20:17, 28; Fil 1:1.

Bagaman tinukoy si Febe (Ro 16:1) bilang isang “ministro” (di·aʹko·nos, walang Griegong pamanggit na pantukoy), maliwanag na hindi siya isang inatasang babaing ministeryal na lingkod sa kongregasyon, sapagkat walang probisyon ang Kasulatan para sa gayong posisyon ng mga babae. Hindi sinabihan ng apostol ang kongregasyon na tatanggap sila ng mga tagubilin mula kay Febe kundi sa halip ay na malugod nila siyang tanggapin at ‘tulungan siya sa anumang bagay na kakailanganin niya sila.’ (Ro 16:2) Maliwanag na ang pagtukoy ni Pablo sa kaniya bilang isang ministro ay may kinalaman sa gawain ni Febe sa pagpapalaganap ng mabuting balita, at tinukoy niya si Febe bilang isang babaing ministro na kaugnay sa kongregasyon sa Cencrea.​—Ihambing ang Gaw 2:17, 18.

Sa tahanan. Ang babae ay inilalarawan sa Kasulatan bilang “isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.” Dapat siyang pakitunguhan ng kaniyang asawa alinsunod dito. (1Pe 3:7) Marami siyang pribilehiyo, gaya ng pagtuturo sa mga anak at pamamahala sa mga gawain sa sambahayan, sa ilalim ng pagsang-ayon at patnubay ng kaniyang asawa. (1Ti 5:14; 1Pe 3:1, 2; Kaw 1:8; 6:20; kab 31) Dapat siyang magpasakop sa kaniyang asawa. (Efe 5:22-24) Dapat niyang ibigay sa kaniyang asawa ang kaukulang pangmag-asawa.​—1Co 7:3-5.

Kagayakan. Hindi kailanman hinahatulan ng Bibliya ang paggamit ng palamuti sa pananamit o ang pagsusuot ng mga alahas, ngunit iniuutos nito na dapat maging mahinhin at angkop ang pananamit ng isa. Itinagubilin ng apostol na dapat maging maayos ang damit ng mga babae at dapat nilang gayakan ang kanilang sarili nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.” Hindi mga istilo ng buhok, mga palamuti, at mamahaling pananamit ang dapat pagtuunan ng pansin kundi sa halip ay ang mga bagay na makadaragdag sa espirituwal na kagandahan, samakatuwid nga, “mabubuting gawa” at “ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.”​—1Ti 2:9, 10; 1Pe 3:3, 4; ihambing ang Kaw 11:16, 22; 31:30.

Sinabihan ng apostol na si Pedro ang gayong mapagpasakop na mga babae na nagpapamalas ng malinis, kagalang-galang, at makadiyos na paggawi na “kayo ay naging mga anak [ni Sara], kung patuloy kayong gumagawa ng mabuti at hindi natatakot sa anumang sanhi ng kakilabutan.” Kaya ang mga asawang babaing ito ay may napakadakilang pribilehiyo, hindi dahil sa sila’y mga inapo sa laman ng tapat na si Sara kundi dahil tinutularan nila siya. Si Sara ay nagkapribilehiyong magsilang kay Isaac at maging isang ninuno ni Jesu-Kristo, na siyang pangunahing ‘binhi ni Abraham.’ (Gal 3:16) Sa gayon, ang mga Kristiyanong asawang babae, habang pinatutunayan nilang sila ay makasagisag na mga anak na babae ni Sara maging sa pakikitungo sa kanilang mga asawang di-sumasampalataya, ay tiyak na tatanggap ng malaking gantimpala mula sa Diyos.​—1Pe 3:6; Gen 18:11, 12; 1Co 7:12-16.

Mga Babaing Naglingkod kay Jesus. Ang mga babae ay nagkaroon ng mga pribilehiyo may kaugnayan sa ministeryo ni Jesus sa lupa, ngunit hindi ng mga pribilehiyo na ibinigay sa 12 apostol at sa 70 ebanghelisador. (Mat 10:1-8; Luc 10:1-7) Maraming babae ang naglingkod kay Jesus mula sa kanilang mga tinatangkilik. (Luc 8:1-3) Ang isa ay nagbuhos sa kaniya ng langis ilang araw bago siya mamatay, at dahil sa ginawa nito ay nangako si Jesus: “Saanman ipangaral ang mabuting balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.” (Mat 26:6-13; Ju 12:1-8) Nagpakita si Jesus sa ilang babae noong araw ng kaniyang pagkabuhay-muli, at sa iba pang mga babae pagkatapos nito.​—Mat 28:1-10; Ju 20:1-18.

Makasagisag na Paggamit. Sa ilang pagkakataon, ang mga babae ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa mga kongregasyon o mga organisasyon ng mga tao. Ginagamit din sila upang sumagisag sa mga lunsod. Ang niluwalhating kongregasyon ni Kristo ay tinutukoy bilang kaniyang “kasintahang babae,” anupat tinatawag ding “ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem.”​—Ju 3:29; Apo 21:2, 9; 19:7; ihambing ang Efe 5:23-27; Mat 9:15; Mar 2:20; Luc 5:34, 35.

Kinausap ni Jehova ang kongregasyon o bansa ng Israel bilang Kaniyang ‘babae,’ yamang siya ang “asawang nagmamay-ari” rito dahil sa ugnayan sa pagitan nila salig sa tipang Kautusan. Sa mga hula ng pagsasauli, tinukoy niya ang Israel bilang kaniyang asawa, anupat kung minsan ay ipinatutungkol niya ang kaniyang mga salita sa Jerusalem, ang pangasiwaang lunsod ng bansang iyon. Ang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” (Isa 43:5-7) ng babaing ito ay ang mga kabilang sa bansang Israel.​—Isa 51:17-23; 52:1, 2; 54:1, 5, 6, 11-13; 66:10-12; Jer 3:14; 31:31, 32.

Sa maraming pagkakataon, ang ibang mga bansa o mga lunsod ay tinutukoy bilang mga babae, gaya ng Moab (Jer 48:41), Ehipto (Jer 46:11), Raba ng Ammon (Jer 49:2), Babilonya (Jer 51:13), at makasagisag na Babilonyang Dakila.​—Apo 17:1-6; tingnan ang ANAK NA BABAE, ANAK; BABILONYANG DAKILA.

Ang “babae” sa Genesis 3:15. Noong panahong sentensiyahan ng Diyos ang mga magulang ng sangkatauhan, sina Adan at Eva, nangako siya na isang binhi ang iluluwal ng “babae” at ito ang dudurog sa ulo ng serpiyente. (Gen 3:15) Isa itong “sagradong lihim” na nilayon ng Diyos na isiwalat sa kaniyang takdang panahon. (Col 1:26) May ilang kalagayan noong panahong ibigay ang makahulang pangako na nagpapahiwatig kung sino ang “babae.” Yamang ang binhi niya ang dudurog sa ulo ng serpiyente, kailangang nakahihigit ito sa isang taong binhi, sapagkat ipinakikita ng Kasulatan na hindi isang literal na ahas sa lupa ang pinatungkulan ng mga salita ng Diyos. Ipinakikita sa Apocalipsis 12:9 na ang “serpiyente” ay si Satanas na Diyablo, isang espiritung persona. Dahil dito, ang “babae” sa hula ay hindi isang taong babae, gaya ni Maria na ina ni Jesus. Nililinaw ito ng apostol sa Galacia 4:21-31.​—Tingnan ang BINHI.

Sa tekstong ito, tinukoy ng apostol ang malayang asawa ni Abraham at ang kaniyang babae na si Hagar at sinabing si Hagar ay katumbas ng literal na lunsod ng Jerusalem sa ilalim ng tipang Kautusan, na ang “mga anak” ay ang mga mamamayan ng bansang Judio. Sinabi ni Pablo na ang asawa ni Abraham na si Sara ay katumbas naman ng “Jerusalem sa itaas,” ang espirituwal na ina ni Pablo at ng kaniyang mga kasamahang inianak sa espiritu. Ang makalangit na “ina” na ito ay siya ring “ina” ni Kristo, na panganay sa kaniyang espirituwal na mga kapatid, na pawang nagmula sa Diyos bilang kanilang Ama.​—Heb 2:11, 12; tingnan ang MALAYANG BABAE.

Makatuwiran lamang at kaayon ng Kasulatan na ang “babae” sa Genesis 3:15 ay isang espirituwal na “babae.” At kung paanong ang “kasintahang babae,” o “asawa,” ni Kristo ay hindi isang indibiduwal na babae, kundi isang kalipunan, na binubuo ng maraming espirituwal na miyembro (Apo 21:9), ang “babae” na nagluluwal ng espirituwal na mga anak ng Diyos, ang ‘asawa’ ng Diyos (na inihula sa nabanggit na mga salita nina Isaias at Jeremias), ay binubuo ng maraming espirituwal na mga persona. Iyon ay isang kalipunan ng mga persona, isang makalangit na organisasyon.

Ang “babae” na ito ay inilalarawan sa pangitain ni Juan sa Apocalipsis kabanata 12. Ipinakikita roon na nagluluwal ito ng isang anak na lalaki, isang tagapamahala na “magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” (Ihambing ang Aw 2:6-9; 110:1, 2.) Nang ibigay kay Juan ang pangitaing ito, matagal na panahon nang ipinanganak si Jesus bilang tao at pinahiran bilang Mesiyas ng Diyos. Yamang maliwanag na may kinalaman ito sa persona ring iyon, tiyak na tumutukoy ito, hindi sa kapanganakan ni Jesus bilang tao, kundi sa iba pang pangyayari, samakatuwid nga, sa pagtatalaga sa kaniya sa kapangyarihan ng Kaharian. Samakatuwid, ang pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos ang inilalarawan dito.

Sa dakong huli, ipinakikitang pinag-uusig ni Satanas ang “babae” at nakikipagdigma ito sa “mga nalalabi sa kaniyang binhi.” (Apo 12:13, 17) Yamang makalangit ang “babae,” at sa panahong iyon ay naihagis na si Satanas sa lupa (Apo 12:7-9), hindi na nito maaabot ang makalangit na mga personang bumubuo sa “babae,” ngunit maaabot nito ang mga nalalabi sa “binhi” ng babae, ang kaniyang mga anak, ang mga kapatid ni Jesu-Kristo na naririto pa sa lupa. Sa ganitong paraan pinag-uusig ni Satanas ang “babae.”

Iba pang paggamit. Nang ihula niya ang taggutom na sasapit sa Israel kung susuway sila at sisirain nila ang kaniyang tipan, sinabi ng Diyos: “Sampung babae ang magluluto nga ng inyong tinapay sa iisang pugon at isasauli ang inyong tinapay ayon sa timbang.” Magiging napakatindi ng taggutom anupat isang pugon lamang ang kakailanganin ng sampung babae, samantalang karaniwan ay gumagamit sila ng tig-iisang pugon.​—Lev 26:26.

Matapos babalaan ang Israel hinggil sa mga kapahamakang sasapit sa kaniya dahil sa kaniyang kawalang-katapatan, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias na propeta: “At pitong babae ang susunggab nga sa isang lalaki sa araw na iyon, na sinasabi: ‘Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magbibihis ng aming sariling mga balabal; tawagin lamang sana kami sa iyong pangalan upang maalis ang aming kadustaan.’⁠” (Isa 4:1) Sa naunang dalawang talata (Isa 3:25, 26), binanggit ng Diyos na ang mga lalaki ng Israel ay mabubuwal sa digmaan. Kaya sinasabi niya sa Israel kung paano maaapektuhan ng gayong mga kalagayan ang kalalakihan ng bansa, anupat magiging napakakaunti nila kung kaya maraming babae ang pipisan sa iisang lalaki. Magagalak silang tanggapin ang pangalan niya at mapag-ukulan ng kaniyang pansin, kahit may kahati silang ibang mga babae. Tatanggapin nila ang poligamya o ang pagiging pangalawahing asawa basta magkaroon sila ng maliit na bahagi sa buhay ng isang lalaki, anupat sa paanuman ay maaalis ang kadustaan ng pagkabalo o kawalang-asawa at ng di-pagkakaroon ng anak.

Sa isang hula na umaaliw sa Israel, sinabi ni Jehova: “Hanggang kailan ka babaling dito’t doon, O di-tapat na anak na babae? Sapagkat si Jehova ay lumalang ng isang bagong bagay sa lupa: Palilibutan ng isang babae ang matipunong lalaki.” (“Ang babae ang manunuyo sa lalaki!” AT) (Jer 31:22) Hanggang noong panahong iyon, ang Israel, na may kaugnayan sa Diyos bilang Kaniyang asawa dahil sa tipang Kautusan, ay bumabaling “dito’t doon” sa kawalang-katapatan. Ngayon ay inaanyayahan ni Jehova ang “dalaga ng Israel” na magtayo ng mga palatandaan sa daan at ng mga posteng tanda upang maging giya niya pabalik at na ituon niya ang kaniyang puso sa lansangang-bayan na daraanan niya pabalik. (Jer 31:21) Ilalagay ni Jehova sa kaniya ang Kaniyang espiritu upang masabik siyang bumalik. Sa gayon, kung paanong palilibutan ng isang babae ang kaniyang asawa upang maibalik ang mabuting kaugnayan niya rito, gayundin naman palilibutan ng Israel ang Diyos na Jehova upang maibalik ang mabuting kaugnayan niya kay Jehova bilang kaniyang asawa.

“Ang ninanasa ng mga babae.” Tungkol sa “hari ng hilaga,” sinabi ng hula ni Daniel: “Ang Diyos ng kaniyang mga ama ay hindi niya isasaalang-alang; at ang ninanasa ng mga babae at ang lahat ng iba pang diyos ay hindi niya isasaalang-alang, kundi dadakilain niya ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa lahat. Ngunit sa diyos ng mga tanggulan, sa kaniyang posisyon ay magbibigay siya ng kaluwalhatian.” (Dan 11:37, 38) Ang “mga babae” rito ay maaaring kumakatawan sa mas mahihinang bansa na naging ‘mga utusang babae’ ng “hari ng hilaga,” bilang mas mahihinang sisidlan. Mayroon silang mga diyos na ninanasa at sinasamba, ngunit winawalang-halaga ng “hari ng hilaga” ang mga ito at nagbibigay-galang sa isang diyos ng militarismo.

Ang makasagisag na “mga balang.” Sa pangitain hinggil sa makasagisag na “mga balang” sa Apocalipsis 9:1-11, ang mga balang na ito ay inilalarawang may “buhok na gaya ng buhok ng mga babae.” Kaayon ng simulain sa Kasulatan na ang mahabang buhok ng babae ay tanda ng pagpapasakop niya sa kaniyang ulong asawang lalaki, ang buhok ng makasagisag na “mga balang” na ito ay malamang na kumakatawan sa pagpapasakop nila sa isa na ipinakikita sa hula bilang kanilang ulo at hari.​—Tingnan ang ABADON.

144,000 ‘hindi nadungisan ng mga babae.’ Sa Apocalipsis 14:1-4, ang 144,000 na nakatayo sa Bundok Sion kasama ng Kordero ay sinasabing “binili mula sa lupa. Ito ang mga hindi nagparungis ng kanilang sarili sa mga babae; sa katunayan, sila ay mga birhen.” Ang mga ito ay ipinakikitang may mas matalik na kaugnayan sa Kordero kaysa sa iba, anupat sila lamang ang lubos na natuto ng “bagong awit.” (Apo 14:1-4) Ipinahihiwatig nito na sila ang bumubuo sa “kasintahang babae” ng Kordero. (Apo 21:9) Sila ay espirituwal na mga persona, gaya ng ipinakikita ng bagay na nakatayo sila sa makalangit na Bundok Sion kasama ng Kordero. Samakatuwid, ang ‘hindi nila pagpaparungis ng kanilang sarili sa mga babae’ at ang kanilang pagiging “mga birhen” ay hindi nangangahulugan na walang sinuman sa 144,000 ang nakapag-asawa, sapagkat hindi naman pinagbabawalan ng Kasulatan na mag-asawa ang mga tao sa lupa na magiging mga kasamang tagapagmana ni Kristo. (1Ti 3:2; 4:1, 3) Hindi rin nito ipinahihiwatig na ang 144,000 ay puro lalaki, sapagkat “walang lalaki ni babae man” kung tungkol sa espirituwal na kaugnayan ng mga kasamang tagapagmana ni Kristo. (Gal 3:28) Kaya tiyak na ang “mga babae” ay makasagisag na mga babae, walang alinlangang tumutukoy sa mga relihiyosong organisasyon gaya ng Babilonyang Dakila at sa kaniyang ‘mga anak na babae,’ na huwad na mga relihiyosong organisasyon, anupat kung ang isa ay sasapi o makikibahagi sa mga ito ay magkakaroon siya ng kapintasan. (Apo 17:5) Ang makasagisag na paglalarawang ito ay kaayon ng kahilingan sa Kautusan na isang dalaga o birhen ang dapat kunin ng mataas na saserdote ng Israel bilang asawa, yamang si Jesu-Kristo ang dakilang Mataas na Saserdote ni Jehova.​—Lev 21:10, 14; 2Co 11:2; Heb 7:26.

May kinalaman sa pagtawag ni Jesus kay Maria sa terminong “babae,” tingnan ang MARIA Blg. 1 (Iginalang at Minahal ni Jesus).