Babilonyang Dakila
Kasama sa mga pangitain ni Juan na nakaulat sa aklat ng Apocalipsis ang mga kapahayagan ng paghatol laban sa “Babilonyang Dakila,” gayundin ang isang paglalarawan tungkol dito at sa pagbagsak nito.—Apo 14:8; 16:19; kab 17, 18; 19:1-3.
Sa Apocalipsis 17:3-5, ang Babilonyang Dakila ay inilalarawan bilang isang babaing nagagayakan ng purpura at iskarlata, marangyang napapalamutian, at nakaupo sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay. Sa kaniyang noo, isang pangalan ang nakasulat, “isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.’” Inilalarawan din siyang nakaupo sa “maraming tubig” na kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.”—Apo 17:1-15.
Ang karangyaan at lawak ng pamumuno ng Babilonyang Dakila ay hindi basta nagpapahiwatig na tumutukoy siya sa literal na lunsod ng Babilonya sa Mesopotamia. Nang pabagsakin ni Ciro na Persiano ang sinaunang Babilonya noong 539 B.C.E., naiwala nito ang posisyon nito bilang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig, anupat ang mga bihag nito, kabilang na ang mga Judio, ay pinalaya. Bagaman ang lunsod na ito ay patuloy na umiral pagkaraan ng panahon ng mga apostol, at sa gayo’y umiiral pa noong mga araw ni Juan, hindi na ito isang lunsod na may pandaigdig na kapangyarihan, at nang bandang huli ay nasira na ito at lubusang gumuho. Samakatuwid, ang Babilonyang Dakila ay dapat malasin bilang isang makasagisag na lunsod na ang parisan ay ang literal na lunsod ng Babilonya. Yamang ang sinaunang lunsod ang pinagkunan ng pangalan ng mistikong lunsod, makatutulong kung isasaalang-alang natin sa maikli ang namumukod-tanging mga katangian ng Babilonya sa may Eufrates, mga katangiang nagbibigay ng pahiwatig hinggil sa pagkakakilanlan ng makasagisag na lunsod sa pangitain ni Juan.
Mga Katangian ng Sinaunang Babilonya. Itinatag ang lunsod ng Babilonya sa Kapatagan ng Sinar kasabay ng pagsisikap na itayo ang Tore ng Babel. (Gen 11:2-9) Ang dahilan sa pagtatayo ng tore at lunsod ay, hindi upang dakilain ang pangalan ng Diyos, kundi upang ang mga tagapagtayo ay ‘makagawa ng bantog na pangalan’ para sa kanilang sarili. Ang mga toreng ziggurat na natuklasan hindi lamang sa mga guho ng sinaunang Babilonya kundi pati sa iba pang dako ng Mesopotamia ay waring nagpapatotoo na ang orihinal na tore, anuman ang anyo o istilo nito, ay pangunahin nang nauugnay sa relihiyon. Yamang agad-agad na kumilos ang Diyos na Jehova upang pahintuin ang pagtatayo ng templo, maliwanag na ipinakikita nito na iyon ay nagmula sa huwad na relihiyon. Bagaman ang Hebreong pangalan na Babel na ibinigay sa lunsod ay nangangahulugang “Kaguluhan,” ang pangalan nito sa Sumeriano (Ka-dingir-ra) at sa Akkadiano (Bab-ilu) ay kapuwa nangangahulugang “Pintuang-daan ng Diyos.” Sa gayon, binago ng nalalabing mga tumatahan sa lunsod ang anyo ng pangalan nito upang maiwasan ang orihinal na di-kaayaayang kahulugan nito, ngunit ipinakikita pa rin ng bago o kahaliling pangalan ang kaugnayan ng lunsod sa relihiyon.
Gen 10:8-10) Sa buong Hebreong Kasulatan, prominenteng itinatampok ang sinaunang lunsod ng Babilonya bilang ang malaon nang kaaway ng Diyos na Jehova at ng kaniyang bayan.
Nang banggitin ng Bibliya ang ‘pasimula ng kaharian ni Nimrod,’ una nitong itinala ang Babel. (Bagaman ang Babilonya ay naging kabisera ng isang pulitikal na imperyo noong ikapito at ikaanim na siglo B.C.E., sa buong kasaysayan nito ay naging napakaprominente nito bilang isang sentro ng relihiyon kung saan nagmula ang relihiyosong impluwensiya na kumalat sa maraming dako.
Hinggil dito, sa kaniyang akdang The Religion of Babylonia and Assyria (1898, p. 699-701), ganito ang sinabi ni Propesor Morris Jastrow, Jr.: “Sa sinaunang daigdig, bago bumangon ang Kristiyanismo, nadama ng Ehipto, Persia, at Gresya ang impluwensiya ng relihiyon ng Babilonia. . . . Sa Persia, mahahalata sa kultong Mithra ang di-mapag-aalinlanganang impluwensiya ng mga paniniwalang Babiloniko; at kung iisipin ang naging kahalagahan ng mga hiwagang kaugnay ng kultong iyon sa gitna ng mga Romano, magsisilbi itong isa pang kawing na mag-uugnay sa mga ibinunga ng sinaunang kultura at sa sibilisasyon ng Libis ng Eufrates.” Bilang konklusyon, binanggit niya na nagkaroon ng “matinding epekto sa sinaunang daigdig ang kapansin-pansing mga paglitaw ng relihiyosong paniniwala sa Babilonia at ang relihiyosong gawaing laganap sa rehiyong iyon.”
Sa aklat na New Light on the Most Ancient East, ng arkeologong si V. Childe (1957, p. 185), ang impluwensiya ng Babilonya sa relihiyon ay matatalunton sa gawing silangan hanggang sa India. Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi niya: “Ang swastika at ang krus, na pangkaraniwan sa mga selyo at mga plake, ay mga sagisag ng relihiyon o mahika gaya sa Babilonia at Elam noong pinakasinaunang panahon, ngunit naingatan din ang katangiang iyan sa makabagong India gaya rin sa ibang mga lugar.” Kung gayon, ang impluwensiya ng sinaunang Babilonya sa relihiyon ay lumaganap sa maraming bayan at bansa, anupat naging mas malawak, mas matindi, at mas namamalagi kaysa sa kaniyang lakas sa pulitika.
Tulad ng mistikong Babilonya, ang sinaunang lunsod ng Babilonya, sa diwa, ay nakaupo sa mga tubig, yamang ito ay nasa magkabilang panig ng Ilog Eufrates at mayroon itong iba’t ibang kanal at mga bambang na punô ng tubig. (Jer 51:1, 13; Apo 17:1, 15) Ang mga tubig na ito ay nagsilbing depensa ng lunsod, at ang mga ito ang naging daanan ng mga barko na nagdadala ng yaman at mga luho mula sa maraming lugar. Kapansin-pansin na ang tubig ng Eufrates ay inilalarawang natuyo bago dumanas ng poot ng paghatol ng Diyos ang Babilonyang Dakila.—Apo 16:12, 19.
Mga Pagkakakilanlang Katangian ng Mistikong Babilonya. Ang makasagisag na babae na may pangalang Babilonyang Dakila ay “ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa,” anupat dahil sa kahariang ito ay masasabing nakaupo siya sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” (Apo 17:1, 15, 18) Ang isang kaharian na namamahala sa ibang mga kaharian at mga bansa ay tinatawag na “imperyo.” Inilalagay ng Babilonyang Dakila ang kaniyang sarili sa ibabaw ng makalupang mga hari sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan at impluwensiya sa kanila. Nakasakay siya sa isang makasagisag na hayop na may pitong ulo, anupat sa ibang mga talata ng Bibliya ay ginagamit ang mga hayop bilang mga sagisag ng pulitikal na mga kapangyarihang pandaigdig.—Tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang Babilonyang Dakila ay isang pulitikal na imperyo, maaaring ang Babilonya o ang Roma. Gaya ng nabanggit na, ang Babilonya ay matagal nang hindi isang pulitikal na imperyo noong tanggapin ni Juan ang kaniyang makahulang pangitain. Tungkol naman sa Roma, ang uri ng pulitikal na pamamahala nito ay hindi katugma ng paglalarawan sa landasin ng Babilonyang Dakila at sa mga pamamaraan ng kaniyang pamumuno. Isa siyang patutot na nakikiapid sa mga hari sa lupa, anupat nilalasing sila sa alak ng kaniyang pakikiapid, at dinadaya niya ang mga bansa sa pamamagitan ng kaniyang “mga espiritistikong gawain.” (Apo 17:1, 2; 18:3, 23) Kung ihahambing, natamo at napanatili ng Roma ang pamumuno nito sa pamamagitan ng tulad-bakal na kapangyarihang militar at ng mahigpit na pagpapatupad ng batas Romano sa mga probinsiya at mga kolonya nito. Kaayon ng bagay na ito, sinasabi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible: “Ang Babilonya ay hindi basta sumasagisag sa Roma. Hindi lamang iisang imperyo o kultura ang saklaw ng Babilonya. Makikilala ito batay sa mga sistema ng idolatriya sa halip na sa mga heograpikong lokasyon o mga yugto sa kasaysayan. Ang Babilonya ay umiiral na kasabay ng kaharian ng hayop na nagpasamâ at nang-alipin sa sangkatauhan, at na dapat daigin ng Kordero (Apo. 17:14) upang mapalaya ang sangkatauhan.”—Inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 338.
Malimit gamitin sa Hebreong Kasulatan ang isang patutot o ang isang babaing mapakiapid bilang sagisag. Binabalaan ang bansang Israel na huwag makipagtipan sa mga bansa ng Canaan sapagkat aakayin sila nito na gumawa ng “imoral na pakikipagtalik [“magpatutot,” RS] sa kanilang mga diyos.” (Exo 34:12-16) Kapuwa ang Israel at ang Juda ay nag-apostata mula sa tunay na pagsamba sa Diyos na Jehova at hinatulan niya sila dahil sa kanilang pagpapatutot, palibhasa’y nagpatutot sila sa pulitikal na mga bansa at sa mga diyos ng mga ito. (Isa 1:21; Jer 3:6-10, 13; Eze 16:15-17, 28, 29, 38; Os 6:10; 7:11; 8:9, 10) Dito, mapapansin na hindi basta minamalas ng Diyos ang Israel o ang Juda bilang pulitikal na mga bansa na pumapasok sa pakikipag-ugnayan sa ibang pulitikal na mga pamahalaan. Sa halip, sinaway sila ng Diyos salig sa sagradong pakikipagtipan nila sa kaniya, samakatuwid ay mayroon silang pananagutan na maging isang banal na bayan na nakatalaga sa kaniya at sa kaniyang dalisay na pagsamba.—Jer 2:1-3, 17-21.
Matatagpuan din sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang katulad na makasagisag na paglalarawan. Ang kongregasyong Kristiyano ay inihahalintulad sa isang birhen na ikakasal kay Kristo bilang kaniyang Ulo at Hari. (2Co 11:2; Efe 5:22-27) Binabalaan ng alagad na si Santiago ang mga Kristiyano na huwag mangalunya sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa sanlibutan. (San 4:4; ihambing ang Ju 15:19.) Ganitong uri ng pakikiapid ang isinasagawa ng Babilonyang Dakila at ng kaniyang “mga anak na babae,” anupat hindi natatanging eksepsiyon. (Kung minsan, ginagamit sa Bibliya ang terminong “mga anak na babae” upang tumukoy sa mga karatig-pook o nakapalibot na mga bayan ng isang lunsod o metropolis, gaya ng “mga sakop na bayan” [sa literal na Hebreo, “mga anak na babae”] ng Samaria at Sodoma; tingnan ang Eze 16:46-48.)
Ang isa pang mahalagang salik ay na kapag naigupo ang Babilonyang Dakila dahil sa mapangwasak na pagsalakay ng sampung sungay ng makasagisag na mabangis na hayop, ang kaniyang pagbagsak ay ipagdadalamhati ng kaniyang mga pinakiapiran, ang mga hari sa lupa, at gayundin ng mga mangangalakal at mga marinero na nakipag-ugnayan sa kaniya upang maglaan ng maluluhong paninda at mararangyang kagayakan. Bagaman nakaligtas sa kaniyang pagkawasak ang mga kinatawang ito ng pulitika at komersiyo, kapansin-pansin na walang kinatawan ng relihiyon na makikitang tumatangis sa kaniyang pagbagsak. (Apo 17:16, 17; 18:9-19) Pagkatapos malipol ang mistikong Babilonya, ang mga hari sa lupa ay ipinakikitang hinahatulan, at ang kanilang pagkapuksa ay nagmumula, hindi sa “sampung sungay,” kundi sa tabak ng Hari ng mga hari, ang Salita ng Diyos.—Apo 19:1, 2, 11-18.
Ang isa pang katangiang pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila ay ang kaniyang kalasingan, anupat inilalarawan siyang “lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.” (Apo 17:4, 6; 18:24; 19:1, 2) Samakatuwid, siya ang espirituwal na katumbas ng sinaunang lunsod ng Babilonya, yamang nagpapakita siya ng gayunding pakikipag-alit sa tunay na bayan ng Diyos. Kapansin-pansin na sa mga lider ng relihiyon ipinataw ni Jesus ang pananagutan para sa “lahat ng dugong matuwid na ibinubo sa lupa, mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias.” Bagaman ang mga salitang iyon ay patungkol sa mga lider ng relihiyon na mga kalahi ni Jesus, ang bansang Judio, at bagaman sa loob ng ilang panahon ay naging napakatindi ng pag-uusig ng sektor na iyon sa mga tagasunod ni Jesus, ipinakikita ng kasaysayan na mula noon, ang pagsalansang sa tunay na mga Kristiyano ay nagmula sa iba pang mga sektor (anupat ang mga Judio mismo ay dumanas din ng maraming pag-uusig).—Mat 23:29-35.
Ang lahat ng nabanggit na mga salik ay mahalaga at dapat isaalang-alang upang makuha ang tunay na larawan ng makasagisag na Babilonyang Dakila at kung ano ang kinakatawan nito.