Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Baboy

Baboy

[sa Gr., khoiʹros; hys (babaing baboy); sa Heb., chazirʹ (baboy; baboy-ramo)].

Ang karaniwang baboy (Sus domestica) ay isang mamalya na katamtaman ang laki, may baak ang kuko, maiikli ang binti, at may katawang makapal ang balat, mapintog at kadalasa’y nababalot ng magagaspang na balahibo. Hindi matulis ang nguso ng baboy, at maiikli ang leeg at buntot nito. Palibhasa’y hindi ito ngumunguya ng dating kinain, ang baboy ay hindi maaaring kainin o ihain ayon sa mga kundisyon ng Kautusang Mosaiko.​—Lev 11:7; Deu 14:8.

Bagaman ang pagbabawal ni Jehova sa pagkain ng karne ng baboy ay hindi naman batay sa kadahilanang pangkalusugan, may mga panganib noon at maging sa ngayon sa pagkain ng karne nito. Yamang ang mga baboy ay hindi pihikan sa pagkain, anupat kumakain pa nga ng bangkay at basura, madalas ay pinamumugaran sila ng iba’t ibang parasitikong organismo, kabilang na yaong mga nagdudulot ng mga sakit gaya ng trichinosis at ascariasis.

Waring sa pangkalahatan ay itinuring ng mga Israelita ang baboy bilang partikular na karima-rimarim. Kaya ang kasukdulan ng kasuklam-suklam na pagsamba ay ipinahihiwatig ng mga salitang: “Ang naghahandog ng kaloob​—ng dugo ng baboy!” (Isa 66:3) Para sa mga Israelita, wala nang mas kakatwa pa kaysa sa isang baboy na may gintong singsing na pang-ilong sa nguso nito. At dito inihahambing ng Kawikaan 11:22 ang isang babaing maganda sa panlabas ngunit hindi matino.

Bagaman ang mga apostatang Israelita ay kumain ng karneng baboy (Isa 65:4; 66:17), ipinakikita ng Apokripal na mga aklat ng Unang Macabeo (1:65, Dy) at Ikalawang Macabeo (6:18, 19; 7:1, 2, Dy) na noong panahon ng pamumuno sa Palestina ng Siryanong hari na si Antiochus IV Epiphanes at ng kaniyang malupit na kampanya upang pawiin ang pagsamba kay Jehova, maraming Judio ang tumangging kumain ng karne ng baboy, anupat pinili pa nilang mamatay dahil sa paglabag sa batas ng hari kaysa lumabag sa kautusan ng Diyos.

Bagaman may iba pang mga bansa na hindi kumakain ng karneng baboy, para sa mga Griego ay isa itong espesyal na pagkain. Kaya malamang na dahil sa impluwensiyang Helenistiko, noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa ay lumilitaw na napakaraming baboy sa Palestina, lalo na sa pook ng Decapolis. Sa lupain ng mga Gadareno ay may isang kawan ng mga 2,000 baboy. Nang pahintulutan ni Jesus na pumasok sa malaking kawan na iyon ang mga demonyong pinalayas niya, ang lahat ng baboy ay dumagsa sa bangin at nalunod sa dagat.​—Mat 8:28-32; Mar 5:11-13.

Ang Pinalayas na mga Demonyo na Pumasok sa Baboy. Hindi mapupulaan si Jesus sa pagpapahintulot sa mga demonyo na pumasok sa mga baboy, lalo na yamang malamang na kasangkot dito ang ilang di-binanggit na salik. Halimbawa, kung mga Judio ang may-ari ng mga baboy, nagkakasala sila ng kawalang-galang sa Kautusan. Sabihin pa, hindi obligado si Jesus na patiunang alamin kung ano ang gagawin ng mga demonyo kapag nakapasok na sila sa maruruming hayop na iyon. At maaaring gustong sumanib ng mga demonyo sa mga baboy dahil nagtatamo sila rito ng di-likas at sadistikong kasiyahan. Gayundin, puwedeng ipangatuwiran na mas mahalaga ang isang tao kaysa sa isang kawan ng mga baboy. (Mat 12:12) Karagdagan pa, si Jehova naman talaga ang may-ari ng lahat ng mga hayop bilang Maylalang, kung kaya may lubos na karapatan si Jesus bilang kinatawan ng Diyos na pahintulutang sumanib ang mga demonyo sa kawan ng mga baboy. (Aw 50:10; Ju 7:29) Mariing ipinakita ng pagpasok ng mga demonyo sa mga baboy na pinalayas sila mula sa mga lalaki, sa gayon ay buong-linaw ring ipinakita sa mga nagmamasid ang pinsalang sumasapit sa mga nilalang na laman kapag inalihan ang mga ito ng demonyo. Itinanghal nito sa mga taong nagmamasid kapuwa ang kapangyarihan ni Jesus sa mga demonyo at ang kapangyarihan naman ng mga demonyo sa mga nilalang na laman. Ang lahat ng ito ay maaaring kaayon ng layunin ni Jesus at maaaring magpaliwanag kung bakit niya pinahintulutang pumasok sa mga baboy ang maruruming espiritu.

Makatalinghagang Paggamit. Ginamit ni Jesus ang kawalang-kakayahan ng mga baboy na kumilala ng halaga ng mga perlas upang ilarawan ang kamangmangan ng pagbabahagi ng espirituwal na mga bagay doon sa mga walang anumang pagpapahalaga sa espirituwal na mga kaisipan at mga turo. (Mat 7:6) At sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak, ang kaabahang kinasadlakan ng isang kabataang lalaki ay pinatingkad ng pagtatrabaho niya bilang upahang tagapag-alaga ng baboy, isang lubhang kasuklam-suklam na hanapbuhay para sa isang Judio, at ng pagnanais niyang kumain kahit ng pagkain ng mga hayop na ito.​—Luc 15:15, 16.

Inihambing ng apostol na si Pedro ang mga Kristiyano na bumalik sa kanilang dating landasin sa buhay sa isang babaing baboy na bumalik sa paglulubalob sa putik matapos paliguan. (2Pe 2:22) Gayunman, may kaugnayan sa baboy, maliwanag na ang ilustrasyong ito ay hindi nilayong kumapit nang higit pa sa panlabas na anyo ng mga bagay-bagay. Ang totoo, ang baboy, sa ilalim ng likas na mga kalagayan, ay hindi naman talaga mas marumi kaysa sa iba pang mga hayop, bagaman nasisiyahan itong maglubalob sa putik paminsan-minsan upang magpalamig sa init ng tag-araw at maalis ang mga parasito na nasa balat nito.