Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Baca

Baca

[sa Heb., ba·khaʼʹ].

Ang halaman na nagkaroon ng mahalagang papel sa pakikipagsagupa ni David sa mga Filisteo “sa mababang kapatagan ng Repaim.” (2Sa 5:22-25; 1Cr 14:13-16) Ang tanging iba pang pagtukoy sa halamang ito ay nasa Awit 84:6: “Sa pagdaraan sa mababang kapatagan ng mga palumpong na baca, ginagawa nila itong isang bukal.” Maaaring tumutukoy rin ito sa “mababang kapatagan ng Repaim” kung saan naganap ang pakikipaglaban ni David at ang kapatagang iyon ay ipinapalagay na nasa TK ng Jerusalem.

Ang salitang Hebreo na ginamit ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “tumangis.” (Ihambing ang Gen 21:16.) Kaya naman, waring tumutukoy ito sa isang halaman, palumpong, o punungkahoy na naglalabas ng butil-butil na sahing o marahil ay ng malagatas na dagta. Hindi tiyak kung sa anong halaman ito tumutukoy; ang pangalang baca ay isang transliterasyon lamang ng salitang Hebreo para rito. Walang maliwanag na saligan ang rabinikong pangmalas na nag-uugnay nito sa puno ng mulberi (gaya rin ng pagkakasalin sa KJ). Yamang ang mga punong balsamo (na ang ilang uri ay masusumpungan sa iba’t ibang pamilya ng mga punungkahoy) ay naglalabas ng sahing o resina, ang mga ito ang iminumungkahi ng maraming iskolar. Isang puno ng balsamo naman na kabilang sa pamilya ng mga alamo (Populus euphratica) ang iminumungkahi ng ilang botaniko, pangunahin nang dahil madaling gumalaw ang mga dahon nito kapag humihihip ang hangin, sa gayo’y lumilikha ng pumapagaspas na tunog. Gayunman, hindi tinitiyak ng Bibliya kung paano nalikha ang “yabag ng paglalakad” (kung sa pamamagitan ng mga dahon, mga sanga, o ng iba pang bahagi ng halaman) kundi binabanggit lamang nito na nagmula iyon sa “mga dulo” ng mga halaman. Maaaring iyon ay isa lamang pumapagaspas na tunog na nagsilbing hudyat, o gaya ng sinasabi ng ilan, maaaring iyon ay isang malakas-lakas na ingay na nalikha ng humahagibis na hangin, anupat nasapawan nito ang ingay ng yabag ng sumasalakay na hukbo o nakahawig pa nga ang tunog niyaon.​—2Sa 5:24; 1Cr 14:15.