Bakal
[sa Ingles, iron].
Isa sa pinakamatatandang metal na kilala ng tao. Sa ngayon, ipinapalagay na ito ang pinakamarami, pinakakapaki-pakinabang, at pinakamura sa lahat ng metal. Ikaapat ito sa pinakasaganang elemento sa balat ng lupa, bagaman sinasabing ang pinakagitna ng lupa ay halos 90 porsiyentong bakal. Ipinakikita ng rekord ng Bibliya na ginamit ito sa paggawa ng mga kasangkapan, mga pako, mga pintuang-daan, mga sandata, mga pangaw, mga instrumentong panulat, at pati na ng huwad na mga diyos.
Kakaunti ang purong bakal sa kalakalan. Ang bakal na kudo (pig iron) ay may mga 3 porsiyentong karbon at tigkakatiting ng iba pang mga elemento. Mas kakaunti pa ang karbon ng hinubog na, o pundidong, bakal [wrought iron]. (Job 40:18) Ang iba’t ibang uri ng asero (steel) ay bakal din na hinaluan ng karbon at ng iba pang mga sangkap upang magkaroon ng espesyal na mga katangian. Gayunman, ang “asero” sa King James Version ay isang maling salin para sa “tanso.” (2Sa 22:35; Job 20:24; Aw 18:34; Jer 15:12) Dahil sa sinaunang mga hurno at mga pamamaraan ng pagtunaw, ang bakal noong panahon ng Bibliya ay hindi lubusang nadadalisay kundi may halong karbon at iba pang mga elemento. Si Tubal-cain na nabuhay noong ikaapat na milenyo B.C.E. ang unang tao na nakilala bilang panday at manggagawa sa bakal.—Gen 4:22.
Ang isang uri ng bakal na ginamit ng tao noong sinaunang panahon ay ang meteoric iron (bakal na nagmula sa bulalakaw). Sa mga libingan sa Ehipto, may natagpuang mga abaloryong bakal na meteoriko ang komposisyon. Ngunit hindi lamang ito ang pinagkunan ng tao ng kaniyang suplay ng bakal. Nagmina rin siya ng mga iron oxide at mga iron sulfide at tinunaw niya ang mga ito, sa kabila ng napakatataas na temperaturang kailangan upang tunawin ang bakal. (Job 28:2; Eze 22:20; tingnan ang PAGDADALISAY, TAGAPAGDALISAY.) Gayunman, limitado ang mapaggagamitan nito kung ihahambing sa tanso at bronse na maaaring hubugin kahit hindi pinaiinit. Sa kabila nito, tiyak na espesyal pa rin ang turing nila sa bakal dahil ito’y napakatibay at lubhang kapaki-pakinabang. Sa panahon ng digmaan, kasama ang bakal sa mga samsam na mahalaga sa mga Israelita. (Bil 31:22; Jos 6:19, 24; 22:8) Ngunit hindi lamang mga samsam na bakal ang mapupunta sa kanila. Nangako si Moises na pagdating nila sa Palestina, makasusumpong sila ng mga deposito ng bakal, at nagkagayon nga. (Deu 8:9) Sa Bibliya, ang iba pang binanggit na pinagkukunan ng bakal ay ang Tarsis, gayundin “ang Vedan at ang Javan mula sa Uzal.”—Eze 27:12, 19.
Noong panahong sakupin nila ang Lupang Pangako, napaharap ang mga Israelita sa mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal. (Jos 17:16, 18; Huk 1:19) May panahon noong naghahari si Saul na “walang isa mang panday [platero] ang masumpungan sa buong lupain ng Israel.” Dahil sa pagbabawal ng mga Filisteo, tanging ang hari at ang kaniyang anak na si Jonatan ang may tabak. Kinailangang dalhin ng Israel sa mga Filisteo ang lahat ng mga kagamitang metal upang maipahasa ang mga iyon.—1Sa 13:19-22.
Nang maglaon, nagtipon si Haring David ng napakaraming bakal na gagamitin sa pagtatayo ng templo. Sa ilalim ng paghahari ni Solomon, ang naiabuloy na “bakal [ay] nagkakahalaga ng isang daang libong talento,” o, ayon sa maraming salin, “isang daang libong talento na bakal.” (1Cr 22:14, 16; 29:2, 7) Kung halaga ng bakal ang tinutukoy at kung ang mga talentong ito’y pilak, ang bakal ay magkakahalaga ng $660,600,000. Kung timbang naman ng bakal ang tinutukoy, ito’y magiging 3,420 metriko tonelada (3,770 tonelada).
Makasagisag na Paggamit. Ang hurnong bakal ay isang sagisag ng mahirap at matinding paniniil. (Deu 4:20; 1Ha 8:51; Jer 11:4) Ang mga pamatok na bakal naman ay sagisag ng di-mabaling pagkaalipin. (Deu 28:48; Jer 28:13, 14) Sa makasagisag na diwa, ang bakal ay lumalarawan sa tigas (Lev 26:19; Deu 28:23), pagkasutil (Isa 48:4; Jer 6:28), lakas (Jer 1:18; Dan 7:7; Apo 9:9), makaharing kapangyarihan, at hudisyal na awtoridad (Aw 2:9; Apo 2:27; 12:5; 19:15).