Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Balak

Balak

[Kaniyang Iginuho].

Hari ng Moab at mananamba ni Baal noong ika-15 siglo B.C.E.; anak ni Zipor. Ang bayan ni Balak ay nanghilakbot at napuspos ng “nakapanlulumong takot” nang makita nila ang ginawa ng Israel sa mga Amorita. Sa pakikipagsabuwatan sa Midian, nagsugo si Balak sa bayan ng Petor na nasa tabi ng Ilog Eufrates upang paparoonin sa kaniya si Balaam mula sa Mesopotamia at ipasumpa ang Israel sa pamamagitan ng “mahiwagang kapangyarihan,” anupat umaasang sa paraang ito ay mas posibleng magtagumpay ang kaniyang hukbo. (Bil 23:21) “Narito!” ang sabi ni Balak kay Balaam, “tinakpan [ng mga Israelita] ang lupa hanggang sa abot ng tanaw ng isa, at sila ay nananahanan sa mismong harap ko.” Sa pasimula ay tumangging yumaon si Balaam, ngunit matapos magpadala si Balak ng isang mas marangal na delegasyon ng mga prinsipe at dagdagan ang kaniyang alok, pumayag na rin ang sakim na propeta, na pinahintulutan naman ni Jehova. Pagdating niya sa pampang ng Arnon, pinagwikaan siya ni Balak: “Bakit hindi ka pumarito sa akin [noong una]? Hindi ba tunay at totoong kaya kong parangalan ka?”​—Bil 22:2-37.

Isinama ni Balak si Balaam sa tatlong magagandang puwesto kung saan matatanaw ang hukbo ng Israel. Sa bawat puwesto, iisang paraan ng paghahain ang isinagawa nila; tinagubilinan si Balak na magtayo ng pitong altar kung saan inihain ang pitong toro at pitong barakong tupa. Ngunit sa bawat dako, sa halip na sumpain ni Balaam ang Israel, pinagpala niya ang mga ito.​—Bil 22:41–24:9; Mik 6:5.

Dahil dito, “lumagablab ang galit ni Balak laban kay Balaam.” Matapos ipalakpak ang kaniyang mga kamay sa pagngangalit, bumulalas siya: “Tinawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway, at, narito! pinagpala mo sila nang lubusan nitong tatlong ulit. At ngayon ay tumakbo ka sa iyong dako.” Ngunit bago lumisan ang propetang ito na nagmula sa Petor, inihula niya ang tungkol sa Mesiyanikong “bituin” na manggagaling sa binhi ni Jacob.​—Bil 24:10-17; Jos 24:9, 10; Huk 11:25.

Ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari na ‘tinuruan din ni Balaam si Balak na maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel, upang kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo at makiapid.’​—Apo 2:14; Bil 25:1-18.