Balikat
Ang bahagi ng katawan ng tao o ng hayop na nakausli sa magkabilang gilid sa ibaba ng leeg; kung palalawakin ang pagkakapit, isang pabilog o palusong na bahagi ng isang burol; gayundin, ang kakayahang magdala ng mga pasanin o pananagutan.
Noong sinauna, gaya sa ngayon, kaugaliang sa mga balikat dinadala ang mga pasan. (Gen 21:14; Exo 12:34) Ang kaban ng tipan ay ipapasan, hindi sa isang karwahe, kundi sa mga balikat ng mga Levita. (1Cr 15:15; Jos 3:14, 15; 2Sa 6:3, 6-9, 13) Ang mabigat na pasan sa mga balikat ay maaaring tumukoy sa paniniil o pagkaalipin. (Aw 81:5, 6; Isa 10:27; 14:25; Mat 23:4) Ang tribo ni Isacar ay inihulang ‘magyuyukod ng kaniyang balikat upang magdala ng mga pasanin.’ (Gen 49:14, 15) Sa kasaysayan ng Israel, ang tribong ito ay naging handang tumanggap ng pananagutan at gumawa ng mabigat na gawain. Pinaglaanan nito si Hukom Barak ng maraming mandirigmang malalakas ang loob at, nang maglaon, inilaan nito si Hukom Tola; gayundin, noong panahon ni David, sa tribong ito nanggaling ang maraming marurunong at magigiting na lalaki.—Huk 5:13, 15; 10:1, 2; 1Cr 7:1-5; 12:23, 32.
Ang awtoridad o pananagutan ay sinasabing nakaatang sa balikat ng isa. Patiunang sinabi sa hula ni Isaias na ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa balikat ni Jesu-Kristo. (Isa 9:6) Sinabihan ni Isaias ang di-tapat na si Sebna na si Eliakim ang hahalili rito bilang katiwala sa sambahayan ng hari, anupat iaatang ng Diyos “ang susi ng sambahayan ni David” sa balikat nito. Yamang ang susi sa gayong mga kalagayan ay kumakatawan sa pananagutan at awtoridad, ang hulang ito ay maaaring tumutukoy sa pagtanggap ni Kristo sa awtoridad ng Kaharian gaya ng inilalarawan sa tipang Davidiko. (Isa 22:15, 20-22; Luc 1:31-33; ihambing din ang Apo 3:7.) Kawili-wili ring pansinin na ang pektoral ng paghatol ay nakasabit sa mga dugtungang pambalikat ng mga kasuutan ng mataas na saserdote, anupat maliwanag na lumalarawan sa ilang awtoridad na mapapasa o maaatang sa mga balikat ng dakilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo.—Exo 28:6, 7, 12, 22-28; tingnan ang MATAAS NA SASERDOTE.
Matapos pagpalain ang mga anak ni Jose, sina Efraim at Manases, sinabi ni Jacob kay Jose: “Ibinibigay ko sa iyo ang isang balikat ng lupain na higit kaysa sa iyong mga kapatid,” sa gayon ay itinalaga niya si Jose bilang may-ari ng mga karapatan ng panganay. (Gen 48:22; ihambing ang Deu 21:17; 1Cr 5:1, 2.) Nang pagpalain ni Moises ang mga anak ni Israel, sinabi niya tungkol kay Benjamin: “Ang minamahal ni Jehova ay tumahan nawa nang tiwasay sa tabi niya, . . . at tatahan siya sa pagitan ng kaniyang mga balikat.” (Deu 33:12) Waring tumutukoy ito sa bagay na ang sentro ng pamamahala ng mga hari sa linya ni David ay mapapasateritoryo ni Benjamin. Ang salitang Hebreo na ginamit dito para sa “balikat” ay isinasalin naman bilang “gilid” o “dalisdis” sa Josue 15:8 (AT, Mo, NW), anupat tumutukoy ito sa isang dalisdis sa burol na kinatatayuan noon ng Jerusalem.—Tingnan ang iba pang mga halimbawa sa Exo 27:14, 15; Bil 34:11; Jos 15:10; 1Ha 6:8; Eze 25:9.
Ang ‘paghaharap ng sutil na balikat’ ay kumakatawan sa pagsalansang sa payo at kautusan ng Diyos (Ne 9:29; Zac 7:11), samantalang ang paglilingkuran “nang balikatan” ay tumutukoy sa nagkakaisang pagkilos.—Zef 3:9.
Kapag natapos na ng isang Nazareo ang kaniyang panata, ang balikat ng barakong tupang hain niya ay ibinibigay sa nanunungkulang saserdote, yamang kabilang ito sa takdang bahagi ng saserdote.—Bil 6:19, 20; tingnan din ang Deu 18:3.