Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Balintataw

Balintataw

[sa Ingles, pupil].

Ang butas sa may-kulay na iris ng mata. Maitim ang balintataw dahil nasa likuran nito ang madilim na looban ng mata. Nagbabago ang laki ng balintataw habang pinakikibagayan ng iris ang tindi ng liwanag. Pumapasok ang liwanag sa malinaw na kornea, pagkatapos ay tumatagos ito sa balintataw tungo sa lente ng mata.

Ang salitang Hebreo na ʼi·shohnʹ (Deu 32:10; Kaw 7:2), kapag ginagamit kasama ang ʽaʹyin (mata), ay literal na nangangahulugang “maliit na tao ng mata”; sa katulad na paraan, ang bath (anak na babae) ay ginagamit sa Panaghoy 2:18 taglay ang ideya ng “anak na babae ng mata,” anupat ang mga pananalitang ito ay kapuwa tumutukoy sa balintataw. Bilang pagdiriin, ang dalawang ito ay pinagtatambal sa Awit 17:8 (ʼi·shohnʹ bath-ʽaʹyin), sa literal, “maliit na tao, anak na babae ng mata” (“balintataw ng mata,” NW). Maliwanag na ang tinutukoy nito ay ang maliit na larawan ng isang tao na masasalamin sa balintataw ng mata ng ibang tao.

Napakaselan at napakasensitibo ng mata; kahit isang maliit na buhok o butil ng alikabok na nasa pagitan ng talukap at ng bilog ng mata ay madaling maramdaman. Ang malinaw na bahagi ng mata (ang kornea) na tumatakip sa balintataw ay kailangang bantayan at ingatan, dahil kung masugatan ang bahaging ito dahil sa pinsala o lumabo dahil sa sakit, maaaring ang resulta ay diperensiya sa paningin o pagkabulag. Sa pamamagitan ng mapuwersa ngunit maingat na pananalita, ginagamit ng Bibliya ang “balintataw ng iyong mga mata” upang tukuyin ang bagay na dapat bantayan nang ubod-ingat. Ganito ang dapat na gawing pagsunod sa kautusan ng Diyos. (Kaw 7:2) Nang banggitin ang makaamang pangangalaga ng Diyos sa Israel, sinasabi ng Deuteronomio 32:10 na iningatan Niya ang bansang iyon “gaya ng balintataw ng kaniyang mata.” Ipinanalangin naman ni David na ingatan at pangalagaan siya ng Diyos gaya ng “balintataw ng mata.” (Aw 17:8) Ninais niyang magmadali si Jehova sa pagkilos alang-alang sa kaniya kapag sinasalakay siya ng kaaway. (Ihambing ang Zac 2:8; kung saan ginagamit ang Hebreong ba·vathʹ ʽaʹyin, ‘itim ng mata.’)​—Tingnan ang MATA, PANINGIN.