Balon
Ang salitang Hebreo na beʼerʹ, isinasaling “balon,” ay kadalasang tumutukoy sa isang hukay o butas na hinukay sa lupa upang maabot ang isang likas na suplay ng tubig. Ang terminong beʼerʹ ay lumilitaw sa mga pangalan ng mga lugar gaya ng Beer-lahai-roi (Gen 16:14), Beer-sheba (Gen 21:14), Beer (Bil 21:16-18), at Beer-elim (Isa 15:8). Ang salitang ito ay maaari ring mangahulugang “hukay” (Gen 14:10) at waring tumutukoy sa libingan sa Awit 55:23 (“hukay”) at 69:15 (“balon”). Ginamit ito bilang metapora upang tumukoy sa isang asawang babae o sa isang babaing minamahal. (Kaw 5:15; Sol 4:15) At ang Kawikaan 23:27, kung saan inihahalintulad ang babaing di-kilala sa isang makipot na balon, ay maaaring nagpapahiwatig na mahirap sumalok ng tubig mula sa gayong balon, yamang ang mga bangang luwad ay madaling mabasag kapag bumangga sa mga gilid nito.—Tingnan ang BUKAL.
Sa mga lupain kung saan mahaba ang tag-init, lalo na sa mga pook na ilang, naging napakahalaga ng mga balon mula pa noong sinaunang panahon. Noong sinauna, waring ang paggamit ng balon nang walang pahintulot ay minamalas bilang panghihimasok sa mga karapatan sa pag-aari. (Bil 20:17, 19; 21:22) Dahil kakaunti ang tubig at mahirap humukay ng mga balon, ang mga ito ay naging mahahalagang ari-arian. Malimit na naging sanhi ng mararahas na pagtatalo at hidwaan ang pag-aagawan sa mga balon. Dahil dito, sa isang pagkakataon ay pormal na pinagtibay ng patriyarkang si Abraham ang pagmamay-ari niya sa isang balon sa Beer-sheba. (Gen 21:25-31; 26:20, 21) Gayunman, pagkamatay niya, winalang-halaga ng mga Filisteo ang karapatan ng kaniyang anak at tagapagmanang si Isaac at tinabunan ng mga ito ang mismong mga balon na hinukay ng mga lingkod ni Abraham.—Gen 26:15, 18.
Ang mga balon ay kadalasang napalilibutan ng mabababang harang at laging tinatakpan ng isang malaking bato, walang alinlangang upang huwag itong mapasok ng dumi at upang hindi mahulog sa loob nito ang mga hayop at mga tao. (Gen 29:2, 3; Exo 2:15, 16) Malapit sa ilang balon ay may mga labangan o mga inuman para sa mga alagang hayop. (Gen 24:20; Exo 2:16-19) Sa mga burol ng Palestina, ang mga balon ay hinuhukay noon sa batong-apog, at ang mga baytang na pababa sa tubig ay kadalasang inuukit sa bato. Sa ilang balon, pagkababa niyaong umiigib ay basta lamang niya isasalok sa tubig ang isang sisidlan. Gayunman, kapag napakalalalim ng balon, ang tubig ay karaniwang sinasalok sa pamamagitan ng timbang katad (Bil 24:7) o ng bangang luwad (Gen 24:16) na nakabitin sa lubid.—Tingnan ang BUKAL NI JACOB.