Balsamo, Balsamo sa Gilead
Ang terminong “balsamo” ay tumutukoy sa alinman sa maraming halaman, palumpong, at punungkahoy na naglalabas ng substansiya na aromatiko at karaniwan nang malangis at madagta. Ang salitang ito ay tumutukoy rin sa substansiyang inilalabas nito. May mga punungkahoy na kabilang sa mga abeto, spruce, alamo, at iba pang mga pamilya ng mga punungkahoy na pinagkukunan ng balsamo. Ang langis ng balsamo ay ginagamit bilang gamot (kadalasan ay may benzoic o cinnamic acid) at bilang pabango.
Mula pa noon ay lubha nang pinahahalagahan ng mga tao sa Silangan ang mga halaman at mga puno ng balsamo. Unang binanggit ang “langis ng balsamo” (sa Heb., boʹsem, beʹsem, o ba·samʹ) sa Exodo 25:6 kung saan tinukoy ito bilang isang sangkap ng banal na langis na pamahid para sa tabernakulo. (Tingnan din ang Exo 35:8, 28.) Kung minsan, ang salitang Hebreo ay isinasalin bilang “mga pabango,” “matamis,” o “espesya,” depende sa konteksto. (Exo 30:23; Sol 4:10, 14, 16; 5:13; 6:2; 8:14) Sa Isaias 3:24, ang aromatikong bango nito ay ipinakikitang kabaligtaran ng “amoy-amag.”
Lumilitaw na ang balsamong ginamit para sa paglilingkod sa tabernakulo sa ilang ay nagmula sa labas ng Palestina, marahil ay sa Ehipto. Noong panahon ng paghahari ni Haring Solomon, napakamamahalin ng langis ng balsamo anupat kasama ito ng ginto at mahahalagang bato sa mga kayamanang dinala ng reyna ng Sheba bilang mga kaloob; kasama rin ito sa tributong ibinayad ng mga hari ng maraming lupain sa marunong na hari ng Jerusalem. (1Ha 10:2, 10, 25; 2Cr 9:1, 9, 24) Kabilang ito sa mahahalagang bagay na nakatago sa imbakang-yaman ng hari na may-kamangmangang ipinakita ni Hezekias sa mga sugong nagmula sa Babilonya. (2Ha 20:13; 2Cr 32:27; Isa 39:2) Ginamit ito sa pag-eembalsamo (bagaman hindi gaya ng paraan ng mga Ehipsiyo) sa bangkay ni Haring Asa. (2Cr 16:14) Waring ang salitang Ingles na “embalm” (sa Tagalog, “embalsamuhin”) ay orihinal na hinalaw sa Hebreong ba·samʹ. Si Esther ay minasahe na ginagamitan ng aromatikong langis ng balsamo noong huling anim na buwan bago siya humarap kay Haring Ahasuero.—Es 2:12.
Waring ang “balsamo [sa Heb., tsoriʹ] sa Gilead” ay may pambihirang kalidad at pantanging mga sangkap na nakagagamot. (Jer 8:22; 46:11) Unang binanggit ang balsamong ito kasama ng mga bagay na dala ng naglalakbay na pulutong ng mga Ismaelita na nagmula sa Gilead, sa S ng Jordan, at sa kanila ipinagbili si Jose. (Gen 37:25-28) Kabilang din ito sa “pinakamaiinam na produkto ng lupain” na ipinadala ni Jacob sa Ehipto bilang kaloob sa pamamagitan ng kaniyang mga anak na bumalik doon. (Gen 43:11) Ayon sa Ezekiel 27:17, inaangkat ito ng mayayamang mangangalakal ng Tiro mula sa kaharian ng Juda.
Madalas tukuyin sa sinaunang panitikan ang nakapagpapagaling na mga katangian ng balsamo, pangunahin na bilang gamot sa mga sugat. Sa Kasulatan, si Jeremias ang tumukoy sa gayong nakapagpapagaling na mga katangian. Gayunman, ginamit niya ang mga ito sa makasagisag na diwa, una ay noong taghuyan niya ang espirituwal na pagkasira sa Juda (Jer 8:14, 15, 21, 22; ihambing ang San 5:14, 15), pagkatapos ay noong pagwikaan niya ang Ehipto hinggil sa walang-kabuluhang pagsisikap nito na iwasan ang pagkatalo sa kamay ng Babilonya (Jer 46:11-13), at sa kahuli-hulihan ay noong bigkasin niya ang hatol ng Diyos na kapahamakan laban sa Babilonya.—Jer 51:8-10.
Hindi matiyak kung anong espesipikong mga halaman o mga punungkahoy ang tinutukoy ng mga salitang Hebreo na boʹsem at tsoriʹ. Ang pangalang “balsamo ng Gilead” ay ikinakapit sa isang punungkahoy na evergreen na tulad-palumpong, tinatawag na Commiphora opobalsamum (o, Commiphora gileadensis). Upang makuha ang malangis na resina nito na kulay dilaw na maberde-berde, hinihiwa-hiwa ang tangkay at mga sanga nito at saka tinitipon ang maliliit na butil ng namuong dagta. Bagaman ang partikular na punong ito ay pangunahin nang matatagpuan sa T Arabia, ipinahihiwatig ng Judiong istoryador na si Josephus na itinatanim ito sa palibot ng Jerico noong panahon ni Solomon, at iniuulat ng Griegong heograpo na si Strabo na noong mga panahong Romano, itinatanim din ito sa tabi ng Dagat ng Galilea.
Sinasabi ng iba na ang tsoriʹ ay maaaring tumutukoy sa mastic tree (Pistacia lentiscus), na naglalabas ng mabangong sahing na mapusyaw na dilaw, tinatawag na mastic, gayundin ng langis na ginagamit bilang gamot na nakukuha sa talob, mga dahon, at mga bunga nito. Ang punong ito ay karaniwan sa Palestina, at ang pangalan nito sa Arabe ay kahawig na kahawig ng Hebreong tsoriʹ.