Bamot-baal
[Matataas na Dako ni Baal].
Isang bayan sa Moab kung saan dinala ni Balak, na hari ng Moab, ang propetang si Balaam upang makita nito ang kampo ng Israel at maisumpa iyon. (Bil 22:41) Ang pagpili ni Balak sa lokasyong ito upang doon isagawa ang pagsumpa at paghahain ay maaaring nagpapahiwatig na ito ay isang sentro ng pagsamba kay Baal, maliwanag na nasa isang mataas na lugar. (Bil 23:1-9) Nang maglaon, ang Bamot-baal at ang iba pang mga bayan “na nasa talampas” ay iniatas sa tribo ni Ruben bilang mana. (Jos 13:15, 17) Noong maagang bahagi ng ikasiyam na siglo B.C.E., sinabi ni Haring Mesa ng Moab na itinayo niyang muli ang “Bet-bamot, sapagkat iyon ay winasak.” (Taludtod 27 ng Batong Moabita) Malamang na ang Bamot, Bamot-baal, at Bet-bamot ay pawang mga pangalan ng iisang lugar.—Ihambing ang Baal-meon, Beon, Bet-baal-meon sa artikulo hinggil sa BAAL-MEON.
Ang paglalarawan dito ng ulat ng Bibliya ay nagpapahiwatig na isa itong dako sa matalampas na rehiyon sa HS sulok ng Dagat na Patay. Bagaman hindi matiyak ang kinaroroonan nito, ang isang iminumungkahing lokasyon ay yaong sa Khirbet Quweijiya, mga 14 na km (9 na mi) sa S ng Dagat na Patay, malapit sa malamang na lokasyon ng Bundok Nebo.