Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Banal, Mga

Banal, Mga

Yaong malilinis, partikular na sa diwang espirituwal o moral; tumutukoy rin ito sa mga taong ibinukod ukol sa paglilingkod sa Diyos, sa langit man o sa lupa.

Si Jehova mismo, na sukdulan sa kalinisan at katuwiran, ang Kabanal-banalan. (Os 11:12) Malimit siyang tawaging ang “Banal ng Israel.” (2Ha 19:22; Aw 71:22; 89:18) Sinabi ng apostol na si Juan sa kaniyang mga kapuwa miyembro sa kongregasyong Kristiyano: “Kayo ay may pagkapahid mula sa isa na banal.” (1Ju 2:20) Si Jesu-Kristo ay tinatawag na “ang isang iyon na banal at matuwid” na tinukoy sa Gawa 3:14. Ang mga anghel ni Jehova sa langit ay mga banal, lubusang nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos, anupat malilinis at matuwid.​—Luc 9:26; Gaw 10:22.

Noong Sinaunang Panahon. Ang mga tao sa lupa na ibinukod ukol sa paglilingkod sa Diyos ay tinatawag ding “mga banal.” (Aw 34:9) Ang Israel, na dinala sa isang pakikipagtipan sa Diyos, ay naging pantanging pag-aari niya at bilang isang bansa, sila ay banal sa kaniya. Iyan ang dahilan kung bakit sa bansang iyon, ang mga indibiduwal na namihasa sa karumihan o masamang gawain ay nagdulot ng karungisan sa bansa at ng di-pagsang-ayon ni Jehova, malibang may gawing pagkilos upang alisin ang mga ito. Isang halimbawa nito ay ang sakim at masuwaying si Acan. Ang kaniyang kasalanan ay nagdulot ng kabagabagan sa Israel hanggang sa ito’y matuklasan at batuhin siya hanggang sa mamatay.​—Jos 7.

Si Aaron, na pinahiran ng banal na langis na pamahid bilang mataas na saserdote ng bansa, ay banal sa isang pantanging diwa. (Aw 106:16) Dahil dito, napakahigpit ng mga kahilingan para sa kaniyang katungkulan. (Lev 21:1-15; pansinin din ang mga salik ukol sa diskuwalipikasyon para sa lahat ng mga saserdote sa mga talata 16-23; tingnan ang MATAAS NA SASERDOTE.) Kapag nagkasala ang isang mataas na saserdote (halimbawa, isang pagkakamali sa paghatol sa isang bagay), maaari itong magdulot ng pagkakasala sa taong-bayan at kailangan itong ipagbayad-sala sa pamamagitan ng paghahain ng isang guyang toro, na kaparehong hain na hinihiling para sa pagkakamali ng buong kapulungan.​—Lev 4:3, 13, 14.

Mga Kristiyanong Banal. Ang mga taong dinadala sa isang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng bagong tipan ay pinababanal, nililinis, at ibinubukod ukol sa bukod-tanging paglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng “dugo ng tipan,” ang itinigis na dugo ni Jesu-Kristo. (Heb 10:29; 13:20) Sa gayon, sila ay nagiging “mga banal” (“mga santo” sa KJ at sa iba pang mga bersiyon). Kaya naman, hindi sila nagiging “mga banal,” o “mga santo,” dahil sa utos ng isang tao o ng isang organisasyon, kundi ng Diyos, na nagdadala sa kanila sa isang pakikipagtipan sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng dugo ni Jesu-Kristo. Ang terminong “mga banal” ay kumakapit sa lahat niyaong mga dinala upang maging kaisa at kasamang tagapagmana ni Kristo, hindi sa iilan na itinuturing na may natatanging kabanalan. Sa Bibliya, ikinakapit din ito sa kanila mula sa pasimula ng kanilang pinabanal na landasin sa lupa, anupat hindi ito ipinagpapaliban hanggang sa kanilang kamatayan. Sinasabi ni Pedro na dapat silang magpakabanal sapagkat ang Diyos ay banal. (1Pe 1:15, 16; Lev 11:44) Ang lahat ng espirituwal na mga kapatid ni Kristo sa mga kongregasyon ay malimit tawaging “mga banal.”​—Gaw 9:13; 26:10; Ro 1:7; 12:13; 2Co 1:1; 13:13.

Bilang “asawa” ni Kristo, ang buong kongregasyon ay inilalarawan na nakasuot ng maningning, malinis, mainam na lino, na kumakatawan sa “matuwid na mga gawa ng mga banal.” (Apo 19:7, 8) Sa pangitain, ang makasagisag na pulitikal na “mabangis na hayop” ni Satanas na Diyablo ay nakikitang nakikipagdigma sa mga banal na ito habang sila’y nasa lupa. (Apo 13:3, 7) Kaya naman ang pagbabata ng mga banal ay matinding sinusubok, ngunit sila’y nananaig sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos ng Diyos at sa pananampalataya kay Jesus.​—Apo 13:10; 14:12.

Ang kanilang pag-asa. Sa isang katulad na pangitain, nakita ni Daniel ang isang mabangis na hayop na nakikipagdigma sa mga banal ng Diyos. Sinundan ito ng isang tagpo sa hukuman kung saan ang “Sinauna sa mga Araw” ay nagbigay ng kahatulang pabor sa mga banal at binigyan sila ng isang Kahariang namamalagi nang walang takda, “ang kaharian at ang pamamahala at ang karingalan ng mga kaharian sa silong ng buong langit.”​—Dan 7:21, 22, 27.

Ang “mga banal” na ito ay hindi humahawak ng makaharing awtoridad samantalang sila’y nasa lupa kundi kailangan nilang maghintay hanggang sa sila’y makasama ni Kristo sa langit. (Efe 1:18-21) Kailangan muna nilang ‘manaig.’ (Apo 3:21; ihambing ang Apo 2:26, 27; 3:5, 12.) Sila’y maglilingkod bilang mga saserdote at mamamahala bilang mga hari na kasama ni Kristo sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. (Apo 20:4, 6) Sinasabi ng apostol na si Pablo na ang mga banal ang hahatol sa sanlibutan, at sa mga anghel, anupat maliwanag na makikibahagi sila sa paglalapat ng kahatulan sa mga balakyot.​—1Co 6:2, 3; Apo 2:26, 27.

Pagsalakay sa “Kampo ng Mga Banal.” Sa Apocalipsis 20:7-9, inihula na pangungunahan ni Satanas na Diyablo ang mga bansa sa digmaan laban sa ‘kampo ng mga banal at sa lunsod na minamahal’ pagkatapos ng isang libong taon ng paghahari ni Kristo. Maliwanag na ang hulang ito ay tumutukoy sa isang makalupang paghihimagsik laban sa soberanya ng kaharian ng Diyos sa lupa, na isang pagsalakay sa “mga banal.” Sa kontekstong ito, maliwanag na ang mga ito ay yaong mga kabilang sa isinauling sangkatauhan na nag-iingat ng kanilang katapatan sa Diyos at sa kaniyang Mesiyanikong Hari.​—Tingnan ang KABANALAN.