Bangko, Bangkero
Sa mga talinghaga ni Jesus tungkol sa mga talento at sa mga mina, may tinukoy siya na mga bangkero at isang bangko na nagbibigay ng patubo, o interes, sa salaping inilagak sa kanila. (Mat 25:27; Luc 19:23) Katulad na katulad ng salitang Ingles na “bank” (na halaw sa salitang Italyano na banca para sa bangkô [bench] o despatso [counter]), ang salitang Griego na isinalin bilang bangko, traʹpe·za, ay literal na nangangahulugang “mesa” (Mat 15:27), o kapag nauugnay sa mga gawaing pinansiyal, gaya sa mga tagapagpalit ng salapi, tumutukoy ito sa isang despatso para sa salapi.—Mat 21:12; Mar 11:15; Ju 2:15.
Ang pagtukoy sa gawain ng mga bangkero (sa Gr., tra·pe·zeiʹtes) na pagtanggap ng mga deposito at pagbabayad ng patubo ay nagpapahiwatig ng isang mas malaking operasyon kaysa roon sa karaniwang isinasagawa ng mangangalakal ng salapi (sa Gr., ker·ma·ti·stesʹ), o tagapagpalit ng salapi (kol·ly·bi·stesʹ), na ang pangunahing mga gawain ay palitan ng lokal na salapi ang banyagang salapi at magbigay ng mga baryang mas maliit ang denominasyon kapalit ng mga baryang mas malaki ang denominasyon, anupat tumatanggap ng isang takdang halaga bilang singil para sa bawat serbisyo. (Tingnan ang TAGAPAGPALIT NG SALAPI.) Maaaring nagsasagawa rin ng pagbabangko ang ilan sa mga taong ito, anupat tumatanggap ng mga deposito at nagpapautang, samantalang sa ibang mga kaso naman, mga taong mayayaman, gaya ng mga mangangalakal at mga may-ari ng malalaking lupain, ang nag-aasikaso ng ganitong mga transaksiyong pinansiyal.
Ipinakikita ng katibayan na ginagawa na ang gayong pagbabangko noon pa mang panahon ni Abraham, sapagkat ang sinaunang mga Sumeriano ng lupain ng Sinar ay may isinasagawa noon na “isang kahanga-hanga at masalimuot na sistema ng pagpapautang, pangungutang, pag-iingat ng salaping deposito, at paglalaan ng mga letter of credit.” (The Encyclopedia Americana, 1956, Tomo III, p. 152) Sa Babilonya, gaya sa Gresya nang maglaon, mga relihiyosong templo ang naging sentro ng pagbabangko, anupat ang napakasagradong turing dito ng mga tao ay nagsilbing seguridad laban sa pagsalakay ng mga magnanakaw.
Deuteronomio 23:19 ang pagkuha ng anumang patubo sa mga pautang sa kanilang kapuwa Israelita, lumilitaw na pangunahin nang kumakapit ito kapag mga taong nagdarahop at naghihikahos ang nangungutang. (Ihambing ang Exo 22:25; Lev 25:35-37; 2Ha 4:1-7.) Espesipikong pinahintulutan ang pagsingil ng patubo sa mga pautang sa mga di-Israelita. (Deu 23:20) Kadalasa’y iniiwan ang mahahalagang bagay sa pag-iingat ng mga taong pinagkakatiwalaan (Exo 22:7), samantalang ibinabaon naman ng iba ang mga ito sa lupa, gaya ng ginawa ng makupad na alipin sa talinghaga ni Jesus. (Mat 25:25; ihambing ang Mat 13:44.) Ang maraming mahahalagang pag-aari at barya na nahukay kapuwa ng mga arkeologo at mga magsasaka sa mga lupain ng Bibliya ay katibayan ng kaugaliang ito.
Yamang ang ekonomiya ng bansang Israel ay pangunahin nang agrikultural, hindi sila gaanong nangailangan ng mga transaksiyong pinansiyal kung ihahambing sa mga sentro ng komersiyo na gaya ng Babilonya, Tiro, at Sidon. Bagaman hinahatulan saHinatulan ang ilan sa mga Israelitang bumalik sa lupain ng Juda mula sa Babilonya dahil sa kanilang mapaniil na mga gawain sa pagbabangko laban sa nagdarahop nilang mga kapatid, anupat bilang panagot ay hiningi nila ang mga tahanan, mga lupain, mga ubasan, at maging ang mga anak ng mga ito, at sumingil sila ng halaga ng patubo na 12 porsiyento bawat taon (ikasandaang bahagi bawat buwan). Dahil dito, yaong mga hindi nakabayad ng kanilang utang ay nawalan ng mga ari-arian. (Ne 5:1-11) Gayunman, ang paghatol sa gayong di-wastong pagpapatubo ay hindi naman nangangahulugan na mali ang lahat ng uri ng pagkuha ng patubo, gaya ng makikita sa pananalita ni Jesus nang dakong huli na nagpapahiwatig na maaaring gamitin ang kapital upang palakihin ang pondo ng isa.—Tingnan ang PATUBO, INTERES.