Bantayan
Isang lugar kung saan nagguguwardiya o nagmamasid ang isang tanod, kadalasang itinatayo sa pader ng lunsod. (Tingnan ang TORE.) Ang ibang bantayan ay itinayo sa mga lugar ng ilang o sa mga hanggahan. Ang mga ito ay pangunahin nang dinisenyo para sa mga layuning pangmilitar at upang ipagsanggalang ang isang lunsod o hangganan. Itinayo rin ang mga ito bilang mga lugar ng kanlungan para sa mga pastol at mga magsasaka sa nakabukod na mga lugar; dahil sa mga ito, ang mga bantay ay makapagbibigay-babala laban sa mga mandarambong upang maipagsanggalang ang mga kawan at nahihinog na mga pananim sa lugar na iyon.—2Cr 20:24; Isa 21:8; 32:14.
Maraming lunsod ang pinanganlang Mizpe (sa Heb., mits·pehʹ, “Bantayan”), malamang ay dahil nasa matataas na dako ang mga ito o dahil sa bantog na mga toreng itinayo roon. Kung minsan, pinag-iiba-iba ng Bibliya ang mga lunsod na ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa kanilang lokasyon, gaya ng “Mizpe ng Gilead” (Huk 11:29) at “Mizpe sa Moab.”—1Sa 22:3.
Isang bunton ng mga bato ang itinindig ni Jacob at tinawag na “Galeed” (nangangahulugang “Bunton na Saksi”) at “Ang Bantayan.” Pagkatapos ay sinabi ni Laban: “Si Jehova nawa ang magbantay sa akin at sa iyo kapag hindi natin nakikita ang isa’t isa.” (Gen 31:45-49) Ang bunton na ito ng mga bato ang magpapatotoo na nagbabantay si Jehova upang matiyak na tinutupad ni Jacob at ni Laban ang kanilang tipan ng kapayapaan.