Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bantayog

Bantayog

Isang haligi, plake, gusali, o iba pang pantanda na itinatayo bilang isang tagapagpaalaala ng isang tao o isang natatanging pangyayari. Binabanggit sa Bibliya ang ilan sa mga ito, bagaman hindi lahat ay tinutukoy bilang bantayog.

Nagpakita si Jehova kay Jacob sa isang pangitain sa gabi, anupat binigyang-katiyakan ang tipang Abrahamiko sa kaniya (1781 B.C.E.). Bilang paggunita rito, kinuha ni Jacob ang batong ginamit niya bilang unan, itinayo ito upang magmistulang isang haligi, at pinahiran [ipinagpatuloy sa pahina 337] [karugtong ng pahina 320] ito ng langis. Pagkatapos ay tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon. (Gen 28:10-19) Pagkalipas ng mga 20 taon, nang pagtibayin nina Jacob at Laban ang isang tipan ng kapayapaan sa pagitan nila, nagtindig sila ng isang haligi, gayundin ng isang bunton ng mga bato, sa bulubunduking rehiyon ng Gilead, upang doon ay magsilbi itong isang tagapagpaalaala ng kanilang kasunduan. (Gen 31:25, 44-52) Nang dalhin ni Jehova sa Lupang Pangako ang Israel (1473 B.C.E.), dalawang bantayog naman ang itinayo sa lugar kung saan sila tumawid sa Ilog Jordan, isa sa kalagitnaan ng ilog at ang isa naman ay sa K pampang ng ilog, sa Gilgal. Ang mga ito ay nagsilbing mga pinakaalaalang tanda na nagpapagunita sa makahimalang pagtawid na iyon, at kapag sa kalaunan ay nagtanong ang kanilang mga anak kung ano ang kahulugan ng mga bantayog na ito, isasalaysay ng kanilang mga ama ang ginawa ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan.​—Jos 4:4-9, 20-24.

Pagkatapos ng tagumpay niya laban sa mga Amalekita, nagtindig si Haring Saul ng “isang bantayog [sa Heb., yadh] para sa kaniyang sarili.” (1Sa 15:12) Ang salitang Hebreo na yadh, pinakamadalas na isinasalin bilang “kamay,” ay maaari ring mangahulugan ng “bantayog,” kung paanong ang isang nakataas na kamay ay nakakakuha at umaakay ng pansin sa isang espesipikong paraan, itinatawag-pansin din naman ng isang bantayog ang ilang bagay sa mga tao.

Ang Bantayog (sa Heb., yadh) ni Absalom ay nasa anyong haligi gaya ng maraming iba pang bantayog. Itinayo ito ni Absalom sa Mababang Kapatagan ng Hari, di-kalayuan sa Jerusalem, sapagkat, gaya ng sinabi niya, “Wala akong anak na mag-iingat ng aking pangalan sa alaala.” (2Sa 18:18) Gayunman, sa ngayon ay wala nang nalalaman tungkol sa bantayog na iyon o sa kinaroroonan niyaon maliban sa sinasabi ng Bibliya. Hindi ito dapat ipagkamali sa tinatawag na libingan sa Libis ng Kidron, na iniuugnay ng eklesyastikal na tradisyon kay Absalom ngunit nagmula sa Griego-Romanong yugto ng arkitektura.​—Tingnan ang ABSALOM.

Tulad ni Absalom, ang mga bating ay walang pag-asang magkaroon ng mga inapo na magpapatuloy ng kanilang pangalan. Gayunman, kung tapat sila kay Jehova, at hindi tulad ng taksil na si Absalom, nangangako si Jehova na bibigyan niya sila ng “isang bagay na mas mabuti kaysa sa mga anak na lalaki at mga anak na babae,” samakatuwid nga, ‘magbibigay ako sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader ng isang bantayog [sa Heb., yadh] at isang pangalan . . . Isang pangalan hanggang sa panahong walang takda ang ibibigay ko sa kanila, isa na hindi mapaparam.’​—Isa 56:4, 5; ihambing ang Kaw 22:1.

Noon, itinitindig din ang mga batong panlibingan bilang mga tagapagpaalaala, gaya halimbawa ng batong panlibingan na nagsilbing pananda sa “dakong libingan ng lalaki ng tunay na Diyos” na humula ng gagawin ni Josias laban sa altar sa Bethel.​—2Ha 23:16-18; 1Ha 13:1, 2.