Barak
[Kidlat].
Anak ni Abinoam ng Kedes na nasa teritoryo ng Neptali. Noong unang yugto ng panahon ng mga hukom, humiwalay ang mga Israelita sa tunay na pagsamba, kung kaya sa loob ng 20 taon ay pinahintulutan ng Diyos na siilin sila ni Jabin, ang hari ng Canaan. Dumaing sila kay Jehova ukol sa kaginhawahan, at noong panahong iyon inatasan ng Diyos si Barak bilang kanilang lider. (Huk 4:1-3) Ang mga Canaanitang naniniil sa mga Israelita ay lubos na nasasandatahan, samantalang “ang isang kalasag ay hindi makita, ni ang isang sibat, sa apatnapung libo sa Israel.” (Huk 5:8) Gayunman, noong mga araw ni Barak, pinagtagumpay ni Jehova ang Israel laban sa kanilang mga kaaway, isang tagumpay na hindi malilimutan. (Aw 83:9) Ang dalawang ulat tungkol dito na nasa Mga Hukom (kabanata 4, at sa awit ng pagbubunyi nina Debora at Barak sa kabanata 5), kapag pinagsama, ay naglalaan ng buong detalye at malinaw na larawan hinggil sa mga nangyari noong panahong iyon.
Ang propetisang si Debora, na naghuhukom noon sa Israel, ay humimok kay Barak na manguna sa pagpapalaya sa bayan. Pumayag si Barak, ngunit sa kundisyon na sasamahan siya ni Debora. Sumang-ayon naman ito, ngunit sinabi niya kay Barak na ipagbibili ni Jehova si Sisera, ang pinuno ng mga hukbo ni Jabin, sa kamay ng isang babae.—Huk 4:4-9.
Nangalap si Barak ng 10,000 lalaki mula sa Neptali, Zebulon, at sa iba pang mga tribo ng Israel (Huk 4:6; 5:9-18) at umahon sa Bundok Tabor. Nang marinig ito ni Sisera at ng kaniyang mga hukbo na nasasangkapan ng 900 karo na may mga lingkaw na bakal, humayo sila upang sagupain ang mga Israelita sa kahabaan ng tuyong sahig ng Kison (sa Kapatagan ng Jezreel). Sa pangunguna ni Barak, ang hukbong Israelita, na di-gaanong nasasandatahan, ay buong-tapang na bumaba mula sa Bundok Tabor, handa nang makipagbaka sa mga Canaanitang may kumpletong baluti. Ngunit ang Kison ay naging isang rumaragasang ilog, na pumigil sa mga karo ng kaaway. Tunay nga, “mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin, mula sa kanilang mga landas ay nakipaglaban sila kay Sisera. Tinangay sila ng ilog ng Kison.” Sinamantala ni Barak at ng kaniyang mga tauhan ang pagkakataon, at sinasabi ng ulat: “Ang buong kampo ni Sisera ay bumagsak sa pamamagitan ng talim ng tabak. Walang naiwan kahit isa.”—Huk 5:20-22; 4:10-16.
Si Sisera naman, matapos iwanan ang kaniyang karo at ang kaniyang napaliligirang hukbo, ay tumakas at nanganlong sa tolda ni Jael, na asawa ni Heber, isang Kenita na may pakikipagpayapaan kay Jabin. Naging mapagpatuloy si Jael kay Sisera, ngunit habang natutulog ito, pinatay niya ito sa pamamagitan ng pagtatarak sa pilipisan nito ng isang pantoldang tulos na pinatagos niya hanggang sa lupa. Nang dumating si Barak, pinapasok siya ni Jael sa loob ng tolda, kung saan nakita niya na nagkatotoo ang salita ni Jehova; talaga ngang ipinagbili si Sisera sa kamay ng isang babae. (Huk 4:17-22; 5:24-27) Pagkatapos nito, ang kamay ng nagtagumpay na mga Israelita ay “patuloy na bumigat nang bumigat laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa malipol nila si Jabin.” Dahil dito, ang lugar na iyon sa Israel ay “hindi na nagkaroon ng kaligaligan sa loob ng apatnapung taon.”—Huk 4:23, 24; 5:31.
Bilang halimbawa ng katapatan, si Barak ay binabanggit na kasama sa mga indibiduwal na “sa pamamagitan ng pananampalataya ay lumupig ng mga kaharian sa labanan, . . . naging magiting sa digmaan, dumaig sa mga hukbo ng mga banyaga.”—Heb 11:32-34.
Maaaring si Barak ang “Bedan” sa 1 Samuel 12:11 (kung ibabatay sa LXX at Sy).—Tingnan ang BEDAN Blg. 1.