Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Barakias

Barakias

[Si Jehova ang Nagpala].

Ama ng Zacarias na pinaslang “sa pagitan ng santuwaryo at ng altar.”​—Mat 23:35; Luc 11:50, 51.

May kinalaman sa mga salitang “anak ni Barakias,” hindi matatagpuan ang mga ito sa ulat ni Lucas, at ang mga ito ay wala sa ulat ni Mateo sa Codex Sinaiticus (orihinal na eskriba). Sinasabi ng iba na si Jehoiada, na ama ng isang Zacarias na pinaslang, ay maaaring may dalawang pangalan, gaya sa kaso ng ibang mga tauhan sa Bibliya.​—Ihambing ang Mat 9:9 at Mar 2:14; Mat 10:2, 3.

Karaniwang ipinapalagay na ang tinutukoy rito ni Jesus ay si Zacarias na “anak ni Jehoiada na saserdote.” (2Cr 24:20-22) Ito ang pinakalohikal na konklusyon, yamang ang Mga Cronica ay itinatala bilang panghuling aklat sa tradisyonal na Judiong kanon, sa gayon ay masasabing si Abel ang una sa mga taong matuwid na pinaslang sa ulat ng Hebreong Kasulatan at si Zacarias naman ang huli. Ayon sa 2 Cronica 24:21, pinaslang si Zacarias “sa looban ng bahay ni Jehova.” Ang altar ng handog na sinusunog ay nasa pinakaloob na looban, na nasa labas at nasa harap ng pasukan ng santuwaryo. Tutugma ito sa sinabi ni Jesus na pinangyarihan ng insidente, samakatuwid nga ay “sa pagitan ng santuwaryo at ng altar.”

Hinggil kina Abel at Zacarias, inihula na magkakaroon ng pagsusulit dahil sa pagbububo ng kanilang dugo. (Gen 4:10; 2Cr 24:22) Bukod diyan, malaki ang pagkakatulad ng mga kalagayan at mga pangyayari noong mga araw ni Zacarias na anak ni Jehoiada at niyaong sa salinlahing nabubuhay noong panahong bigkasin ni Jesus ang mga salitang iyon. Nang mamamatay na si Zacarias, sinabi niya: “Tingnan nawa ito ni Jehova at singilin.” Di-nagtagal, nagsimulang matupad ang kaniyang makahulang mga salita. Isang maliit na hukbong Siryano ang umahon, at ibinigay ni Jehova sa kamay ng mga ito ang isang malaking hukbong militar ng Juda, anupat ang mga prinsipe ng Juda ay lubusang nilipol at sinamsaman. Ang mga Siryano ay naglapat ng mga kahatulan kay Jehoas at iniwan nila siyang may maraming karamdaman, pagkatapos ay pinaslang siya ng kaniyang mga lingkod. (2Cr 24:23-25) Matapos banggitin ang pagkakasala sa dugo niyaong mga kausap niya, sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa salinlahing ito.” (Mat 23:36) Ang hula ni Jesus ay natupad sa Jerusalem at Judea noong 70-73 C.E.