Basan
[posible, Kapatagang Mataba (Walang Bato)].
Isang malaking rehiyon sa S ng Dagat ng Galilea. Ang tinatayang mga hangganan ng Basan ay ang Bundok Hermon sa H, ang bulubunduking pook ng Bundok Hauran (Jebel ed Druz) sa S, ang Gilead sa T, at ang mga burol na kahangga ng silanganing panig ng Dagat ng Galilea sa K.—Deu 3:3-14; Jos 12:4, 5.
Ang malaking bahagi ng Basan ay isang mataas na talampas, na may aberids na taas na mga 600 m (2,000 piye). Ang kalakhan ng lupain ay patag, bagaman may ilang dako na bulubundukin. Nagmula sa bulkan ang lupa nito, kaya naman marami itong matitigas at maiitim na batong basalto, na nagpapanatili ng halumigmig. Ang komposisyon ng lupa ay pinaghalong tufa (mga batong nabuo mula sa abo ng bulkan) at lupang mamula-mulang kulay-kape. Napakainam pagtamnan ang buong rehiyon dahil sa tubig at tunaw na niyebe na umaagos mula sa Bundok Hermon. Dahil napakataba ng kapatagang ito, sagana ang naaaning butil mula rito at maiinam ang mga pastulan nito. Kaya naman napakaganda rin ng mga lahi ng mga baka at mga tupa sa lugar na ito. Ang mga toro ng Basan at ang mga lalaking tupa nito ay naging paksa ng awit at tula at naging sagisag ng kasaganaan, kalakasan, at kariwasaan.—Deu 32:14; Eze 39:18; Aw 22:12.
Sa pangkalahatan, waring ang kapatagan ng Basan ay walang mga punungkahoy, ngunit ang mga dakong bulubundukin ay may makakapal na kakahuyan at dambuhalang mga punungkahoy, malamang ay mga ensina (na matatagpuan pa rin ngayon sa lugar na iyon). Sa hula, ang mga punungkahoy na ito ay ginagamit bilang mga sagisag ng pagiging lubhang matayog. (Isa 2:13; Zac 11:1, 2) Sinasabi ng Ezekiel 27:5, 6 na ang mga taga-Feniciang manggagawa ng barko ng Tiro ay gumamit ng mga puno ng enebro ng Senir bilang kanilang mga tabla at ng matataas na sedro ng Lebanon bilang kanilang mga palo, ngunit ang kanilang matitibay na gaod ay ginawa nila mula sa matitigas na punungkahoy ng Basan.
Jer 50:19; Isa 33:9) Iniuugnay ni Jeremias sa Lebanon ang matataas na dako ng Basan bilang isang magandang puwesto kung saan matatanaw ang kapahamakang nakatakdang sumapit sa lupain ng mga Israelita dahil sa pag-iwan nila kay Jehova. (Jer 22:20) Ang “bundok ng Diyos” at ang “bundok ng mga taluktok” ng Basan, na binanggit sa Awit 68:15, 16, ay maaaring tumutukoy sa bulubunduking pook ng Bundok Hauran (Jebel ed Druz). Maaaring ang Zalmon (binanggit sa Aw 68:14) ang pinakamataas na taluktok nito.
Walang alinlangan na ang mataba at mabungang lupain ng Basan ang dahilan kung bakit ito iniuugnay sa iba pang mabungang mga lugar gaya ng Carmel at Lebanon. (Lumilitaw na ang pook ng Basan ay unang binanggit sa rekord ng Bibliya sa Genesis 14:5 kung saan tinukoy ang mga Repaim (mga higante) sa Asterot-karnaim, na tinalo ng sumasalakay na mga hari noong panahon ni Abraham (bago ang 1933 B.C.E.). Noong panahon ng pagsalakay ng Israel (mga 1473 B.C.E.), si Og, na hari ng Basan at kahuli-hulihang nalabi sa malahiganteng mga lalaki sa lugar na iyon, ay natalo at napatay, at ang lupain ay sinakop ng Israel. (Bil 21:33-35; Deu 3:1-3, 11; Jos 13:12) Sa tribo ni Manases ibinigay ang Basan bilang mana, bagaman lumilitaw na nang maglaon, may ilan sa tribo ni Gad na nanirahan sa gawing timog.—Jos 13:29-31; 17:1, 5; 1Cr 5:11, 16, 23.
Ang mga pangunahing lunsod ng Basan ay ang mga sumusunod: Astarot (isang lunsod ni Og at nang maglaon ay naging isang lunsod ng mga Levita), Edrei (ang hanggahang lunsod kung saan tinalo ng Israel si Og), Golan (na naging isang lunsod din ng mga Levita at isa sa tatlong kanlungang lunsod sa S ng Jordan), at Saleca. (Deu 4:41-43; Jos 9:10; 12:4, 5; 20:8, 9; 1Cr 6:64, 71) Sa pook pa lamang ng Argob ay mayroon nang 60 lunsod na may pader, at hanggang sa ngayon ay may matatagpuan pa ring mga guho ng sinaunang mga bayan sa buong lugar na iyon.—Deu 3:3-5; tingnan ang ARGOB Blg. 2.
Noong panahon ng paghahari ni Solomon, kabilang ang Basan sa 12 distrito na inilagay sa pangangasiwa ng mga kinatawan upang maglaan ng pagkain para sa maharlikang sambahayan.—1Ha 4:7, 13.
Sa dakong S ng Jordan, ang pangunahing ruta mula sa H hanggang sa T, na tinatawag na “daan ng hari,” ay bumabagtas sa Basan sa lunsod ng Astarot. Dahil dito, bukod pa sa napakataba ng lupa ng Basan at malapit ito sa Damasco, naging puntirya ito ng pananakop ng mga bansa. Binihag ni Haring Hazael ng Damasco ang Basan noong panahon ng paghahari ni Jehu (mga 904-877 B.C.E.), ngunit maliwanag na nabawi ito noong paghahari ni Jehoas (2Ha 10:32, 33; 13:25) o sa paanuman ay noong panahon ni Jeroboam II (mga 844-804 B.C.E.). (2Ha 14:25) Sinakop ni Tiglat-pileser III ng Asirya ang buong lugar na iyon noong paghahari ni Peka (mga 778-759 B.C.E.).—2Ha 15:29; 1Cr 5:26.
Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, ang Basan ay napasailalim ng kontrol ng Gresya at nang maglaon ay naging isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng trigo sa Imperyo ng Roma. Hinati ito sa apat na distrito, at maliban sa HS distrito na tinatawag na Traconite, sa paanuman ay napanatili ng mga distritong iyon ang orihinal na pangalan ng mga lugar: hinalaw ng distrito ng Gaulanitis sa K ang pangalan nito mula sa Golan, ang Auranitis sa T mula sa Hauran, at ang gitnang Batanaea mula sa Basan. Maliban sa isang pagtukoy sa Traconite (Luc 3:1), ang Basan ay hindi binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Tingnan ang HAURAN.