Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Baston ng Kumandante

Baston ng Kumandante

Isang mahabang tungkod na nagsisilbing sagisag ng karapatan ng isang kumandante na maglabas ng mga utos. Ang pananalitang “baston ng kumandante” ay lumilitaw nang apat na ulit sa Bagong Sanlibutang Salin, anupat salin ito ng pandiwaring mecho·qeqʹ, na nagmula naman sa salitang-ugat na Hebreo na cha·qaqʹ, nangangahulugang “itala” o “ililok” at samakatuwid ay “italaga” o “itatag.” (Isa 30:8; Eze 4:1; Kaw 8:27; Isa 10:1) Noong sinaunang mga panahon, ang mga kautusang itinatatag ay itinatala o inilililok sa mga tapyas na bato o metal. Ang salitang Hebreo ring ito ay maaaring tumukoy sa isang kumandante na naglalabas ng mga utos, isang “tagapagbigay-batas.” (Deu 33:21) Si Jehova ay walang kapantay sa gitna ng mga mambabatas, palibhasa’y siya ang kataas-taasang “Tagapagbigay-batas.”​—Isa 33:22.

Kapag nakaupo ang isang kumandante, ang kaniyang mahabang baston ay kadalasang nakatukod sa lupa at nakasandal sa mga tupi ng kaniyang mahabang damit, sa pagitan ng kaniyang mga tuhod. Tinutulungan tayo nito na maunawaan ang sinabi ni Jacob nang pagpalain niya si Juda noong malapit na siyang mamatay: “Ang setro ay hindi lilihis mula kay Juda, ni ang baston ng kumandante mula sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Shilo.” (Gen 49:10) Dito, ang salitang Hebreo na mecho·qeqʹ ay isinasalin sa ilang bersiyon bilang “tagapagbigay-kautusan” (KJ; Yg), ngunit ang isa pang kahulugan nito, “baston ng kumandante” (NW; Ro), ay mas angkop sa kasong ito at sinusuportahan ng makabagong mga leksikograpo. (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina Koehler at Baumgartner, Leiden, 1958, p. 328; A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 349) Maliwanag na hindi tao kundi isang bagay ang tinutukoy sa Genesis 49:10, at ganito ang pagkaunawang itinatawid ng iba’t ibang salin, na gumagamit ng “baston ng tagapamahala” (AS; RS), “baston ng pamumuno” (Mo), at “baston” (AT). Sa talatang ito, ang “baston ng kumandante,” na isa ring uri ng baston, ay bumabagay sa “setro” at tumutugma sa pariralang “sa pagitan ng kaniyang mga paa.” Makikita rin sa Bilang 21:17, 18 ang ganitong pagkakagamit, kung saan isang balon ang sinasabing hinukay “sa pamamagitan ng baston ng kumandante, sa pamamagitan ng kanilang sariling mga baston,” bagaman ang isang posibleng salin para rito ay, “sa pamamagitan ng kumandante, sa pamamagitan ng kanilang mga tagapamahala.” Sa Genesis 49:10 naman, ang isa pang salin para sa “ni ang baston ng kumandante” ay “ni ang isang kumandante.”

Yamang ang setro ay isang baston o tungkod, maaaring ipalagay ng ilan na walang pagkakaiba “ang setro” at “ang baston ng kumandante” sa Genesis 49:10. Gayunman, lumilitaw na gustong ipakita ni Jacob na magkaiba ang mga ito. Madalas gamitin sa patulang mga pananalita ang magkatulad na mga termino. Bagaman magkahawig, kung susuriin, makikita na ang isang termino ay nagtatawid ng diwa na bahagyang naiiba sa diwa niyaong isa pa, at sa gayo’y tumutulong upang higit na mauunawaan ang bagay na sinasabi. Waring ganito ang ginawa ni Jacob nang pagpalain niya ang kaniyang mga anak. Halimbawa, sinabi niya na si Dan ay ‘magiging isang serpiyente sa tabi ng daan, isang may-sungay na ahas sa tabing-daan’ (Gen 49:17), anupat ginamit niya ang magkatulad na mga pananalitang ito sa positibong diwa upang ipahiwatig na si Dan ay magiging isang panganib sa mga kalaban ng Israel.

Iniulat na sinabi mismo ng Diyos: “Ang Juda ay aking baston ng kumandante.” (Aw 60:7; 108:8) Samantalang ang paghawak ng baston ng kumandante ay nagpapahiwatig na ang may tangan nito ay isang lider na may kapangyarihang mag-utos, ang setro naman sa kamay ng isang monarka ay nagpapahiwatig ng pagtataglay niya ng maharlikang soberanya o awtoridad bilang isang maharlikang tagapamahala. (Aw 45:6) Dahil dito, maliwanag na ipinahihiwatig ng paggamit sa mga terminong “setro” at “baston ng kumandante” sa Genesis 49:10 na malaking awtoridad at kapangyarihan ang mamamalagi sa tribo ni Juda. Ngunit malinaw rin na hindi lamang awtoridad at pangingibabaw ng tribo ang nasasangkot yamang ang Shilo, na sa kaniya “mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan,” ay manggagaling sa tribo ni Juda. Nagpapahiwatig iyan ng pagkakaroon ng maharlikang awtoridad at kapangyarihan sa mga bayan. Nang maging hari ng Israel ang inapo ni Juda na si David, ang setro at ang baston ng kumandante ay napasatribo ni Juda, at hindi mahihiwalay ang mga ito mula roon hanggang sa dumating ang Shilo, ang Mesiyas. (2Sa 7:8-16) Totoo naman, ang dumarating na Shilo, si Jesu-Kristo, na isang inapo ni Juda at ni David, ay ibinigay ng Diyos bilang “lider at kumandante sa mga liping pambansa.” (Isa 55:4) Inihula na ang Mesiyanikong Tagapamahala ay magkakaroon ng pamumuno at kapangyarihan sa mga bansa at mga bayan. (Aw 2:8, 9; Dan 7:13, 14) Samakatuwid, hindi lamang niya hawak “ang setro,” o maharlikang soberanya, kundi tangan din niya ang “baston ng kumandante,” anupat mayroon siyang kapangyarihang mag-utos.​—Tingnan ang SHILO Blg. 1.

Tingnan din ang TUNGKOD, PAMALO, BASTON.