Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Batang Lalaking Walang Ama

Batang Lalaking Walang Ama

Palibhasa’y walang lalaki sa bahay na susuporta sa kanila at mangangalaga sa kanilang kapakanan, ang batang lalaking walang ama, o ulila, at ang babaing balo ay mas malamang na dumanas ng paniniil at mga suliranin. Kaya naman sa Kautusan ay may ginawang mga paglalaan para sa kanilang kapakanan, na tumiyak na mabibigyan ng katarungan ang batang lalaking walang ama, babaing balo, at naninirahang dayuhan at naglaan din ng kanilang mga pangangailangan. (Exo 22:22-24; Deu 24:17) Ang mga himalay na naiwan sa bukid, sa punong olibo, at sa ubasan ay maaaring kunin ng mga dukhang ito. (Deu 24:19-21) Isang pantanging paanyaya ang ipinaaabot sa kanila upang makibahagi sa saganang taunang Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani (Kapistahan ng mga Kubol), na doo’y maaari nilang tamasahin ang piging na kasabay ng pagdiriwang. (Deu 16:9-14) Tuwing ikatlong taon, ang pantanging ikapu na karaniwang kinakain ng mga Israelita sa Jerusalem ay inilalagay sa loob ng mga pintuang-daan ng kanilang sariling mga lunsod. Mula sa ikapung ito, ang batang lalaking walang ama ay binigyan ng legal na karapatang makibahagi rito.​—Deu 14:28, 29; 26:12, 13.

Para sa mga lingkod ng Diyos, gaano kahalaga ang maibiging pagkabahala sa mga ulila?

Yamang madaling makaligtaan ang mga batang naulila at walang kalaban-laban, ginamit ni Jehova ang pananalitang “batang lalaking walang ama” upang ilarawan ang antas ng katuwirang ipinamamalas ng Israel o ang antas ng paglihis nila mula rito. Noong ang bansa ay nagtatamasa ng mabuting espirituwal na kalusugan, ang batang lalaking walang ama ay pinangangalagaan. Kapag nabaluktot ang katarungan sa lupain, tiyak na mapapabayaan ang batang lalaking walang ama, at isa itong sintomas ng kabulukan ng bansa. (Aw 82:3; 94:6; Isa 1:17, 23; Jer 7:5-7; 22:3; Eze 22:7; Zac 7:9-11; Mal 3:5) Isinumpa ni Jehova yaong mga naniniil sa batang lalaking walang ama. (Deu 27:19; Isa 10:1, 2) Inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang Manunubos (Kaw 23:10, 11), Katulong (Aw 10:14), at Ama (Aw 68:5) ng mga batang iyon. Siya ang Isa na naglalapat ng hatol alang-alang sa kanila (Deu 10:17, 18), nagpapakita ng awa sa kanila (Os 14:3), nagpapaginhawa sa kanila (Aw 146:9), at nag-iingat sa kanilang buhay.​—Jer 49:11.

Ang isa sa mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanismo ay ang malasakit nito sa mga naulila dahil sa pagkawala ng asawang lalaki o mga magulang. Sumulat ang alagad na si Santiago sa mga Kristiyano: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.”​—San 1:27.

Ang salitang Griego para sa ulila (or·pha·nosʹ) ay ginagamit sa makasagisag na diwa sa Juan 14:18 at isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “pinabayaan” (AS), “namamanglaw” (Mo), “walang kaibigan” (AT), at “nangungulila” (NW; Yg).