Bating
[sa Ingles, eunuch].
Kapag ginagamit sa literal na diwa, ang salitang Hebreo na sa·risʹ at ang salitang Griego na eu·nouʹkhos ay tumutukoy sa isang taong lalaki na kinapon. Ang gayong mga lalaki ay inaatasan noon sa maharlikang mga korte bilang mga tagapaglingkod, o mga tagapag-alaga, ng reyna, ng harem, at ng mga babae. (Es 2:3, 12-15; 4:4-6, 9) Dahil malapit sila sa sambahayan ng hari, kadalasa’y tumataas ang ranggo ng mga bating na may kakayahan. Sa malawak na diwa, tumutukoy rin ang terminong ito sa alinmang opisyal na inatasan ng mga tungkulin sa korte ng hari, anupat hindi nagpapahiwatig na ang mga lalaking ito ay literal na mga bating.
Sa ilalim ng tipang Kautusan, ang isang bating ay hindi pinahihintulutang maging bahagi ng kongregasyon ng bayan ng Diyos. (Deu 23:1) Alinsunod dito, walang pahiwatig na ang sinuman sa mga Israelita o sa mga naninirahang dayuhan na kasama nila ay ginawang bating para sa paglilingkod sa palasyo ng mga Israelitang hari. Sa ilalim ng Kautusan, ang mga alipin ay dapat tuliin, hindi kapunin. Gayunman, kaugalian noon ng mga bansang pagano sa Silangan na gawing bating ang ilan sa mga batang nabihag sa digmaan.
Tinatawag na bating ang opisyal ng korte na siyang nangangasiwa noon sa ingatang-yaman ng reyna ng Etiopia at siya ring pinangaralan ni Felipe. Isa siyang proselita sa relihiyong Judio na pumaroon sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos. Ngunit yamang sa ilalim ng Kautusan ay hindi tinatanggap sa kongregasyon ng Israel ang isang taong kinapon, ang terminong eu·nouʹkhos ay maikakapit dito subalit hindi sa literal na diwa nito kundi sa diwa na “opisyal ng korte.” (Gaw 8:26-39; Deu 23:1) Si Ebed-melec, ang Etiope na sumagip sa propetang si Jeremias mula sa pagkakabilanggo nito sa imbakang-tubig, ay isang bating sa korte ni Haring Zedekias. Dito, lumilitaw na ang termino ay tumutukoy rin sa isang opisyal, na kadalasang diwa nito. Waring si Ebed-melec ay isang lalaking may awtoridad. Namanhik siya kay Haring Zedekias mismo alang-alang kay Jeremias at binigyan siya ng kapamahalaan sa mahigit na 30 lalaki para sa pagsaklolo.—Jer 38:7-13.
Buong-kaaliwang inihula ni Jehova ang panahon na ang mga bating ay tatanggapin niya bilang kaniyang mga lingkod at, kung magiging masunurin sila, magkakaroon sila ng isang pangalan na mas mabuti kaysa sa mga anak na lalaki at mga anak na babae. Nang pawiin ang Kautusan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, lahat ng mga taong nananampalataya, anuman ang kanilang dating katayuan o kalagayan, ay maaari nang maging espirituwal na mga anak ng Diyos. Inalis na ang mga pagkakaiba sa laman.—Isa 56:4, 5; Ju 1:12; 1Co 7:24; 2Co 5:16.
Sa Mateo 19:12, bumabanggit si Jesu-Kristo ng tatlong uri ng bating, na sinasabi: “Sapagkat may mga bating na ipinanganak na gayon mula sa bahay-bata ng kanilang ina, at may mga bating na ginawang bating ng mga tao, at may mga bating na ginawang bating ang kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.” Yaong mga sinasabing “ginawang bating ang kanilang sarili” dahil sa kaharian ay yaong mga taong nagpipigil ng kanilang sarili upang maiukol nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos. Inirerekomenda ito ng apostol na si Pablo bilang ang ‘mas mabuting’ landasin para sa mga Kristiyano na hindi ‘nagniningas sa pagnanasa.’ Ang mga ito, sabi niya, ay makapaglilingkod sa Panginoon nang mas palagian at “walang abala.” (1Co 7:9, 29-38) Ang gayong “mga bating” ay hindi mga taong nagpakapon sa pisikal na paraan o kinapon; sa halip, ang mga taong ito ay kusang-loob na nananatiling walang asawa. Sa Bibliya ay walang inirerekomenda na panata ng di-pag-aasawa (celibacy), at ang ‘pagbabawal sa pag-aasawa’ ay hinahatulan bilang isa sa mga palatandaan ng apostasya. Sa katunayan, ang ilan sa mga apostol ay mga lalaking may-asawa.—1Ti 4:1-3; 1Co 9:5; Mat 8:14; Mar 1:30; Luc 4:38; tingnan ang OPISYAL NG KORTE.