Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Beer

Beer

[Balon].

Ang salitang Hebreo na beʼerʹ ay kadalasang tumutukoy sa isang balon na naiiba sa isang likas na bukal (sa Heb., ʽaʹyin). Karaniwan itong makikita sa mga tambalang pangalan ng mga lugar.​—Ihambing ang BEER-ELIM; BEER-SHEBA.

1. Matapos dumaan sa Arnon ang mga Israelita patungo sa Lupang Pangako, dumating sila sa Beer. (Bil 21:13-16) Dito ay hinukay ang isang balon na binukalan ng tubig, at lumilitaw na ang mga prinsipeng ulo ng mga tribo ang nagdukal nito sa pamamagitan ng kanilang mga baston. Ang pangyayaring ito ang dahilan kung bakit inawit ang matulaing awit na nasa mga talata 17, 18.

Dahil sa bahaging ginampanan ng mga prinsipe sa paghukay sa balon, sinasabi ng ilan na ang lugar na ito ay siya ring Beer-elim (nangangahulugang “Balon ng Malalaking Punungkahoy”). (Isa 15:8) Hindi matiyak kung saan ang lokasyon ng Beer, ngunit ipinapalagay na ito ay malamang na nasa agusang libis na tinatawag na Wadi Thamad, sa H ng Arnon at mga 56 na km (35 mi) sa S ng Dagat na Patay. Kadalasan ay madaling makasumpong dito ng tubig sa pamamagitan ng pagdudukal sa lupa.

2. Isang lugar kung saan nagtungo si Jotam, anak ni Gideon (Jerubaal), nang siya ay tumakas matapos niyang ilantad ang kataksilan ni Abimelec. (Huk 9:3-5, 21) Iminumungkahi ng ilan ang Al-Bira, mga 12 km (7.5 mi) sa H ng Bet-san at TS ng Bundok Tabor, bilang ang malamang na lokasyon nito; iniuugnay naman ito ng iba sa Beerot. (Tingnan ang BEEROT.) Gayunman, dahil walang anumang pahiwatig hinggil sa direksiyon ng pagtakas ni Jotam mula sa Bundok Gerizim, ang lokasyon nito ay hindi tiyak.