Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Beer-lahai-roi

Beer-lahai-roi

[Balon ng Isa na Buháy na Nakakakita sa Akin].

Nang si Hagar, ang Ehipsiyong alilang babae ni Sarai, ay tumakas dahil sa galit ng kaniyang among babae, sinundan niya ang “daang patungo sa Sur,” na dumaraan sa Negeb pababa ng Ehipto. Gayunman, nang marating niya ang isang bukal (sa Heb., ʽaʹyin), siya ay pinatibay-loob ng isang anghel at tinagubilinang bumalik sa kaniyang among babae. Sinabi rin nito sa kaniya ang tungkol sa kapanganakan ni Ismael (na ang pangalan ay nangangahulugang “Naririnig (Pinakikinggan) ng Diyos”) at ang magiging kinabukasan ng bata. Sa gayon, ang balon doon ay tinawag na “Beer-lahai-roi” dahil sinabi ni Hagar tungkol kay Jehova, “Ikaw ay Diyos ng paningin.”​—Gen 16:7-14.

Nang maglaon, si Isaac ay nanggaling noon sa “daang patungo sa Beer-lahai-roi” sa Negeb nang makita niya ang pulutong ng mga kamelyo sakay ang kaniyang mapapangasawa, si Rebeka. (Gen 24:62, 63) Pagkamatay ni Abraham, tumahan si Isaac “malapit sa Beer-lahai-roi.”​—Gen 25:11.

Binanggit sa ulat na ang Beer-lahai-roi ay nasa “pagitan ng Kades at Bered.” (Gen 16:14) Ayon sa isang tradisyong Bedouin, ito ay nasa ʽAin Muweilih, mga 19 na km (12 mi) sa HK ng ʽAin Qedeis (ang malamang na lokasyon ng Kades-barnea). Ngunit hindi matiyak ang kinaroroonan nito dahil walang malinaw na pagtukoy kung nasaan ang Bered.