Beerot
[Mga Balon].
Isa sa apat na Hivitang lunsod na may-katalinuhang nakipagtipan kay Josue, at lumilitaw na pinangunahan iyon ng mga lalaki ng lunsod ng Gibeon. (Jos 9:3-17) Nang maglaon ay naging kasama ang lunsod sa mana ng tribo ni Benjamin. (Jos 18:21, 25) Sa ulat hinggil sa pagpaslang ng mga lalaki mula sa Beerot kay Is-boset na anak ni Saul, sinasabing “ang Beerot ay dating ibinibilang din na bahagi ng Benjamin.” Maaaring ipinahihiwatig nito na ang lunsod ay malapit sa hanggahan ng isang karatig na tribo, kaya naman kinailangang tukuyin ang teritoryo ng tribo na kinaroroonan nito. (2Sa 4:2-6) Binanggit sa ulat na tumakas ang mga tumatahan dito patungong Gitaim, ngunit hindi ipinaliwanag kung ano ang dahilan; maaaring ito ay dahil sa mga paglusob ng mga Filisteo kasunod ng tagumpay ng mga ito laban sa mga hukbo ni Saul sa Bundok Gilboa, o maaaring tumakas sila pagkatapos ng asasinasyon kay Is-boset upang maiwasan ang paghihiganti ng kabilang panig dahil sa pagpaslang na iyon. Gayunman, pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang mga lalaki ng Beerot ay nakatalang kabilang sa mga bumalik sa lupain ng Juda.—Ezr 2:1, 25; Ne 7:29.
Bagaman iminumungkahi ng ilan ang Khirbet el Burj o ang Nabi Samwil sa dakong T, iminumungkahi naman ng iba ang el Bira, isang karatig na bayan ng makabagong Ramallah, mga 14 na km (9 na mi) sa H ng Jerusalem at mga 8 km (5 mi) sa HHS ng Gibeon, samakatuwid nga, malapit sa hanggahan ng Efraim. Isang bukal doon ang mapagkukunan ng sapat na suplay ng tubig. Ipinahihiwatig ng mga labí ng isang sinaunang dakong tuluyan na ang lugar na iyon ay isang hintuan ng mga pulutong ng manlalakbay.