Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bel

Bel

[mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “May-ari; Panginoon”].

Isang bathala ng Babilonya na ang kahiya-hiyang pagbagsak ay inihulang magaganap kasabay ng pagkawasak ng Babilonya.​—Isa 46:1; Jer 50:2; 51:44.

Ang titulong Bel ay unang ikinapit sa diyos na si Enlil. Kabilang si Bel sa orihinal na tatluhang bathala ng Sumer, kasama nina Anu at Enki (Ea). Nang si Marduk (Merodac) ay maging pangunahing diyos ng Babilonya, tinawag din siya sa pangalang Bel.​—Tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA (Mga Bathala ng Babilonya).

Kung isasaalang-alang ang mataas na pagpapakundangan noon kay Bel, mauunawaan natin kung bakit tinukoy siya ng mga propeta ni Jehova, sa ilalim ng pagkasi, bilang isa sa mga bathala na hihiyain sa pagbagsak ng Babilonya. Halos 200 taon bago bumagsak ang Babilonya sa mga Medo at mga Persiano, inihula ni Isaias na si Bel ay yuyukod at si Nebo ay susubsob dahil sa kahiya-hiyang pagkatalo. Ang kanilang mga imaheng idolo ay tatangayin ng maiilap na hayop; yamang hindi nila maipagtatanggol ang kanilang sarili, hahakutin sila bilang mga dala-dalahan ng mga hayop na pantrabaho. Hindi makatatakas sina Bel at Nebo. “Ang kanilang kaluluwa,” samakatuwid nga, sila mismo, ay yayaong patungo sa pagkabihag. (Isa 46:1, 2; tingnan din ang Jer 50:2.) Pipilitin ni Jehova si Bel na ilabas ang anumang nilulon nito sa pamamagitan ng mga mananamba nito na naniniwalang si Bel ang nagpangyari ng kanilang mga tagumpay. Higit sa lahat ay kailangang ilabas ni Bel ang itinapong bayan ni Jehova at ang sagradong mga kagamitan ng Kaniyang templo. Ang mga tao ng mga bansa na nilupig ng Babilonya ay hindi na huhugos sa pagsamba kay Bel o susuko sa mga mananamba niya na para bang sumusuko sa pangunahing diyos na iyon ng daigdig.​—Jer 51:44; tingnan ang MERODAC.