Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Belial

Belial

[mula sa Heb., nangangahulugang “Walang Kabuluhan”; isang tambalan ng beliʹ, “hindi, wala,” at ng ya·ʽalʹ, “magkaroon ng pakinabang; maging kapaki-pakinabang”].

Ang katangian o kalagayan ng pagiging walang silbi, imbi, walang kabuluhan. Ang terminong Hebreo na beli·yaʹʽal ay ikinakapit sa mga ideya, mga salita, at mga panukala (Deu 15:9; Aw 101:3; Na 1:11), at sa kapaha-pahamak na mga kalagayan (Aw 41:8). Ngunit pinakamalimit itong ikinakapit sa napakawalang-kabuluhang mga tao​—halimbawa, ang mga lalaking nag-uudyok ng pagsamba sa ibang mga diyos (Deu 13:13); ang mga lalaki ng Benjamin na gumawa ng krimen sa sekso sa Gibeah (Huk 19:22-27; 20:13); ang balakyot na mga anak ni Eli (1Sa 2:12); ang walang-pakundangang si Nabal (1Sa 25:17, 25); ang mga sumasalansang kay David na pinahiran ng Diyos (2Sa 20:1; 22:5; 23:6; Aw 18:4); ang walang-kabuluhang mga kasamahan ni Jeroboam (2Cr 13:7); ang mga kasabuwat ni Jezebel laban kay Nabot (1Ha 21:10, 13); at ang mga tao sa pangkalahatan na pumupukaw ng pagtatalo (Kaw 6:12-14; 16:27; 19:28). Upang ipahiwatig na ang kalabang kapangyarihan ay hindi na makahahadlang sa kaniyang bayan sa pagsasagawa nila ng tunay na pagsamba sa kanilang lupain, ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Hindi na muling daraan sa iyo ang walang-kabuluhang tao. Lubus-lubusan siyang lilipulin.”​—Na 1:15; tingnan din ang 1Sa 1:16; 10:27; 30:22; Job 34:18.

Sa pagpapatuloy ng pagsulat ng Bibliya noong unang siglo, ginamit ang “Belial” bilang isang pangalan para kay Satanas. Kaya sa 2 Corinto 6:15, nang si Pablo ay gumawa ng sunud-sunod na paghahambing kung saan sinabi niya, “Anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial?” karaniwan nang kinikilala na si “Belial” ay si Satanas. Ang Syriac na Peshitta ay kababasahan ng “Satanas.”