Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Belsasar

Belsasar

[mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “Ipagsanggalang ang Kaniyang Buhay”; o, posible, “Ipagsanggalang [Nawa] ni Bel ang Hari”].

Ang panganay na anak ni Nabonido, at kasamang-tagapamahala ni Nabonido noong mga huling taon ng Imperyo ng Babilonya. Sa ulat ng Bibliya, tanging ang propetang si Daniel ang bumabanggit sa kaniya, at sa loob ng mahabang panahon, ang kaniyang posisyon bilang “hari ng Babilonya” ay itinanggi ng mga kritiko ng Bibliya. (Dan 5:1, 9; 7:1; 8:1) Gayunman, napatunayan na ng arkeolohikal na katibayan mula sa mga sinaunang teksto ang pagiging tunay ng ulat ng Bibliya.

Sa Daniel 5:2, 11, 18, 22, si Nabucodonosor ay tinutukoy bilang “ama” ni Belsasar, at si Belsasar naman bilang “anak” ni Nabucodonosor. Ipinaliliwanag ng aklat na Nabonidus and Belshazzar (ni R. P. Dougherty, 1929) na malamang na ang ina ni Belsasar ay si Nitocris at na ito ay anak ni Nabucodonosor (II). Kung gayon nga, si Nabucodonosor ay lolo ni Belsasar. (Tingnan ang Gen 28:10, 13 para sa katulad na paggamit ng “ama.”) Gayunman, hindi lahat ng mga iskolar ay lubos na kumbinsido sa katibayan ng gayong kaugnayan. Maaaring si Nabucodonosor ay “ama” lamang ni Belsasar kung tungkol sa trono, anupat si Nabucodonosor ang hinalinhan niyang hari. Sa katulad na paraan, ginamit ng mga Asiryano ang pananalitang “anak ni Omri” upang tumukoy sa isang kahalili ni Omri.​—Tingnan ang OMRI Blg. 3.

Pinatototohanan ba ng sekular na kasaysayan na si Belsasar ay naging isang tagapamahala ng Babilonya?

Sa isang tapyas na cuneiform na nagmula pa noong taon ng pagluklok ni Neriglissar, na kasunod ni Awil-Marduk (Evil-merodac) sa tronong Babilonyo, tinutukoy ang isang “Belsasar, na punong opisyal ng hari,” may kaugnayan sa isang transaksiyon sa pera. Bagaman hindi napatunayan, posibleng tumutukoy ito sa Belsasar ng Bibliya. Noong 1924, inilathala ang kahulugan ng isang sinaunang tekstong cuneiform na tinawag na “Verse Account of Nabonidus,” at isiniwalat nito ang mahahalagang impormasyon na malinaw na nagpapatunay sa posisyon ni Belsasar bilang hari sa Babilonya at nagpapaliwanag kung paano siya naging kasamang-tagapamahala ni Nabonido. May kinalaman sa pagbihag ni Nabonido sa Tema noong ikatlong taon ng kaniyang pamamahala, isang bahagi ng teksto ang nagsasabi: “Ipinagkatiwala niya ang ‘Kampo’ sa kaniyang pinakamatanda(ng anak), ang panganay [si Belsasar], ang mga hukbo sa lahat ng dako ng bansa ay inutusan niyang magpasailalim (sa pangangasiwa) nito. Ipinaubaya niya (ang lahat), ipinagkatiwala ang pagkahari sa kaniya at, siya mismo, siya [si Nabonido] ay nagpasimula ng isang mahabang paglalakbay, ang mga hukbo(ng militar) ng Akkad ay humayong kasama niya; bumaling siya patungong Tema (na nasa malayo) sa dakong kanluran.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 313) Kaya, talagang humawak ng maharlikang awtoridad si Belsasar mula noong ikatlong taon ni Nabonido, at malamang na katugma ng pangyayaring ito ang pagtukoy ni Daniel sa “unang taon ni Belsasar na hari ng Babilonya.”​—Dan 7:1.

Sa isa pang dokumento na tinatawag na Nabonidus Chronicle, may masusumpungang pananalita hinggil sa ikapito, ikasiyam, ikasampu, at ikalabing-isang opisyal na taon ng paghahari ni Nabonido. Ito ay kababasahan: “Ang hari (ay) nasa Tema (samantalang) ang prinsipe, ang mga opisyal, at ang kaniyang hukbo (ay) nasa Akkad [Babilonia].” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 108) Lumilitaw na ginugol ni Nabonido ang kalakhang bahagi ng kaniyang paghahari nang malayo sa Babilonya, at bagaman hindi binibitiwan ang kaniyang posisyon bilang kataas-taasang tagapamahala, pinagkatiwalaan niya ng administratibong awtoridad ang kaniyang anak na si Belsasar upang mamahala habang wala siya. Maliwanag ito sa maraming tekstong nakuha mula sa mga sinaunang artsibo na nagpapatunay na si Belsasar ay humawak ng maharlikang mga pribilehiyo, na siya ay nagpapalabas noon ng mga utos. Ang mga bagay na inasikaso ni Belsasar sa ilang mga dokumento at mga utos ay mga bagay na karaniwan nang si Nabonido ang mag-aasikaso, bilang ang kataas-taasang tagapamahala, kung naroroon siya. Gayunman, si Belsasar ay nanatiling ikalawang tagapamahala lamang ng imperyo, kaya naman ang tanging maiaalok niya kay Daniel ay ang gawin itong “ikatlo sa kaharian.”​—Dan 5:16.

Totoo na sa opisyal na mga inskripsiyon, ang titulong ibinibigay kay Belsasar ay “tagapagmanang prinsipe,” samantalang sa aklat ng Daniel, ang kaniyang titulo ay “hari.” (Dan 5:1-30) Ipinahihiwatig ng isang tuklas sa arkeolohiya sa hilagang Sirya kung ano ang posibleng dahilan. Noong 1979, nahukay ang isang sinlaki-ng-taong estatuwa ng isang tagapamahala ng sinaunang Gozan. Sa laylayan nito ay may dalawang inskripsiyon, ang isa ay sa wikang Asiryano at ang isa naman ay sa wikang Aramaiko​—ang wikang ginamit sa ulat ng Daniel tungkol kay Belsasar. Ang dalawang inskripsiyon na halos magkatulad ay may isang katangi-tanging pagkakaiba. Ang teksto sa wikang Asiryano ng imperyo ay nagsasabing iyon ay estatuwa ng “gobernador ng Gozan.” Inilalarawan naman siya ng teksto sa Aramaiko, ang wika ng lokal na mga tao, bilang “hari.”

Kaya naman sumulat ang arkeologo at iskolar sa wika na si Alan Millard: “Kaayon ng mga impormasyong Babiloniko at ng mga bagong teksto tungkol sa estatuwang ito, maaaring itinuturing na angkop para sa gayong di-opisyal na mga rekord gaya ng Aklat ng Daniel na tawaging ‘hari’ si Belsasar. Gumanap siya bilang hari, ang kinatawan ng kaniyang ama, bagaman hindi siya ang legal na hari. Ang eksaktong pagkakaiba nila ay hindi na mahalagang ipakita at baka makalito lamang sa kuwento na inilahad sa Daniel.”​—Biblical Archaeology Review, Mayo/Hunyo 1985, p. 77.

Yaong mga humahawak ng soberanong kapangyarihan sa Babilonia ay inasahang magiging uliran sa pagpipitagan sa mga diyos. May anim na tekstong cuneiform hinggil sa mga pangyayari mula sa ika-5 hanggang sa ika-13 taon ng paghahari ni Nabonido na bumabanggit tungkol sa debosyon ni Belsasar sa mga bathala ng Babilonya. Bilang gumaganap na hari habang wala si Nabonido, ipinakikita ng mga dokumento na si Belsasar ay naghahandog ng ginto, pilak, at mga hayop sa mga templo sa Erec at Sippar, sa gayo’y kumilos siya sa paraang kasuwato ng kaniyang maharlikang posisyon.

Ang Wakas ng Pamamahala ni Belsasar. Noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. (kalendaryong Gregorian, o Oktubre 11, kalendaryong Julian), nagdaos si Belsasar ng isang malaking piging para sa isang libo sa kaniyang mga taong mahal, gaya ng inilalahad sa kabanata 5 ng Daniel. (Dan 5:1) Ang Babilonya ay pinagbabantaan noon ng nangungubkob na mga hukbo ni Ciro na Persiano at ng kaalyado nito na si Dario na Medo. Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus (na sumipi naman sa Babilonyong si Berossus), nagtago si Nabonido sa Borsippa pagkatapos siyang matalo ng mga hukbong Medo-Persiano sa pagbabaka. (Against Apion, I, 150-152 [20]) Kung gayon nga, si Belsasar ang gumaganap na hari sa mismong Babilonya. Hindi naman kakatwa ang pagdaraos ng isang piging samantalang kinukubkob ang lunsod kung tatandaan na may-kapanatagang itinuring ng mga Babilonyo na di-maigugupo ang mga pader ng lunsod. Sinabi rin ng mga istoryador na sina Herodotus at Xenophon na ang lunsod ay may saganang suplay ng mga bagay na kailangan kung kaya hindi ito nababahala na magkakaroon doon ng kakapusan. Ayon kay Herodotus, ang lunsod ay nagpipiging noong gabing iyon, na may sayawan at kasayahan.

Noong panahon ng piging na iyon at habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, ipinakuha ni Belsasar ang mga sisidlan na mula sa templo ng Jerusalem upang siya at ang kaniyang mga panauhin at ang kaniyang mga asawa at mga babae ay makainom mula sa mga iyon habang pinupuri nila ang mga diyos ng Babilonya. Maliwanag, ang kahilingang ito ay hindi dahil sa kakulangan ng mga inumang sisidlan, kundi, sa halip, ito’y isang sinasadyang panghahamak ng paganong haring ito upang dustain ang Diyos ng mga Israelita, si Jehova. (Dan 5:2-4) Sa gayon ay nagpahayag siya ng pagsalansang kay Jehova, na kumasi sa mga hula tungkol sa pagbagsak ng Babilonya. Bagaman waring hindi ikinabahala ni Belsasar ang pagkubkob na inihahanda ng mga hukbo ng kaaway, lubha naman siyang nangatog nang isang kamay ang biglang lumitaw at magsimulang magsulat sa pader ng palasyo. Habang nag-uumpugan ang kaniyang mga tuhod, ipinatawag niya ang lahat ng kaniyang marurunong na tao upang bigyang-pakahulugan ang nakasulat na mensahe, ngunit hindi nila iyon magawa. Ipinakikita ng ulat na sa puntong ito ay nagbigay ang reyna ng mahusay na payo, na inirerekomenda si Daniel bilang ang isa na makapagbibigay ng pakahulugan. (Dan 5:5-12) Sinasabi ng ilang iskolar na ang “reyna” ay hindi ang asawa ni Belsasar, kundi ang kaniyang ina, na pinaniniwalaang ang anak ni Nabucodonosor na si Nitocris. Sa ilalim ng pagkasi, isiniwalat ni Daniel ang kahulugan ng makahimalang mensahe, anupat inihula ang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at mga Persiano. Bagaman hinatulan ng matanda nang propeta ang mapamusong na pagkilos ni Belsasar sa paggamit ng mga sisidlan na para sa pagsamba kay Jehova upang purihin ang mga diyos na di-nakakakita, di-nakaririnig, at walang nalalaman, pinanindigan ni Belsasar ang kaniyang alok at ipinagkaloob kay Daniel ang posisyon na maging ikatlong tagapamahala sa kaharian na nakatalagang mawasak.​—Dan 5:17-29.

Napatay si Belsasar nang bumagsak ang lunsod noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. Ayon sa Nabonidus Chronicle, noong panahong iyon, “ang hukbo ni Ciro (II) ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, p. 109, 110; tingnan din ang Dan 5:30.) Sa pagkamatay ni Belsasar at sa lumilitaw na naging pagsuko ni Nabonido kay Ciro, ang Imperyong Neo-Babilonyo ay nagwakas.​—Tingnan ang CIRO; NABONIDO.

[Larawan sa pahina 372]

Ang silinder sa templo ng Babilonya na bumabanggit kay Haring Nabonido at sa kaniyang anak na si Belsasar