Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ben-hadad

Ben-hadad

[Anak ni Hadad].

Ang pangalan ng tatlong hari ng Sirya na binanggit sa rekord ng Bibliya. Si Hadad ang diyos ng bagyo na sinamba sa buong Sirya at sa iba pang kalapit na mga rehiyon.

1. Ang unang hari ng Sirya na may pangalang Ben-hadad sa ulat ng Bibliya ay anak ni Tabrimon at apo ni Hezion. Nakipagtipan siya kay Haring Baasa ng Israel, ngunit nang malaman ni Haring Asa ng Juda na pinatitibay ni Baasa ang Rama na ilang milya lamang sa H ng Jerusalem, natakot siya anupat sinuhulan niya si Ben-hadad upang sirain nito ang pakikipagtipan nito sa hilagang kaharian at salakayin iyon, sa gayo’y mapipilitang umatras si Baasa. Bilang kapalit ng maharlikang kayamanan ng Juda at niyaong mula sa santuwaryo ng templo, sinalakay ni Ben-hadad ang Israel, anupat dinaluhong ang iba’t ibang lunsod sa teritoryo ng Neptali at sa rehiyon ng Dagat ng Galilea. Gaya ng inaasahan, umatras si Baasa sa kaniyang kabisera sa Tirza. (1Ha 15:16-21; 2Cr 16:1-6) Naganap ang pangyayaring ito noong mga 962 B.C.E. (ang “ikatatlumpu’t anim na taon” sa 2 Cronica 16:1 ay maliwanag na tumutukoy sa ika-36 na taon mula nang mahati ang kaharian noong 997 B.C.E.).​—Tingnan ang ASA Blg. 1.

2. Ang sumunod na pagbanggit sa isang Siryanong hari na may pangalang Ben-hadad ay noong panahon ng paghahari ni Haring Ahab ng Israel (mga 940-920 B.C.E.). Noong mga ikalimang taon bago mamatay si Ahab, pinangunahan ni “Ben-hadad na hari ng Sirya” ang pinagsama-samang hukbo ng 32 hari, maliwanag na mga basalyo, laban sa Samaria. Kinubkob nila ang lunsod at hiniling ang walang-pasubaling pagsuko ni Haring Ahab. (1Ha 20:1-6) Nagpatawag si Ahab ng isang sanggunian ng matatandang lalaki sa lupain na nagpayo sa kaniya na lumaban. Pagkatapos, habang naghahanda ang mga hukbong Siryano para sa pagsalakay sa lunsod at habang si Ben-hadad at ang iba pang mga hari ay nagpapakalasing sa mga kubol na itinayo nila, isang estratehiya ang ginawa ni Ahab, bilang pagsunod sa payo ng Diyos, upang simulan ang isang biglaang pagsalakay sa kampo ng mga Siryano, at matagumpay niya silang nalupig.​—1Ha 20:7-21.

Palibhasa’y naniwala sa teoriya ng kaniyang mga tagapayo na si Jehova ay “isang Diyos ng mga bundok” at na sa gayon ang mga Israelita ay maaaring talunin sa patag na lupain, nang sumunod na taon ay pinangunahan ni Ben-hadad ang kaniyang hukbo sa Apek, lumilitaw na isang bayan na nasa S ng Dagat ng Galilea. (Tingnan ang APEK Blg. 5.) Ang mga hukbong Siryano ay muling naorganisa at ang 32 hari ay pinalitan ng mga gobernador bilang mga ulo ng mga hukbo, maliwanag na dahil iniisip nila na ang mga gobernador ay lalaban nang may higit na pagkakaisa at pagkamasunurin at marahil ay mas malakas ang pangganyak ng mga ito upang tumaas ang ranggo kaysa sa independiyenteng mga hari. Gayunman, ang mga teoriya ni Ben-hadad tungkol sa relihiyon at militar ay napatunayang walang-kabuluhan laban sa mga hukbong Israelita na bagaman napakakaunti ay patiunang binabalaan ng isang propeta hinggil sa pagsalakay at tinulungan ng Hari ng sansinukob, ang Diyos na Jehova. Ang mga hukbong Siryano ay pinagpapatay, at tumakas si Ben-hadad tungo sa Apek. Gayunman, pinalaya ni Ahab ang mapanganib na kaaway na ito dahil sa binitiwan nitong pangako: “Ang mga lunsod na kinuha ng aking ama mula sa iyong ama ay ibabalik ko; at magtatalaga ka ng mga lansangan sa iyong sarili sa Damasco katulad ng itinalaga ng aking ama sa Samaria.”​—1Ha 20:22-34.

Maraming magkakaibang opinyon hinggil sa kung ang Ben-hadad na ito ang siya ring Siryanong hari noong mga araw ni Baasa at ni Asa o kung siya ay anak o apo ng haring iyon. Masasabing si Ben-hadad I (ng panahon ni Asa) ang Ben-hadad noong panahon ni Ahab o ni Jehoram (mga 917-905 B.C.E.) kung ang paghahari niya ay tumagal nang mga 45 taon o higit pa. Sabihin pa, hindi naman ito imposible.

Gayunman, yaong mga naniniwala na ang Siryanong hari noong mga araw ni Ahab ay dapat tawaging Ben-hadad II ay tumutukoy sa pangakong binitiwan ni Ben-hadad kay Ahab, na sinipi sa naunang parapo. (1Ha 20:34) Sa unang tingin, lumilitaw na kumuha ang ama ni Ben-hadad ng mga lunsod mula kay Omri na ama ni Ahab. Ngunit kung ang tinutukoy na pang-aagaw ay yaong isinagawa ni Ben-hadad I noong panahon ng pamamahala ni Baasa, mangangahulugan iyon na si Ben-hadad I ang ama (o marahil ang hinalinhan lamang) ng Ben-hadad II noong panahon ng paghahari ni Ahab. Gayundin naman, ang “ama” ni Ahab ay posibleng tumutukoy sa isang hari na hinalinhan sa trono bagaman hindi kadugo bilang isang ninuno.​—Tingnan ang BELSASAR.

Gayunpaman, dahil tinukoy ang Samaria sa pangako ni Ben-hadad kay Ahab, waring nililimitahan nito sa paghahari ni Omri ang pagbihag ng Sirya sa mga Israelitang lunsod, yamang siya ang nagtayo ng Samaria na nang maglaon ay ginawa niyang kabisera ng Israel. Lumilitaw na ang itinalagang “mga lansangan” ay para sa pagtatayo ng mga tiangge, o mga pamilihan, upang itaguyod ang kapakanang pangkomersiyo.

Anuman ang mga kalagayan at panahon ng pagbihag sa mga Israelitang lunsod, waring ituturo ng maka-Kasulatang katibayan ang ibang Ben-hadad bilang tagapamahala noong panahon ni Ahab, samakatuwid ay maaari siyang tukuyin bilang Ben-hadad II. Lumilitaw na ang pangako ni Ben-hadad na ibabalik ang mga lunsod na kinuha ng kaniyang ama mula sa Israel ay hindi lubusang natupad, sapagkat noong huling taon ng pamamahala ni Ahab, ang Israelitang haring ito ay nakipag-alyansa kay Jehosapat sa isang nabigong pagsisikap na mabawi ang Ramot-gilead (sa S ng Jordan) mula sa mga Siryano. Maliwanag na si Ben-hadad II ang di-ipinakilalang “hari ng Sirya” na nag-utos sa kaniyang “tatlumpu’t dalawang pinuno ng mga karo” na ituon ang kanilang pagsalakay kay Ahab sa pagbabakang iyon. (1Ha 22:31-37) Malamang na siya rin ang hari na nagsugo sa kaniyang ketonging pinuno ng hukbo na si Naaman upang mapagaling ni Eliseo noong panahon ng paghahari ni Jehoram. Ang Siryanong haring ito ay sumasamba sa diyos na si Rimon (na ang pangalan ay bahagi ng pangalan ni Tabrimon, ama ni Ben-hadad I).​—2Ha 5:1-19.

Sa kabila ng pagpapagaling sa kaniyang heneral, matindi pa rin ang poot ni Ben-hadad sa Israel anupat nagsugo siya ng mga pangkat na sasalakay sa Israel. (2Ha 6:8; ihambing ang 23.) Gayunman, laging patiunang binababalaan ni Eliseo ang hari ng Israel hinggil sa ruta ng mga pangkat na sumasalakay anupat nagsimulang maghinala si Ben-hadad na may traidor sa sarili niyang mga lingkod. Nang malaman ni Ben-hadad na si Eliseo ang nagsasabi sa hari ng Israel tungkol sa ‘mga bagay na sinalita niya sa kaniyang pinakaloob na silid-tulugan,’ nagsugo ang Siryanong haring ito ng isang makapal na hukbong militar upang dakpin si Eliseo sa Dotan. Gayunman, makahimalang binulag ni Eliseo ang mga hukbo ng isang uri ng pagkabulag, at inakay niya sila sa gitna mismo ng Samaria na kabisera ng Israel. Ang karanasang ito, marahil pati na ang maawaing pagtrato at pagpapalaya sa mga Siryano roon, ang nagpahinto sa pandarambong, bagaman hindi nito inalis ang agresibong saloobin ni Ben-hadad.​—2Ha 6:9-23.

Palibhasa’y determinado pa ring pabagsakin ang kaharian ng Israel, nang maglaon ay tinipon ni Ben-hadad ang kaniyang mga hukbo at kinubkob ang Samaria, anupat nagbunga ito ng napakatinding taggutom. (2Ha 6:24-29) Gayunman, isang gabi nang pangyarihin ni Jehova na marinig ng kampo ng mga Siryano ang ingay ng isang malaking hukbo na paparating, kaagad nilang inisip na inupahan ni Jehoram ang mga Hiteo at ang mga Ehipsiyo upang saklolohan siya, at sa gayon ay tumakas sila sa kadiliman pabalik sa Sirya, at naiwan ang lahat ng kanilang kasangkapan at mga panustos.​—2Ha 7:6, 7.

Si Ben-hadad II ay nasa banig ng karamdaman nang maglakbay si Eliseo patungong Damasco upang isakatuparan ang atas mula sa Diyos na ibinigay sa hinalinhan niyang si Elias. (1Ha 19:15) Si Ben-hadad ay nagpadala sa propeta ng mga kaloob na pasan ng 40 kamelyo upang sumangguni kung siya ay gagaling pa sa kaniyang karamdaman. Ipinakikita ng sagot ni Eliseo, na binigkas kay Hazael, na ang hari ay mamamatay at si Hazael ang kukuha ng pagkahari. Nang sumunod na araw ay pinatay ni Hazael si Ben-hadad sa pamamagitan ng pagsasaklob ng kubrekama sa mukha nito, at pagkatapos ay kinuha ni Hazael ang trono bilang hari.​—2Ha 8:7-15.

3. Ang anak ni Hazael, hari ng Sirya. (2Ha 13:3) Maliwanag na si Ben-hadad III ay kasama ng kaniyang ama sa paniniil sa Israel noong mga araw ni Jehoahaz (876-mga 860 B.C.E.) at sa pagbihag ng Sirya sa mga Israelitang lunsod. Gayunman, nagbangon si Jehova ng “isang tagapagligtas” para sa Israel, lumilitaw na sa katauhan ng anak ni Jehoahaz na si Jehoas (mga 859-845 B.C.E.) at ng kahalili nitong si Jeroboam II (mga 844-804 B.C.E.). (2Ha 13:4, 5) Bilang katuparan ng panghuling hula ni Eliseo, muling nabihag ni Jehoas “mula sa kamay ni Ben-hadad na anak ni Hazael ang mga lunsod na kinuha niya sa digmaan mula sa kamay ni Jehoahaz,” anupat tinalo ang mga hukbong Siryano sa tatlong pagkakataon. (2Ha 13:19, 23-25) Ipinagpatuloy ni Jeroboam II ang mga tagumpay ng kaniyang ama laban sa Sirya, anupat ibinalik ang mga hangganan ng Israel sa dating kalagayan ng mga ito, sa gayo’y nagsilbi siyang isang tagapagligtas para sa Israel. (2Ha 14:23-27) Hindi binanggit si Ben-hadad III may kaugnayan sa mga pananakop ni Jeroboam at maaaring patay na siya noong panahong iyon.

Ang pananalitang “mga tirahang tore ni Ben-hadad,” na ginamit ng propetang si Amos (na nanghula noong panahon ng paghahari ni Jeroboam II) upang tumukoy sa maharlikang mga palasyo sa Damasco (Am 1:3-5; ihambing ang 2Ha 16:9), ay ginamit pa rin ni Jeremias sa katulad na paraan pagkaraan ng mga dalawang siglo.​—Jer 49:23-27.

Si Ben-hadad sa Sinaunang mga Inskripsiyon. Pagkatapos ilahad ang isang pakikibaka sa mga Siryano, ang isang inskripsiyon ni Salmaneser III ay nagsabi: “Si Hadadezer (mismo) ay namatay. Inagaw ni Hazael, isang karaniwang mamamayan (sa literal: anak ng isang taong walang halaga), ang trono.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 280) Kaya, lumilitaw na si Ben-hadad II ay tinawag ni Salmaneser III na “Hadadezer” (sa Asiryano, Adad-idri).

Inilalahad sa Stela ni Zakir ang tungkol sa pagsisikap na inilunsad ni “Barhadad, na anak ni Hazael, hari ng Aram,” bilang pinakaulo ng isang koalisyon ng mga Siryanong hari, upang maglapat ng parusa kay “Zakir, hari ng Hamat at Luʽath.” Ito ay karagdagang arkeolohikal na patotoo sa pag-iral ni Ben-hadad III na anak ni Hazael.​—Ancient Near Eastern Texts, p. 655.

Isang stela, na kilala bilang ang Stela ni Melqart, ang natagpuan noong 1940 mga 6 na km (3.5 mi) sa H ng Aleppo sa hilagang Sirya, at bagaman ang inskripsiyon ay hindi lubusang mabasa, ang isang bahagi nito ay kababasahan: “Isang stela na itinayo ni Barhadad . . . para sa kaniyang Panginoong si Melqart.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 655) Hindi tiyak kung ang Barhadad na tinutukoy rito ay si Ben-hadad I, II, III, o iba pang Ben-hadad.