Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bene-jaakan

Bene-jaakan

[Mga Anak ni Jaakan].

Isang dakong hinintuan ng mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang. (Bil 33:31, 32) Lumilitaw na si Jaakan ang Akan ng Genesis 36:27 at 1 Cronica 1:42 (kung saan ang tekstong Masoretiko ay kababasahan ng “Jaakan”). Sinasabi ng ulat sa aklat ng Mga Bilang na ang mga Israelita ay ‘lumisan mula sa Moserot at nagkampo sa Bene-jaakan. Pagkatapos ay lumisan sila mula sa Bene-jaakan at nagkampo sa Hor-hagidgad.’

Sa Deuteronomio 10:6, binabanggit ang Beerot Bene-jaakan may kaugnayan sa “Mosera” (pang-isahan ng Moserot), anupat malamang na nagpapahiwatig na ang Beerot Bene-jaakan (nangangahulugang “Mga Balon ng mga Anak ni Jaakan”) ay kapareho ng lokasyon ng Bene-jaakan. Gayunman, baligtad ang pagkakatala ng ulat ng Deuteronomio sa direksiyon ng paglalakbay ng Israel kung ihahambing sa ulat ng Mga Bilang, yamang sinasabi nito na “ang mga anak ni Israel ay lumisan mula sa Beerot Bene-jaakan patungong Mosera.” Dahil sa maraming taon na kanilang ginugol sa ilang, malaki ang posibilidad na dalawang beses dumaan sa rehiyong ito ang mga Israelita. Gaya ng sabi ng The Pentateuch and Haftorahs hinggil sa tekstong ito: “Ang isang posibleng paliwanag ay na matapos silang maglakbay sa isang timugang direksiyon patungo sa lupain ng Edom, ang mga Israelita ay kinailangang lumiko pahilaga.” (Inedit ni J. Hertz, London, 1972) Maaaring kinailangan nilang balikan ang maikling distansiya na kanilang binagtas at muling puntahan ang ilan sa mga lugar na kanilang dinaanan, ngunit sa pagkakataong ito ay sa pasalungat na direksiyon. Mapapansin na binabanggit ng ulat ng Deuteronomio (10:6) ang pagkamatay ni Aaron karaka-raka pagkatapos banggitin ang dakong hinintuan sa Mosera, samantalang inilalahad ng ulat ng Mga Bilang (33:31-39) ang paglalakbay ng mga Israelita patungong Ezion-geber at pagkatapos ay sa HK patungong Kades bago nito banggitin ang tungkol sa pagkamatay ni Aaron. Kaayon nito, pati na ng mahabang yugto ng mga taon na nasasangkot, tiyak na posible na muli nilang tinalunton ang kanilang dinaanan, kung gayon nga ang nangyari.

Kadalasang ipinapalagay na ang Bene-jaakan (Beerot Bene-jaakan) ay ang lugar na mga ilang milya lamang sa H ng Kades-barnea.​—Tingnan ang BEEROT BENE-JAAKAN.