Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Beranda

Beranda

Sa Hebreong Kasulatan, ang salita para sa beranda, ʼeh·lamʹ (o ʼu·lamʹ), ay hindi ginagamit upang tumukoy sa isang bahagi ng arkitektura ng indibiduwal na mga tahanan o mga pribadong bahay. Mahirap tiyakin kung may anumang uri ng beranda sa mga tahanan noon ng mga Israelita. Ngunit ipinakikita ng arkeolohikal na mga labí ng ilang bahay sa Megido na ang mga beranda ay itinayo sa palibot ng isang looban at na “isang silid sa unang palapag ang nagsilbing pasukang portiko.” (The Biblical Archaeologist, Mayo 1968, p. 46, 48) Sa Kasulatan, ang ʼeh·lamʹ ay ikinakapit sa dalawa sa mga gusaling pampubliko na itinayo ni Solomon, gayundin sa harap na bahagi ng templo ni Solomon, at sa ilang bahagi ng mga pintuang-daan at ng templo na ipinakita kay Ezekiel sa pangitain.

Beranda ng mga Haligi. Ang isa sa mga opisyal na gusali na itinayo ni Solomon sa lugar ng templo ilang panahon pagkaraan niyang matapos ang templo ay ang Beranda ng mga Haligi. (1Ha 7:1, 6) Yamang ang Beranda ng mga Haligi ay binanggit sa pagitan ng mga komento tungkol sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon at ng mga komento tungkol sa Beranda ng Trono, posible na ang Beranda ng mga Haligi ay nasa T ng templo at nasa pagitan ng dalawang opisyal na gusaling ito. Kaya naman kung ang isang tao ay manggagaling sa T, maaari siyang dumaan o lumibot sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon at pagkatapos ay pumasok sa Beranda ng mga Haligi, anupat lalakad siya rito patungo sa Beranda ng Trono.

Ang gusaling ito ay may haba na 50 siko (22.3 m; 72.9 piye) at lapad na 30 siko (13.4 m; 43.7 piye). Ipinahihiwatig ng mismong pangalan nito na binubuo ito ng mga hanay ng kahanga-hangang mga haligi. Binabanggit ng 1 Hari 7:6 na sa harap ng mga iyon ay may isa pang beranda na may mga haligi at isang kulandong. Marahil ay nangangahulugan ito na isang beranda na may nakausling kulandong at sinusuhayan ng mga haligi ang madaraanan muna ng isang tao. Pagkatapos, ang berandang ito ay dumurugtong sa mismong Beranda ng mga Haligi. Kung sa Beranda ng mga Haligi lamang kumakapit ang mga sukat na ibinigay, kung gayon ang sukat ng nakukulandungang bahagi ay hindi binanggit.

Maaaring ang gusaling ito ay nagsilbing isang maringal na pasukang-daan patungo sa Beranda ng Trono at isang dako kung saan inaasikaso ng hari ang karaniwang mga gawain ng kaharian at tinatanggap ang ilang bisita.

Beranda ng Trono. Ang isa pang gusali na itinayo ni Solomon pagkaraan niyang matapos ang templo ay ang Beranda ng Trono. (1Ha 7:1, 7) Waring ang “beranda ng paghatol” na tinutukoy sa teksto ay singkahulugan ng “Beranda ng Trono.” Kaya naman maliwanag na sa “Beranda ng Trono” inilagay ni Solomon ang kaniyang marangyang trono na yari sa garing at ginto at na dito siya humahatol.​—1Ha 10:18-20.

Ganito ang buong paglalarawan sa gusaling iyon: “Ginawa niya ang beranda ng paghatol; at pinalibutan nila iyon ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa mga tahilan.” (1Ha 7:7) Ang aktuwal na sinasabi ng tekstong Masoretiko ay “mula sa sahig hanggang sa sahig,” kaya naman naniniwala ang ilan na may sedro mula sa sahig ng gusaling ito hanggang sa sahig ng Beranda ng mga Haligi na binanggit sa naunang talata. Gayunman, ang Syriac na Peshitta ay kababasahan ng “mula sa sahig hanggang sa kisame,” at ang Latin na Vulgate naman ay nagsasabing “mula sa sahig hanggang sa tuktok.” Dahil dito, naniniwala ang ilang tagapagsalin na ang sedro ay isang uri ng magandang entrepanyo mula sa sahig ng Beranda hanggang sa mga tahilan o kisame nito. (NW, RS, JB, Ro) Bagaman wala ang iba pang mga arkitektural na detalye, mahihiwatigan na hindi ito isang gusali na may nakahantad na mga haligi sa isang panig o mga panig, gaya ng maaaring hitsura ng Bahay ng Kagubatan ng Lebanon at ng Beranda ng mga Haligi.

Yamang ang Beranda ng Trono ay nakatalang kasunod mismo ng Beranda ng mga Haligi, posibleng ang huling nabanggit na gusali ay nagsilbing isang maringal na pasukan patungo sa Beranda ng Trono. Kung sa T manggagaling ang isang tao, maaaring kailangan siyang lumakad sa Beranda ng mga Haligi upang makapasok sa beranda ng paghatol.

Ang Templo ni Solomon. Bagaman ang pangunahing mga bahagi ng templo ay ang mga silid ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan, sa harap ng dakong Banal (sa gawing S) ay may isang pagkalaki-laking beranda na nagsilbing isang pasukang-daan patungo sa templo. Ang berandang ito ay may haba na 20 siko (8.9 m; 29.2 piye) [anupat paayon sa lapad ng templo] at lalim na 10 siko (4.5 m; 14.6 piye). (1Ha 6:3) Ang taas nito ay 120 siko (53.4 m; 175 piye). Ibinibigay ng 2 Cronica 3:4 ang taas ng beranda sa paraang kaayon ng iba pang mga sukat ng bahay, mga sukat na karaniwang tinatanggap at kasuwato niyaong nasa Unang Hari. (Ihambing ang 2Cr 3:3, 4 sa 1Ha 6:2, 3, 17, 20.) Sa gayon, lumilitaw na ang beranda ay isang tore na mataas, maliwanag na parihaba, at mas mataas kaysa sa iba pang mga bahagi ng gusali ng templo. Sa harap nito ay may dalawang pagkalaki-laking tansong haligi na pinanganlang Jakin at Boaz. (1Ha 7:15-22; 2Cr 3:15-17) May mga pinto rin ang berandang ito (isinara ni Haring Ahaz ang mga iyon, ngunit nang maglaon ay binuksan at kinumpuni ng kaniyang anak na si Hezekias ang mga ito). (2Cr 28:24; 29:3, 7) Tiyak na napakagandang pagmasdan noon ang pagkataas-taas na beranda ng templo, lalo na sa umaga kapag tinatamaan ito ng sikat ng araw mula sa S.

Pangitain ni Ezekiel Tungkol sa Templo. Maraming binabanggit na beranda sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa isang santuwaryo ng templo. Ang gusali mismo ng templo ay may isang beranda sa harap nito (sa dakong S), gaya rin ng templo ni Solomon. Gayunman, ang haba ng berandang ito ay 20 siko (10.4 m; 34 na piye) at ang lapad nito ay 11 siko (5.7 m; 18.7 piye); hindi binanggit ang taas nito. (Ang mga sukat na ito ay ibinatay sa mahabang siko na mga 51.8 sentimetro [20.4 pulgada]; tingnan ang Eze 40:5, tlb sa Rbi8.) May mga panggitnang haligi at mga panggilid na haligi ang berandang ito, at mayroon din itong isang kulandong na kahoy, malamang na malapit sa tuktok. (Eze 40:48, 49; 41:25, 26) Bawat isa sa tatlong mararangyang pintuang-daan sa dakong labas (mula sa S, T, at H) ay may beranda na may mga bintanang papakipot ang mga hamba. Lumilitaw na kung ang isang tao ay aakyat sa hagdan patungo sa pintuang-daan, madaraanan niya ang tatlong silid ng bantay na nasa magkabilang panig at pagkatapos, pagkatawid sa isang pintuan, daraan siya sa beranda bago siya makapasok sa looban sa dakong labas. (Eze 40:6-17) Mayroon ding beranda ang bawat isa sa tatlong pintuang-daan sa dakong loob, marahil ay masusumpungan iyon pagkaakyat ng isang tao sa mga baytang at pagkapasok niya sa pintuang-daan. Sa beranda na nasa pintuang-daan papasók mula sa H ay may masusumpungang apat na mesa na pinagpapatayan ng buong handog na sinusunog.​—Eze 40:35-42.