Berilo
Isang mineral na maaaring tinatagos o di-tinatagos ng liwanag at binubuo ng isang silicate ng aluminyo at beryllium. Mas matigas ito kaysa sa kwarts at kadalasa’y kulay berdeng madilaw, ngunit kung minsan naman ay berde, dilaw, asul, puti, mapusyaw na pula, o kaya nama’y walang kulay. Ang klasipikasyon ng berilong matingkad na berde ay esmeralda, ang asul na maberde-berde naman ay aquamarine, at ang uring kulay-rosas ay tinatawag na morganite. Ang berilo ay karaniwang matatagpuan sa mga batong granitiko sa anyong mga kristal na anim ang gilid. May natuklasang indibiduwal na mga kristal ng berilo na tumitimbang nang mahigit na 25 tonelada.
Ang berilo ay isang napakapopular na batong hiyas noong sinaunang mga panahon. Ang mga Griego ay naglilok ng magagandang disenyo mula rito, at ang mga Romano naman ay gumawa ng mga palawit sa tainga mula sa likas na mga kristal nito. Miminsan lamang binanggit ang berilo (sa Gr., beʹryl·los) sa Kasulatan (NW, NE, RS), anupat ito ang ikawalong pundasyon ng pader ng Bagong Jerusalem.—Apo 21:2, 19, 20.