Bernabe
[Anak ng Kaaliwan].
Ang prominenteng tauhang ito ng unang-siglong Kristiyanismo ay unang ipinakilala sa atin ni Lucas sa Kasulatan sa Gawa 4:34-36. Ipinakikita roon na ang taimtim na lalaking ito ay isang Levita at isang katutubo ng pulo ng Ciprus, ngunit nasa Jerusalem siya nang siya’y ipakilala. Sa maraming mananampalataya na di-kalaunan pagkaraan ng Pentecostes ay nagbili ng kanilang mga bukid at mga bahay at nagbigay ng pinagbilhang halaga sa mga apostol para sa pagpapasulong ng gawaing Kristiyano, isa ang lalaking ito sa mga binanggit ang pangalan. Ang kaniyang unang pangalan ay Jose, ngunit binigyan siya ng mga apostol ng huling pangalang Bernabe, nangangahulugang “Anak ng Kaaliwan.” Pangkaraniwan noon ang kaugaliang ito ng pagbibigay ng mga huling pangalan alinsunod sa mga katangian ng isa.
Siya ay isang taong lubhang mapagmahal at bukas-palad, isa na hindi nag-atubiling ibigay kapuwa ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga materyal na pag-aari para sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian. Malugod niyang “tinulungan” ang kaniyang mga kapatid (Gaw 9:27), at sa harap ng mga bagong interesado, “siya ay nagsaya at pinasimulang patibaying-loob ang lahat na manatili sa Panginoon taglay ang taos-pusong layunin.” Si Bernabe ay “isang lalaking mabuti at puspos ng banal na espiritu at ng pananampalataya” (Gaw 11:23, 24), isang propeta at guro sa Antioquia. (Gaw 13:1) Tinukoy ng mga apostol si Bernabe na kabilang sa kanilang “mga iniibig” na “nagbigay ng kanilang mga kaluluwa alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Gaw 15:25, 26) Bagaman hindi siya isa sa 12 apostol, angkop lamang na tawagin siyang apostol (Gaw 14:14), sapagkat siya ay tunay na “isinugo ng banal na espiritu.”—Gaw 13:4, 43.
Ang malapít na pakikipagsamahan ni Bernabe kay Pablo, na tumagal nang maraming taon, ay nagsimula mga tatlong taon pagkaraang makumberte si Pablo, nang naisin nitong makipag-ugnayan sa kongregasyon sa Jerusalem. Hindi iniulat kung paano unang nakilala ni Bernabe si Pablo. Ngunit si Bernabe ang nagkapribilehiyong ipakilala si Pablo kay Pedro at sa alagad na si Santiago.—Samantala, sa Antioquia ng Sirya ay marami ang naging interesado sa Kristiyanismo dahil sa ilang Judiong nagsasalita ng Griego mula sa Ciprus at Cirene. Dahil dito, isinugo ng lupong tagapamahala na nasa Jerusalem si Bernabe sa Antioquia upang higit pang patibaying-loob at palakasin ang mga bagong mananampalatayang ito. Angkop ang pagkakapili kay Bernabe para sa gawaing ito, yamang siya ay isang taga-Ciprus na nagsasalita ng Griego. Nang “isang malaking pulutong ang naparagdag sa Panginoon” sa Antioquia, kaagad na nagtungo si Bernabe sa Tarso at hinikayat si Pablo na sumama at tumulong sa ministeryo. Noong mga panahong iyon, dahil sa isang babala mula sa Diyos tungkol sa isang nalalapit na taggutom, nagtipon ng maraming panustos ang mga kapatid sa Antioquia, at nang maglaon ay ipinadala ang mga ito sa kongregasyon sa Jerusalem sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Pablo.—Gaw 11:22-24, 27-30; 12:25.
Nang matapos ang gawaing pagtulong na iyon, ang dalawa ay bumalik sa Antioquia noong mga 47 C.E. at mula roon, sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, sila ay lumisan patungo sa kanilang atas bilang mga misyonero. Unang narating nina Bernabe at Pablo ang Ciprus, kung saan sa tulong nila ay napaabutan ng katotohanan ng Diyos ang proconsul na si Sergio Paulo. Mula roon ay naglakbay sila papasók sa Asia Minor. May mga panahon na lubha silang pinag-usig ng mga mang-uumog. Noong minsan, nang pagalingin nila sa Listra ang isang lalaking pilay, halos hindi nila mapigilan “ang mga pulutong sa paghahain sa kanila” (palibhasa’y inaakalang si Bernabe ang diyos na si Zeus at si Pablo, na “nangunguna sa pagsasalita,” ay si Hermes, o Mercury), ngunit pagkatapos mismo nito, ang mga Judio ay “nanghikayat sa mga pulutong, at binato nila si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lunsod.”—Gaw 13:1-12; 14:1-20.
Noong mga 49 C.E., dinala nina Bernabe at Pablo sa lupong tagapamahala sa Jerusalem ang mainit na usapin ng pagtutuli ng mga di-Judio, at nang masagot na iyon, di-nagtagal ay bumalik sila sa Antioquia at naghanda para sa susunod nilang paglalakbay bilang mga misyonero. (Gaw 15:2-36) Gayunman, dahil hindi sila magkasundo kung isasama si Juan Marcos, sila ay naghiwalay at nagtungo sa magkaibang teritoryo. Isinama ni Bernabe ang pinsan niyang si Marcos sa Ciprus, at isinama naman ni Pablo si Silas sa mga distrito ng Sirya at Cilicia. (Gaw 15:37-41) Dito nagwakas ang ulat ng Kasulatan tungkol kay Bernabe, maliban sa maiikling pagbanggit hinggil sa kaniya sa ilang liham ni Pablo.—1Co 9:6; Gal 2:1, 9, 13; Col 4:10.