Bersiyon, Mga
Mga salin ng Bibliya mula sa Hebreo, Aramaiko, at Griego tungo sa ibang mga wika. Dahil sa pagsasalin, ang Salita ng Diyos ay maaari nang mabasa ng libu-libong milyong tao na hindi nakauunawa ng orihinal na mga wika ng Bibliya. Ang maagang mga bersiyon ng Kasulatan ay sulat-kamay at sa gayon ay nasa anyong manuskrito. Gayunman, mula nang maimbento ang palimbagan, maraming iba pang mga bersiyon, o mga salin, ang naglitawan, na karaniwan nang inilalathala nang maramihan. Ang ilang bersiyon ay tuwirang isinalin mula sa Hebreo at Griegong mga teksto ng Bibliya, samantalang ang iba naman ay ibinatay sa mas naunang mga salin.—TSART, Tomo 1, p. 321.
Ang Kasulatan ay nailathala na, buo man o ilang bahagi lamang, sa mahigit na 3,000 wika. Kung ang saklaw ng mga wikang iyon ang pag-uusapan, nangangahulugan ito na mga 90 porsiyento ng populasyon ng lupa ang maaaring makabasa ng kahit man lamang isang bahagi ng Bibliya. Ang ulat hinggil sa mga bersiyon, o mga salin, ng Kasulatan ay mag-uudyok sa isa na pasalamatan ang Diyos na Jehova dahil iningatan niya ang kaniyang Salita sa kamangha-manghang paraan para sa kapakinabangan ng milyun-milyong tao.
Sinaunang mga Bersiyon ng Hebreong Kasulatan. May umiiral pa ngayong mga 6,000 sinaunang manuskrito ng lahat o ilang bahagi ng Hebreong Kasulatan na nakasulat sa Hebreo (maliban sa ilang seksiyong Aramaiko). Umiiral pa rin sa ngayon ang maraming manuskrito ng matatandang bersiyon, o salin, ng Hebreong Kasulatan sa iba’t ibang wika. Ang ilang bersiyon ay mga salin mismo ng mas naunang mga salin mula sa Hebreo. Halimbawa, ang Hebreong Kasulatan ng bersiyong Matandang Latin ay isinalin mula sa Septuagint, isang saling Griego ng Hebreong Kasulatan. Sa kabilang dako naman, ang ilang sinaunang bersiyon ng Hebreong Kasulatan (ang Griegong Septuagint, ang mga Aramaikong Targum, ang Syriac na Peshitta, at ang Latin na Vulgate) ay tuwirang isinalin mula sa Hebreo at hindi na dumaan sa isang bersiyon sa Griego o sa iba pang wika.
Samaritanong “Pentateuch.” Pagkaraang ipatapon ng Asirya ang karamihan sa mga naninirahan sa Samaria at sa sampung-tribong kaharian ng Israel noong 740 B.C.E., mga pagano mula sa ibang mga teritoryo ng Imperyo ng Asirya ang pinamayan nila roon. (2Ha 17:22-33) Nang maglaon, ang mga inapo niyaong mga naiwan sa Samaria at niyaong mga dinala roon ng Asirya ay tinawag na mga Samaritano. Tinanggap nila ang unang limang aklat ng Hebreong Kasulatan, at noong mga ikaapat na siglo B.C.E., ginawa nila ang Samaritanong Pentateuch, na hindi talaga isang salin ng orihinal na Hebreong Pentateuch, kundi isang transliterasyon ng teksto nito tungo sa mga titik Samaritano, na hinaluan ng mga idyomang Samaritano. Iilan lamang sa umiiral na mga manuskrito ng Samaritanong Pentateuch ang mas matanda kaysa sa ika-13 siglo C.E. Sa mga 6,000 pagkakaiba sa pagitan ng tekstong Samaritano at tekstong Hebreo, ang karamihan ay hindi naman mahalaga. Ang isang pagkakaiba na kapansin-pansin ay makikita sa Exodo 12:40, kung saan katugma ng Samaritanong Pentateuch ang Septuagint.
Mga Targum. Ang “mga Targum” ay malayang mga salin o nagpapakahulugang mga salin ng Hebreong Kasulatan tungo sa Aramaiko. Bagaman may mga piraso ng sinaunang mga Targum ng ilang aklat na nasumpungang kasama sa Dead Sea Scrolls, malamang na ang mga Judiong Targum sa pangkalahatan ay isinaayos sa kasalukuyang anyo ng mga ito pagkaraan ng ikalimang siglo C.E. Ang isa sa mga pangunahing Targum, ang “Targum ni Onkelos” ng Pentateuch, ay napakaliteral. Ang isa naman, ang tinatawag na Targum ni Jonathan para sa Mga Propeta, ay hindi gaanong literal. Umiiral pa sa ngayon ang mga Targum ng karamihan sa mga aklat ng Hebreong Kasulatan maliban sa Ezra, Nehemias, at Daniel.
Ang Griegong “Septuagint.” Ang Griegong Septuagint (madalas tukuyin bilang LXX) ay ginamit ng nagsasalita-ng-Griegong mga Judio at mga Kristiyano sa Ehipto at sa iba pang dako. Ayon sa ulat, sinimulan itong gawin sa Ehipto noong mga araw ni Ptolemy Philadelphus (285-246 B.C.E.), nang, ayon sa tradisyon, ang bahaging Pentateuch nito ay isalin sa Griego ng 72 Judiong iskolar. Nang maglaon, ang bilang na 70 ang siyang ginamit, at ang bersiyon nito ng Pentateuch ay tinukoy bilang ang Septuagint, nangangahulugang “Pitumpu.” Ang iba pang mga aklat ng Hebreong Kasulatan (ginawa ng iba’t ibang tagapagsalin na may sari-saring istilo, anupat may napakaliteral at mayroon ding malayang salin) ay unti-unting idinagdag hanggang sa makumpleto ang salin ng buong Hebreong Kasulatan noong ikalawang siglo B.C.E., marahil ay noong APOKRIPA.
150 B.C.E. Magmula noon, ang buong akda ay nakilala bilang ang Septuagint. Ang bersiyong ito ay malimit sipiin ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maliwanag na isiningit sa Griegong Septuagint ang mga akdang Apokripal noong kumpleto na ito.—Tingnan angAng isa sa pinakamatatandang umiiral na manuskrito ng Griegong Septuagint ay ang Papyrus 957, ang Rylands Papyrus iii. 458, na iniingatan sa John Rylands Library, Manchester, Inglatera. Ito ay mula pa noong ikalawang siglo B.C.E. at binubuo ng mga piraso ng Deuteronomio (23:24–24:3; 25:1-3; 26:12, 17-19; 28:31-33). Ang isa pang manuskrito, na mula pa noong unang siglo B.C.E., ay ang Papyrus Fouad 266 (nasa pag-iingat ng Société Egyptienne de Papyrologie, Cairo), na naglalaman ng ilang bahagi ng ikalawang kalahatian ng Deuteronomio alinsunod sa Griegong Septuagint. Sa iba’t ibang talata nito, ang Tetragrammaton (YHWH sa Ingles) ng banal na pangalan ay makikitang nasa anyong parisukat na mga titik Hebreo sa loob mismo ng sulat na Griego.—Tingnan ang LARAWAN, Tomo 1, p. 326; JEHOVA.
Sa gayon, ang Griegong Septuagint ay naingatan sa maraming manuskrito, anupat ang marami ay pira-piraso at ang iba naman ay halos kumpleto. Partikular na, ang mga tekstong Septuagint ay naingatan sa tatlong kilaláng manuskritong uncial na isinulat sa vellum—ang Vatican Manuscript No. 1209 at ang Sinaitic Manuscript, kapuwa mula noong ikaapat na siglo C.E., at ang Alexandrine Manuscript na mula naman noong ikalimang siglo C.E. Ang Septuagint na masusumpungan sa Vatican Manuscript No. 1209 ay halos kumpleto; ang isang bahagi ng Hebreong Kasulatan na dating kalakip sa Sinaitic Manuscript ay nawala na; yaong nasa Alexandrine Manuscript ay halos kumpleto, bagaman kulang ito ng ilang bahagi ng Genesis, Unang Samuel, at Mga Awit.
Mas huling mga bersiyong Griego. Noong ikalawang siglo, si Aquila, isang proselitang Judio mula sa Ponto, ay gumawa ng isang bago at napakaliteral na saling Griego ng Hebreong Kasulatan. Nawala na ito maliban sa mga pira-piraso at sa mga pagsipi rito ng sinaunang mga manunulat. Ang isa pang saling Griego noong siglo ring iyon ay ginawa ni Theodotion. Lumilitaw na ang ginawa niya ay isang rebisyon ng Septuagint o ng iba pang bersiyong Griego ng Hebreong Kasulatan, bagaman kinonsulta rin niya ang tekstong Hebreo. Wala nang umiiral na kumpletong kopya ng bersiyon ni Theodotion. Ang isa pang bersiyong Griego ng Hebreong Kasulatan na wala na ring umiiral na kumpletong kopya ay yaong kay Symmachus. Sa kaniyang salin, malamang na ginawa noong mga 200 C.E., sinikap niyang itawid ang tamang diwa sa halip na maging literal.
Noong mga 245 C.E., nakumpleto ni Origen, kilaláng iskolar ng Alejandria, Ehipto, ang isang pagkalaki-laki at maramihang bersiyon ng Hebreong Kasulatan na tinatawag na Hexapla (nangangahulugang “animan”). Bagaman may umiiral pang mga piraso nito, walang kumpletong kopyang manuskrito ang naingatan. Inayos ni Origen ang teksto sa anim na magkakahanay na tudling na naglalaman ng (1) tekstong Hebreo na puro katinig, (2) isang Griegong transliterasyon ng tekstong Hebreo, (3) bersiyong Griego ni Aquila, (4) bersiyong Griego ni Symmachus, (5) Septuagint, nirebisa ni Origen upang mas eksaktong makatugma ng tekstong Hebreo, at (6) bersiyong Griego ni Theodotion. Sa Mga Awit, gumamit si Origen ng mga bersiyong di-kilala ang sumulat, na tinawag niyang Quinta, Sexta, at Septima. Ang Quinta at Sexta ay ginamit din sa iba pang mga aklat.
Kristiyanong Griegong Kasulatan. May mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan tungo sa Syriac (isang diyalektong Aramaiko) na ginawa mula noong ikalawang siglo. Ang isang bersiyong Syriac na natatangi ay ang Diatessaron ni Tatian, isang akdang nagpapakita ng pagkakasuwato ng mga Ebanghelyo at nagmula noong ikalawang siglo C.E. Maaaring orihinal itong isinulat sa Roma sa wikang Griego at nang maglaon ay isinalin mismo ni Tatian sa Sirya tungo sa wikang Syriac, ngunit hindi ito matiyak. Ang Diatessaron ay umiiral sa ngayon sa isang saling Arabe, bukod pa sa isang maliit na pirasong vellum sa Griego na mula noong ikatlong siglo at sa dalawang edisyon ng komentaryo ni Ephraem, isa sa orihinal na Syriac at isa sa saling Armeniano, na mula noong ikaapat na siglo at naglalaman ng mahahabang pagsipi mula sa teksto nito.
Tanging mga di-kumpletong manuskrito ng isang Matandang Syriac na bersiyon ng mga Ebanghelyo (isang salin na iba pa sa Diatessaron) ang umiiral sa ngayon, ang mga Ebanghelyo na Curetonian at Sinaitic Syriac. Bagaman ang mga manuskritong ito ay kinopya marahil noong ikalimang siglo, malamang na kumakatawan ang mga ito sa isang mas matandang tekstong Syriac. Ang orihinal na bersiyon ay maaaring ginawa mula sa Griego noong mga 200 C.E. Malamang, may umiiral na noon na Matandang Syriac na mga salin ng iba pang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ngunit wala nang manuskrito ng mga iyon ang umiiral sa ngayon. Ang lahat ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan maliban sa Ikalawang Pedro, Ikalawa at Ikatlong Juan, Judas, at Apocalipsis ay kasama sa Syriac na Peshitta ng ikalimang siglo. Noong mga 508 C.E., hiniling ni Philoxenus, obispo ng
Hierapolis, kay Polycarp na gumawa ng isang rebisyon ng Kristiyanong Kasulatang Peshitta, at ito ang unang pagkakataon na naparagdag sa isang bersiyong Syriac ang Ikalawang Pedro, Ikalawa at Ikatlong Juan, Judas, at Apocalipsis.Sa pagtatapos ng ikalawang siglo C.E., ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay naisalin na sa Latin. Mayroon na rin nito sa wikang Ehipsiyo noong mga kalagitnaan ng ikatlong siglo.
Sinaunang mga Bersiyon ng Buong Bibliya. Ang Peshitta ng mga taong nagsasalita ng Syriac at nag-aangking Kristiyano ay karaniwan nang ginagamit mula pa noong ikalimang siglo C.E. Ang salitang “Peshitta” ay nangangahulugang “simple.” Ang Hebreong Kasulatan nito ay pangunahin nang isang salin mula sa Hebreo, malamang na ginawa noong ikalawa o ikatlong siglo C.E., bagaman ang isang mas huling rebisyon ay ginawa nang may paghahambing sa Septuagint. Maraming manuskritong Peshitta ang umiiral sa ngayon, anupat ang pinakakapaki-pakinabang ay isang codex na mula noong ikaanim o ikapitong siglo at iniingatan sa Ambrosian Library sa Milan, Italya. Ang isang manuskritong Peshitta ng Pentateuch (walang Levitico) ay pinirmahan ng petsa na mga 464 C.E., at isang palimpsest na may Isaias ang pinirmahan ng petsang 459-460 C.E., kaya ang mga ito ang pinakamatatandang pinetsahang manuskrito ng Bibliya sa alinmang wika.
Matandang Latin. Ito ang panlahatang tawag (Vetus Latina) sa mga tekstong isinalin sa Latin; sa pangkalahatan, ang mga ito ay bago ang Vulgate ni Jerome. Malamang na lumitaw ang mga ito mula noong huling bahagi ng ikalawang siglo C.E., pero ang pinakalumang katibayan ng Bibliyang Latin ay mula sa Cartago, Hilagang Aprika, noong 250 C.E. o bago pa nito. Ang Hebreong Kasulatan ay isinalin sa Latin mula sa Griegong Septuagint (hindi pa noon narerebisa ni Origen), ngunit ang Kristiyanong Kasulatan ay isinalin mula sa orihinal na Griego. Maaaring iba’t ibang salin ang ginawa, o maaaring maraming tagapagsalin ang nagtrabaho sa bersiyong Matandang Latin. Kadalasang sumasangguni ang mga iskolar sa dalawang pangunahing uri ng tekstong Matandang Latin: ang Aprikano at ang Europeo. Ang pinakalumang manuskrito ng Bibliya na umiiral pa sa ngayon ay mula noong ikaapat at ikalimang siglo C.E.
Latin na “Vulgate.” Ang Latin na Vulgate (Vulgata Latina) ay isang bersiyon ng buong Bibliya na ginawa ng pangunahing iskolar ng Bibliya noong panahong iyon, si Eusebius Hieronymus, na mas kilala bilang Jerome. Gumawa muna siya ng isang rebisyon ng Matandang Latin na bersiyon ng Kristiyanong Kasulatan na inihambing sa tekstong Griego; nagsimula siya sa mga Ebanghelyo, na inilathala noong 383 o 384 C.E. Hindi matiyak kung kailan niya natapos ang kaniyang rebisyon ng Kristiyanong Kasulatan sa Matandang Latin. Sa pagitan ng mga 384 at 390 C.E., gumawa siya ng dalawang rebisyon ng Mga Awit sa Matandang Latin, na batay sa Griegong Septuagint. Wala na ang una, pero posibleng ang tinatawag na Roman Psalter ay tumutukoy sa tekstong Matandang Latin na nirebisa niya. Ang ikalawa ay tinatawag na Gallican Psalter, dahil naging popular ito sa Gaul. Tuwiran ding isinalin ni Jerome ang Mga Awit mula sa Hebreo, anupat ang akdang ito ay tinawag na Hebrew Psalter. Hindi matiyak kung kailan niya natapos ang kaniyang rebisyon ng Kristiyanong Kasulatan sa Matandang Latin. Sinimulan niyang rebisahin ang Hebreong Kasulatan nito ngunit lumilitaw na hindi niya tinapos ang rebisyong iyon, yamang minabuti niyang tuwirang magsalin mula sa Hebreo (bagaman sumangguni rin siya sa mga bersiyong Griego). Nagpagal si Jerome sa kaniyang saling Latin mula sa Hebreo mula noong mga 390 hanggang 405 C.E.
Sa pasimula, ang bersiyon ni Jerome ay ayaw tanggapin ng karamihan, at unti-unti lamang itong nagkaroon ng malawakang pagsang-ayon. Nang maglaon, dahil sa pagtanggap dito ng karamihan sa kanluraning Europa, tinawag itong Vulgate, na tumutukoy sa isang karaniwang tinatanggap na bersiyon (ang Latin na vulgatus ay nangangahulugang “pangkaraniwan, kilala”). Nagkaroon ng mga rebisyon ang orihinal na salin ni Jerome, anupat yaong rebisyon noong 1592 ang ginamit ng Simbahang Romano Katoliko bilang pamantayang edisyon. Libu-libo pang manuskrito ng Vulgate ang umiiral sa ngayon.
Iba pang sinaunang mga salin. Habang lumalaganap ang Kristiyanismo, kinailangan ang iba pang mga bersiyon. Noong ikatlong siglo C.E., o bago pa nito, may nagawa nang unang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa mga katutubong Coptic ng Ehipto. Iba’t ibang diyalektong Coptic ang ginagamit noon sa Ehipto, at sa kalaunan ay iba’t ibang bersiyong Coptic ang ginawa. Ang pinakamahahalaga ay ang Thebaic, o Sahidic, Version ng Mataas na Ehipto (sa T) at ang Bohairic Version ng Mababang Ehipto (sa H). Ang mga bersiyong ito, naglalaman kapuwa ng Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay malamang na ginawa noong ikatlo at ikaapat na siglo C.E.
Ang bersiyong Gothic ay ginawa para sa mga Goth noong ikaapat na siglo C.E. samantalang namamayan sila sa Moesia (Serbia at Bulgaria). Wala roon ang mga aklat ng Samuel at Mga Hari, na iniuulat na inalis dahil inakala ni Obispo Ulfilas, na siyang nagsalin, na mapanganib na ilakip at ipabasa
sa mga Goth ang mga aklat na iyon na tumatalakay sa pakikipagdigma at naglalaman ng impormasyon laban sa idolatriya.Ang bersiyong Armeniano ng Bibliya ay mula pa noong ikalimang siglo C.E. at malamang na inihanda kapuwa mula sa mga tekstong Griego at Syriac. Ang bersiyong Georgiano, na ginawa para sa mga taga-Georgia sa Caucasus, ay nakumpleto noong pagtatapos ng ikaanim na siglo C.E. at, bagaman kakikitaan ng impluwensiyang Griego, mayroon itong saligang Armeniano at Syriac. Ang bersiyong Ethiopic, na ginamit ng mga taga-Abyssinia, ay ginawa marahil noong mga ikaapat o ikalimang siglo C.E. May ilang matatandang bersiyon ng Kasulatan sa Arabe. Ang mga salin ng mga bahagi ng Bibliya tungo sa Arabe ay maaaring mula pa noong ikapitong siglo C.E., ngunit ang pinakamaaga ayon sa rekord ay isang bersiyon na ginawa sa Espanya noong 724 C.E. Ang bersiyong Slavonic ay ginawa noong ikasiyam na siglo C.E. at kinikilalang isinalin ng magkapatid na sina Cyril at Methodius.