Betzata
Ang pangalang ito’y lumilitaw may kaugnayan sa isang tipunang-tubig na may ganitong pangalan at doo’y pinagaling ni Jesus ang isang lalaki na 38 taon nang may sakit. (Ju 5:1-9) Sa Juan 5:2, ang ilang manuskrito at salin (AS-Tg, MB) ay kababasahan ng “Betesda.” Ang tipunang-tubig ay inilalarawan na may limang kolonada, at sa mga ito’y nagkakatipon ang napakaraming maysakit, bulag, at pilay. Maliwanag na itinuturing nila na may kapangyarihang magpagaling ang tubig nito, lalo na kapag ito’y nagulo. Ang huling pitong salita ng talata 3 gaya ng masusumpungan sa King James Version at ang talata 4 ng kabanatang ito, na nagsasabing isang anghel ang gumugulo sa tubig, ay hindi makikita sa ilan sa pinakamatatandang manuskritong Griego at itinuturing na isang interpolasyon. Kung gayon, hindi sinasabi ng Bibliya kung bakit nagugulo ang tubig kundi ipinakikita lamang nito na naniniwala ang mga tao na may kapangyarihang magpagaling ang tubig na iyon.
Ang lokasyon ng tipunang-tubig ay ipinahihiwatig ng pagbanggit sa “pintuang-daan ng mga tupa” (bagaman sa orihinal na Griego ay kailangang idagdag ang salitang “pintuang-daan”), na karaniwang pinaniniwalaan na nasa hilagang bahagi ng Jerusalem. Ipinakikita ng Nehemias 3:1 na ang pintuang-daang ito ay itinayo ng mga saserdote, sa gayo’y ipinapalagay na ito’y isang pasukan malapit sa lugar ng templo. Ang pangalang Betzata ay iniuugnay rin sa seksiyon ng sinaunang Jerusalem na tinatawag na Bezetha, na nasa hilaga ng lugar ng templo. Noong panahon ni Jesus, ang bahaging ito’y nasa labas ng mga pader ng lunsod. Ngunit noong panahon ng pamamahala ni Claudio (41-54 C.E.), nagdagdag si Herodes Agripa I (na namatay noong 44 C.E.) ng pangatlong hilagaang pader sa lunsod at dahil dito’y nalagay ang Bezetha sa loob ng mga pader ng lunsod. Kaya, masasabi ni Juan na ang tipunang-tubig ay ‘nasa Jerusalem,’ gaya ng pagkakaalam niya sa hitsura ng lunsod bago ito wasakin noong 70 C.E.
Noong 1888, natuklasan sa mga paghuhukay sa bandang H ng lugar ng templo ang isang doblihang tipunang-tubig na hinati ng isang batong partisyon at may kabuuang lawak na mga 46 por 92 m (150 × 300 piye). May katibayan din na nagkaroon doon ng mga kolonada at may isang kupas na pintang alpresko na naglalarawan ng isang anghel na gumugulo sa tubig, bagaman malamang na ang ipinintang larawan na ito’y idinagdag na lamang nang maglaon. Waring tumutugma ang lokasyong ito sa deskripsiyon ng Bibliya.