Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bezek

Bezek

1. Ang lugar kung saan tinalo ng Juda at Simeon ang 10,000 sundalong Canaanita at Perizita na pinangungunahan ni Adoni-bezek. (Huk 1:3-7) Sinasabi ng ilan na ang Bezek na ito ay ang Bezek ng 1 Samuel 11:8 (Blg. 2), na nasa malayong hilaga kung mula sa Jerusalem at sa teritoryong sakop ng Juda at Simeon. Kung wasto ang gayong pagkaunawa, mangangahulugan iyan na si Adoni-bezek ay pumaroon muna sa T upang sumama sa iba pang mga hukbong Canaanita ngunit sinagupa siya ng Juda at Simeon, hinabol pahilaga sa Bezek, at natalo roon. Gayunman, waring ipinahihiwatig ng konteksto na ang lugar na ito ay nasa kapaligiran ng Jerusalem. Dahil sa mga nabanggit, ang Bezek, na lunsod ni Adoni-bezek, ay ipinapalagay na nasa rehiyon ng Sepela sa lokasyon ng Khirbet Bezqa, mga 5 km (3 mi) sa HS ng Gezer.

2. Ang lokasyon kung saan tinipon ni Saul ang mga anak ni Israel at ni Juda upang labanan ang mga Ammonita na nagkampo laban sa Jabes sa Gilead. (1Sa 11:8-11) Ang lugar na ito ay isang gabing lakarin lamang mula sa Jabes, sa gayo’y tumutugma sa sinasabing lokasyon nito, ang makabagong lugar ng Khirbet Ibziq, 21 km (13 mi) sa HS ng Sikem. Sa K ng Khirbet Ibziq ay may isang bundok na may taas na 713 m (2,339 na piye) mula sa kapantayan ng dagat at maaaring sa lugar na iyon tinipon ni Saul ang kaniyang mga hukbo.